Arnold Clavio, aminadong malaking hamon sa radio industry ang paglaban sa fake news | GMANetwork.com - Radio - Articles

“Ang paraan lang para labanan 'yun, ilabas mo lang ‘yung totoo.”- Arnold Clavio

Arnold Clavio, aminadong malaking hamon sa radio industry ang paglaban sa fake news

By AEDRIANNE ACAR

Matindi ang paniniwala ng award-winning DZBB radio anchor na si Arnold Clavio na may malaking ambag ang industriya ng radyo sa pagsugpo sa fake news ngayon.

Ito ang sinabi ni Igan sa panayam sa kanya ng GMANetwork.com pagkatapos ng kanyang contract renewal ngayon Martes, December 3, na idinaos sa Unang Hirit Studio sa GMA Network Center.

Aminado ang GMA Integrated News pillar na isa itong hamon para sa kanilang lahat sa DZBB.

“Kasama ang DZBB Super Radyo sa pumirma sa kontrata na labanan ang fake news, dapat totoo!”

“So everytime na naka-ere kami, hindi namin kinakalimutan yun na ipaalala. Kasi ngayon, sa mga araw na ‘to na nagdaan, iba ‘yung pinapalabas nila, iba 'yung impormasyon nila sa nalalaman natin, so ang paraan lang para labanan 'yun, ilabas mo lang ‘yung totoo.

“Medyo mahirap siya ngayon dahil mas maraming naniniwala sa kanila kaysa sa mainstream. Pero ‘pag tiningnan mo, ano ba ang agenda ng mainstream?

“Walang personality e, walang party involved. Ibalita mo lang. Kaya nga dinadagdag ko ngayon, walang dagdag, walang bawas, at walang personalan. E sila 'pag hinimay mo, meron silang kinikilingan, may pinapanigan.”

Dagdag pa ng highly-respected radio broadcaster, naniniwala siya na ang radyo pa rin ang pangunahing source ng balita ng maraming Pilipino hanggang ngayon.

Aniya, “So ‘yun 'yung hamon sa amin ngayon, how to make ‘yung mga kababayan natin na to trust us again ‘di ba, dahil may accusation ng bias. Paano magiging bias ang mainstream media, baka hindi alam ang definition ng bias? Papaliwanag natin 'yun.”

“So through radio, naniniwala ako na main source pa rin ng information ng mga farmers, mga fisherfolk, ng masa. Kasi lagi ko sinasabi, wala kang makitang mangingisda na may bitbit na TV o magsasaka na may bitbit na TV, pero ‘yung transistor radio, kayang bitbitin yun.”

Loyal na Kapuso for the past 35 years si Igan na pumirma muli ng kontrata sa GMA-7. Ilan sa top executives na dumalo sa kanyang contract signing ay sina GMA CEO Gilberto R. Duavit, Jr., Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, Executive Vice President of GMA Pictures and First Vice President of GMA Public Affairs Nessa Valdellon at ang Vice President for GMA Public Affairs na si Arlene Carnay.

Present din sa event sina GMA Integrated News, Regional TV, and Synergy Senior Vice President and Head Oliver Victor B. Amoroso, GMA's First Vice President for Radio Operations Glenn F. Allona, TV-radio anchor na si Connie Sison, at ang misis ni Igan na si Yna Clavio.

Nang tanungin kung bakit siya nananatiling loyal sa GMA-7, paliwanag ni Igan, “Pagdating sa loyalty, ang mentor ko diyan si Kuya Gemrs [German Moreno]. Si Kuya Germs, kasama ko 'yan sa radio at lagi kami nagkakasalubong niyan. May iniwan siyang pamana—ang loyalty is priceless. So wala siyang katapat.”