Maaaring kasuhan at makulong ang isang kasambahay na Filipina sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) matapos itong magsilang ng isang sanggol na bunga ng kaniyang pakipagrelasyon sa isang Pakistani.

Ipinagbabawal sa Saudi Arabia ang lihim na pagkikita ng isang babae at isang lalaki na hindi mag-asawa. 

Si Dinah, (hindi tunay na pangalan) ay nagkaroon ng karelasyon sa isang Pakistani na kaniyang nakilala sa Facebook. Nakikipagkita siya ng lihim sa karelasyon at nagbuntis na hindi nalalaman ng kaniyang mga amo.

Noong araw na lamang ng kanyang panganganak nalaman ng kaniyang amo, nang magsumbong ang kaniyang inaalagaan na 8-anyos na babae nanakakita sa kaniyang pangaganak sa loob ng kanilang kuwarto.

Sa ekslusibong panayam ng GMA News kay Dinah, sinabi nito na bagamat nagulat daw ang kaniyang mga amo, ay agad daw silang tumawag ng ambulansiya upang maputol ang pusod at madala silang mag ina sa ospital.

“Hapon na po ng nanganak po ako nung June 28 sa kuwarto ng alaga ko kasi wala po akong kwarto. Nakakita po ako ng alaga ko pong babae nang pumasok po sya at nakita niya na lumabas yung bata," kuwento ni Dinah.

Nakipag ugnayan na ang Assistance to National (ATN) ng Philippine Consulate sa mga awtoridad at sa amo ni Dinah sa nangyari sa kanya.

Ayon kay Mary Anne Hipe, case officer ni Dinah, hindi na raw magsasampa ng kaso laban sa kaniya ang kanyang amo, pero dahil sa ang nagawa ni Dinah ay ipinagbabawal sa Saudi, possible umano siyang sampahan ng kaso ng mga pulis.

Sa batas ng Saudi ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasama ng hindi mag-asawa. May karampatang parusa na pagkakakulong at pagpalo sa likuran ang sinumang mapatunayan na magkakasala.

“Ang Kanyang employer po ay hindi magsasampa ng kaso against her ngunit meron ho batas sa kingdom na kapag ho nangnak ang isang babae na walang maipakitang dokumento maari ho siyang makulong, sa ngayon po pinaghahanap pa ho ng pulis ang Pakistani," pahayag ni Hipe

Sa kwento ni Dinah sinabi nito na nakilala nya sa facebook ang isang Pakistani na nagtatrabaho bilang family driver.

Nagkaroon daw sila ng relasyon at lihim daw silang nagkikita dalawang beses isang linggo tuwing madaling araw at sa kwarto daw ng lalaki siya dinadala tuwing sila ay magkikita.

Isang buwan ding namalagi si Dinah sa ospital habang inaasikaso ng konsulado ang kaniyang kaso.

Sinabi ni Hipe na ang mag-ina ay nakapag DNA test na at sa ngayon ay nasa bahay kalinga na sila sa loob ng konsulado upang mabigyan ng suporta sa mga pangangailangan ng mag-ina habang sila ay ipinapatawag ng pulis upang maresolba ang kanyang kaso. —LBG, GMA News