DZBB anchors, sasabak sa dramahan para sa 'Sumasapuso' second anniversary | GMANetwork.com - Radio - Articles

Abangan ang special anniversary episode ng ‘Sumasapuso’ ngayong linggo.

DZBB anchors, sasabak sa dramahan para sa 'Sumasapuso' second anniversary

Muling kumasa ang Super Radyo DZBB primetime anchors sa umaatikabong dramahan sa radyo. Ito ay para sa isang espesyal na anniversary episode ng award-winning radio drama program ng na Sumasapuso, kasama si Toni Aquino.

Dalawang taon pa lang ang naturang programa pero humahakot na ito ng pagkilala, kabilang na ang Best Radio Drama program ng 45th at 46th Catholic Mass Media Awards (CMMA).

Noong nakaraang taon ay bumida sa isang romantic comedy story ng Sumasapuso ang mga primetime anchors ng DZBB. Pero ngayong taon, susubukan nina Arnold "Igan" Clavio, Orly Trinidad, Rowena Salvacion, Lala Roque, Connie Sison at Weng dela Peña ang isang madramang episode ng Sumasapuso na may titulong "Hanggang sa Dulo."

Sa isang ekslusibong panayaman, sinabi ng sa host ng programa na si Toni Aquino, recording pa lang ay talagang namangha na siya sa kanyang mga co-anchor dahil hindi lang mga matatapang at respetadong brodkaster kundi parang mga propesyunal na dramatista raw ang mga ito sa radyo.

"It wasn't the first time for Igan to act or do voice acting bilang Teatro Tomasino siya noon sa UST, at sobrang dali niyang i-direct

"Sina Connie and Lala, at first, nagdalawang-isip pa sila kung kaya nila umakting. Pero sabi ko nga, I'm here to guide them. Hindi naging mahirap ang pag-convince, they excitedly said yes to me!

“With Orly, he's also a natural actor, ha, parang di uma-acting!

“With Ms Weng, I just told her the character and the delivery I want from her. Ayun, take one lang, nakakainis nga, e, wala man lang blooper."

Dagdag pa ni Toni, magiging tradisyon na raw sa anniversary episode ng Sumasapuso, kung saan na mga DZBB anchor ang magbibigay tinig sa kuwento na itatampok sa naturang programa.

“Gagawin ko nang yearly tradition ito. Every [anniversary] episode ng Sumasapuso, mga DZBB anchors na ang gaganap sa drama."

 

Anniversary Episode: Hanggang sa Dulo

Ngayong taon, hatid ng Sumasapuso ang kuwento nina Sofia at Roger, na nag-umpisa ang kanilang pagmamahalan noong sila’y nasa kolehiyo pa. Nangako at nangarap sila na bubuo ng isang magandang pamilya, na sa anumang pag-subok sa buhay ay walang iwanan hanggang sa dulo.

Nagtagumpay ang dalawa sa kani-kanilang mga larangan kaya labis ang kanilang saya na sabay nilang nakamit ang kanilang mga pangarap.

Pero isang pagsubok ang dumating kina Roger at Sofia na hahamon sa kanilang pag-iibigan.

Ang kanilang pangako sa isa’t isa, mapapanindigan kaya? Ipipilit at ipaglalaban kaya nila ang kanilang pagmamahalan kahit ang kalaban na ay ang tadhana o susuko na at bibitaw sa pangakong hindi sila ang para sa isa’t isa hanggang sa dulo?

Yan ang dapat ninyong abangan sa Sumasapuso presents, "Hanggang sa Dulo"na isinulat ni Jonathan Mendoza, nilapatan ng musika ng technical director na si Papa Ding ng Barangay LS, sa direksyon ni Bea Uy, at hosted by Toni Aquino.

Ang Sumasapuso presents "Hanggang sa Dulo" ay mapapakinggan sa Huwebes at Biyernes, March 21 at 22, 12:30 p.m. -2:00 p.m. sa Super Radyo DZBB 594khz, sa official Facebook account ng Super Radyo DZBB, sa GMA News App at sa www.gmanetwork.com/radio/streaming.