Award-winning DZBB anchor Joel Reyes Zobel, malungkot na nagpaalam sa kanyang yumaong ina
January 28 2021
Nakilala ang Super Radyo DZBB anchor na si Joel Reyes Zobel bilang isa sa respetadong radio broadcaster ng bansa—isang news personality na walang kinikilingan at walang pinoprotektahan makapag-ibigay lamang ng tama at patas na impormasyon sa kanyang loyal listeners.
Pero kamakailan lang, isang malungkot na Joel Reyes Zobel ang bumungad sa kanyang mga followers sa Instagram, matapos nitong sabihin na iniwan na sila ng pinakamamahal niyang nanay na si Teresita Iresare Reyes.
May kurot sa puso ang mensahe ng award-winning radio host para sa kanyang ina.
Kaakibat ng mahaba niyang post ay isang throwback video ng 70th birthday party ng kanyang Nanay Teresita.
Pagbabalik-tanaw niya, “Siya ang nanay ko, si Teresita Iresare Reyes. Ang video ay kinuha nuong nagdiwang siya ng kanyang ika-70 kaarawan, at amin siyang sinurpresa ng jollibee party.
“Nais ko pasalamatan ang aking asawa @iambadez, dahil siya ang nakaisip, punong abala at nagplano ng engrandeng pagsasama. Ang araw na iyan ay isa sa pinakamasayang araw ng nanay ko.
“Binalak namin siyang ipag-party uli ngayong taon. Sa McDo (at makita ng personal si ronald mcdonald) naman sana para ipagdiwang ang kanyang ika 75 kaarawan. Hindi na ito matutupad dahil iniwan na niya kami kaninang umaga. Masayahing tao ang nanay ko. Madaling biruin, palatawa, makulit kung minsan, mapag alaga sa mga apo, masarap magluto at mababaw ang kaligayahan.”
Sumunod na ibinahagi ni Joel ang ilan sa mami-miss niya sa kanyang Nanay Teresita at humingi din ito ng patawad sa mga pagkukulang niya.
“Ma, hindi ko na matitikman ang masarap mong kare-kare, at ang matamis mong dinuguan. Sana'y pumasa ako sa iyong panukatan ng isang mabuting anak.
“Patawarin mo sana ako sa aking mga pagkukulang. Magpahinga ka na. Samahan mo na si erpat sa langit. Wala ng sakit. Wala ng paghihirap. Puro na lamang sarap. Mahal ka namin ng lubos, Ma. Hanggang sa muli nating pagkikita.”
Bumuhos naman ang simpatiya at suporta mula sa mga katrabaho at fans ni Joel Reyes Zobel. Ilan sa mga nagpaabot ng pakikiramay ay ang GMA News pillar na si Arnold Clavio at Unang Hirit host na si Connie Sison.
Sa sumunod na IG post ni Joel nitong Lunes, January 25, inanunsyo nito na ike-cremate ang labi ng kanyang ina sa The Sanctuarium.
Joel Reyes Zobel, mas inspirado matapos manalo sa 15th Gawad Filipino Awards
Comments
comments powered by Disqus