Papa Dudut, may balak na mag-retiro? | GMANetwork.com - Radio - Articles

Bukod sa pagiging DJ, enjoy ang ‘Barangay Love Stories’ host na si Papa Dudut sa pagpapatakbo ng kaniyang mga sariling negosyo. Ang tanong: naiisip na ba niya na iwan ang career niya bilang radio disk jock?

Papa Dudut, may balak na mag-retiro?

By AEDRIANNE ACAR

Nagsisilbing inspirasyon para sa Barangay Love Stories host na si Papa Dudut ang pagkilala na natanggap ng kaniyang programa ngayong 2022.

Kamakailan, itinanghal na Best Entertainment Program sa 44th Catholic Mass Media Awards ang Barangay Love Stories- ito ang unang pagkilala na natanggap ng show mula sa award-giving body.

Matatandaan na nakakuha rin ng recognition si Papa Dudut at Barangay Love Stories sa Gandingan Awards noong Abril.

Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com kay Papa Dudut, sinabi nito na ang mga pagkilala na natanggap nila ngayon taon ay  “added motivation”, para galingan pa ang kanilang trabaho.

Sabi ng multi-awarded Kapuso DJ, “May deal kami ni Lord sabi ko sa kanya as long as the recognition is coming hindi pako magre-retire hehe”, pagpapatuloy niya, “ Kidding aside nako-compliment ang hardwork hindi saken kundi ng buong Barangay LS sa magandang radio show na aming nagagawa. Kaya mas lalo naming ginagalingan para ibalik sa tao ang pasasalamat.”

Nakakataba rin sa puso ayon kay Papa Dudut na hindi lamang sa radyo patok ang mga kuwento na ibinabahagi ng kaniyang programa, kundi pati rin sa Spotify at YouTube.

Ayon sa kaniya na focus sila ng kaniyang team na makasabay sa agos ng panahon at makapaghatid ng istorya na kakagatin din ng mga netizens.

Paliwanag niya, “Natutuwa kami na the market is growing with us. Sumasabay kami sa agos ng panahon kaya nga Barangay Love Stories is the longest running drama for FM at patunay sa suporta ng ating mga kapuso ang mga awards at ratings naten sa survey.”

 

Samantala, nitong weekend, binuksan na ni DJ Dudut ang dalawang bago niyang negosyo sa isang malaking na mall sa Rizal.

Bukod sa chicken wings resto at coffee/milk tea business niya, may dalawa pang negosyo na pag-aari ang veteran radio host.

 

 

DJ entrepreneur Papa Dudut

 

Bagama’t maganda ang takbo ng mga business ni Dudut, malayo raw sa plano niya pa ang mag-retiro.

Lahad niya na suportado siya ng kaniyang Barangay LS family at mga boss sa Radio GMA, kaya pagsasabayin niya ang career bilang disk jock at businessman.

Paliwanag niya, “As of now masaya ako with Barangay LS  napagsasabay ko sya ng walang hassle,  supportive din ang RGMA Barangay LS sa mga endeavors ko.

“Kaya sigurado na mahabang taon pa tayo magkakasama sa radio especially ngayon na katatanggap lang natin ng recognition from CMMA.”