Papa Dudut, taos-puso ang pasasalamat sa parangal na natanggap sa 5th Gawad Lasallianeta
January 31 2023
Bongga ang simula ng 2023 para sa multi-awarded Kapuso radio host na si Papa Dudut matapos manalo sa idinaos na 5th Gawad Lasallianeta sa Dela Lasalle Araneta University noong Lunes, January 30.
Kinilala ang Barangay Love Stories host bilang Most Outstanding Male FM DJ.
Sa Facebook post ni DJ Dudut, nagpasalamat siya sa lahat ng bumubuo ng Gawad Lasallianeta at inalay niya ang kaniyang parangal sa mga mahal niya sa buhay.
Sabi niya, “Taos pusong pasasalamat po sa parangal na aking nakamit bilang Most Outstanding Male FM DJ ngayong taon mula sa Gawad Lasallianeta inaalay ko po ito sa aking mga taga pakinig, pamilya, kapuso at sa Diyos. #5thGawadLasallianeta”
Last year, ilang award-giving bodies ang pinarangalan si Papa Dudut bilang isa sa mga seasoned FM DJ ng bansa.
Nanalo siya bilang Best FM Radio Program Host at ang kanyang show na Barangay Love Stories ay nanalo sa category na Most Development-Oriented Radio Drama sa 2022 Gandingan Awards.
Tumanggap din ang Barangay Love Stories ng kauna-unahan nitong award sa Catholic Mass Media Awards nitong November 2022.
Sa exclusive interview niya sa GMANetwork.com, nauna nang sinabi ni Papa Dudut na ang mga tropeyo na kanyang natatanggap ay nagsisilbing “motivation” niya para husayan ang kanyang trabaho sa Barangay LS.
Lahad niya, “May deal kami ni Lord. Sabi ko sa Kanya, as long as the recognition is coming, hindi pa ko magre-retire.”
“Kidding aside, nako-compliment ang hard work hindi sa akin kundi ng buong Barangay LS sa magandang radio show na aming nagagawa. Kaya mas lalo naming ginagalingan para ibalik sa tao ang pasasalamat.”
Comments
comments powered by Disqus