Veteran radio personality Benjie Liwanag signing off | GMANetwork.com - Radio - Articles

Seasoned radio anchor na si Benjie Liwanag, nag-retiro na.

Veteran radio personality Benjie Liwanag signing off

By JAMES ABAN

‘Siyete, base!’

‘Yan ang call sign ng veteran radio personality na si Benjie Liwanag sa tuwing ito’y magpapasok ng kanyang mga Breaking News sa number 1 AM radio station sa Mega Manila na Super Radyo DZBB 594 kHz.

Ang kanyang call sign, ay simbulo rin ng kanyang pagiging loyal bilang isang Kapuso sa GMA Network.

Ngunit ang kanyang boses ay hindi na mapapakinggan sa kanyang mga programa sa DZBB simula July 1, 2024, dahil siya’y magreretiro na.

Hindi matatawaran ang inambag na kontribusyon ni Benjie sa larangan ng pagbabalita.

Ilang dekada itong sumabak at walang inurungan na mga news coverage, katulad na lamang ng kanyang matapang na pagtutok sa Marawi Siege, Zamboanga Siege, Bagyong Yolanda sa Tacloban at ilan pang mahahalagang news assignment hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Malungkot pero masayang ibinahagi ni Benjie na sa loob ng 30 taon niya sa GMA ay taas noo niyang nagampanan nang mabuti ang kanyang trabaho bilang isang mapagkakatiwalaan at respetadong brodkaster.

“Masasabi kong kalahati ng buhay ko ay nasa GMA, at dito ako hinubog at araw-araw pang natuto para maghatid ng mga balitang walang kinikilingan at walang pinoprotektahan.”

“Isang karangalan na mapabilang ako sa GMA at sa number 1 AM station na aking naging tahanan ng mahigit tatlumpong taon, ang DZBB.

 

 

 

 

"Nagpapasalamat ako sa GMA, kay sir FLG, Sir Duavit, Sir Glen Allona, Ma’am Norie Temblor, Ma’am Rowena Salvacion, at kay sir Mike Enriquez na nagtiwala sa akin sa DZBB.

"Maraming salamat din sa aming masugid na tagapakinig na walang sawang sumusuporta sa aking mga programa sa radyo.

"Hanggang sa muli mga Kapuso, ako si Benjie Liwanag, forever proud Kapuso."

Si Benjie Liwanag ay naging reporter ng DZBB nang mahigit dalawang dekada hanggang sa mabigyan ito ng programa sa radyo kabilang na ang programang Liwanag sa Balita at Executive Summary.

Salamat and see you around, Kapusong Benjie!