Barangay LS DJ Papa Dudut, ikinuwento ang IVF journey nilang mag-asawa | GMANetwork.com - Radio - Articles

Blessing para kina Barangay LS FM DJ Papa Dudut at asawa niyang si Jem ang pagdating ng kanilang kambal na anak, kahit pa hindi naging madali ang kanilang journey.

Barangay LS DJ Papa Dudut, ikinuwento ang IVF journey nilang mag-asawa

By KRISTIAN ERIC JAVIER

Para sa Barangay LS FM DJ na si Papa Dudut, o Renzmark Jairuz Ricafrente sa tunay na buhay, isang malaking blessing sa kanilang mag-asawa ang pagkakasilang ng kambal nilang anak, isang boy at isang girl – 10 years matapos magsimula ang kanilang relationship.

Sa Surprise Guest with Pia Arcangel podcast, kinuwento ni Papa Dudut na kalalabas lang ng kanilang kambal mula sa Neonatal Intensive Care Unit (NICU). Ayon sa kaniya, pre-term ang kanilang babies dahil two days before mag-eight months sila ipinanganak.

Ayon sa batiking DJ, naging posible ito dahil sa in vitro fertilization o IVF procedure. Kuwento niya, 10 years na ang relationship nilang mag-asawa ngunit hindi pa sila magka-baby. 

Inamin din ni Papa Dudut na takot pa siyang magpapakonsulta noon ngunit dahil nag-insist ang kapatid niyang nurse at asawa nitong doktor, pumayag na rin siya.

“Dumating na lang sa point ng buhay ko, after 10 years, I realize kailangan ko nang pumunta. Sabi sa'kin, 'Papa Dudut, you're okay.' Okay naman ang sperm count,” pag-alala niya.

Pagpapatuloy ng batikang DJ, “Na-focus naman kay Jem 'yung examination. We found out na nagkaroon siya ng Hydrosalpinx. Ano naman 'yung Hydrosalpinx? 'Yung kaniyang left and right fallopian tube is namamaga, so we need to remove it.”

Dahil dito, hindi na sila magkaka-baby pa “the natural way.”

Inalala rin niya ang araw na ibinalita ito ng kaniyang asawa. Nasa loob lang siya ng kotse nang lumabas si Jem mula ospital na umiiyak. Pagpasok ng kotse, humagulhol na humingi ng sorry ang asawa ni Papa Dudut at sinabing “hindi kita mabibigyan ng anak.”

“Sabi ko, 'Ha? Wala bang ibang way para magkaroon tayo ng baby? Kahit magkano 'yan!' 'Yung mga ganu'ng kataga, parang pangdrama 'yan,” pag-alala niya.

Pag-amin ni Papa Dudut, hindi niya akalain na mahal pala ang IVF procedure, pero sinabi niyang nagpatuloy pa rin sila. Dumaan sila mula isa hanggang anim na procedures na walang nangyari. Umabot sa punto na sinabi niyang, “Parang namamanhid na kami du'n sa pain, hindi na namin masyado pinag-uusapan kapag hindi kumapit.”

Ngunit ganunpaman, patuloy pa rin sila sa procedure at naghanap pa ng ibang doktor hanggang sa makilala ang huling nakausap nila. Muling sumailalim sila sa procedure at inaming nagulat at nalungkot sila na apat na embryo lang ang nakuha sa harvesting procedure.

“‘Yung isa hindi pa nabuo. Tatlo na lang, pinadala namin 'yung specimen sa Thailand, para malaman 'yung chromosomes kung normal, atsaka 'yung gender niya,” sabi niya.

“Sinuwerte kami du'n sa tatlong pinadala, boy and girl 'yung naging okay na embryo, and nilagay kay Jem, kumapit, 'yan, may baby na kami ngayon.”

BALIKAN ANG IBA PANG CELEBRITIES NA NAGKA-ANAK SA PAMAMAGITAN NG IVF SA GALLERY NA ITO:

 

Pinangalanan nilang Reign Jiana ang kanilang baby girl at Renz Jian naman ang baby boy nila. 

Paliwanag ni Papa Dudut sa kanilang mga pangalan, “Ang ibig-sabihin ng Jiana atsaka Jian is 'God is gracious' so sinadya ko talagang maging God is gracious, si Lord is mabait, mapagbigay, kasi malaking blessing 'yung ibinigay sa amin ni Lord having them sa aming buhay.”

Aminado naman si Papa Dudut na “tamang timing” ang pagbigay ni Lord ng blessing sa kanila. Kuwento pa niya, kung noon nila nalaman ang sitwasyon ng asawa ay maaaring maging mitsa iyon ng kanilang hiwalayan dahil hindi pa siya “financially ready.”

“Kahit gusto ko na magpa-IVF, hindi ko maa-avail, so baka 'yun 'yung maging reason na maghiwalay kami, kaya si Lord laging nasa tamang timing e.”

“Nu'ng panahon na nalaman ko na may IVF naman pala, meron naman kaming kahit papaano nakaka-LL (nakaka-luwag-luwag) na, so salamat sa Diyos. God is gracious, nagkaroon kami ng Jiana atsaka ng Jian na napaka-cute,” ani Papa Dudut

Sa ngayon, meron pa umanong dalawang embryo sina Papa Dudut at Jem sa magkahiwalay na clinic. Ngunit hindi na nagbigay pa ng ibang detalye ang batikang DJ kung ano ang susunod nilang plano.

Pakinggan ang buong interview ni Papa Dudut dito: