Kasama ang kaniyang ama, nanonood ng "Sunday Pinasaya" ang isang bata na big fan ni "Victor Magtanggol. Nalaman naman ito ni Alden Richards kaya hindi niya pinalampas ang pagkakataon na sorpresahin ang kaniyang batang tagahanga.

Sa StarBites report ni Cata Tibayan sa "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ni Alden na labis ang kaniyang kasiyahan tuwing binabati siya ng fans sa pangalan ng kaniyang karakter sa Kapuso primetime series na si Victor Magtanggol.

Pero mas naantig daw ang "Pambansang Bae" nang makilala niya ang batang fan na si IC Bautista na hiniling daw sa ama ang magkaroon siya ng martilyo na katulad kay Victor na "Mjolnier" o ang hammer ni Victor.

Gumawa naman daw ng paraan ang ama ni IC na si daddy Mac, kasama ang mga kaibigan, at gumawa sila ng mjolnier na mula sa recycled materials.

Pero nang manood sila ng "Sunday Pinasaya," hindi inakala ni IC na makikita niya ang idolong si Alden at may regalo sa kaniyang mjolnier.

Para kay Alden, kung may maituturo man daw ang "Victor Magtanggol" sa viewers lalo na sa mga bata, ito ang gumawa nang mabuti sa kapwa.

Sa nalalapit na pagtatapos ng serye, asahan daw na mas matitindi pang eksena sa "Victor Magtanggol."--FRJ, GMA News