EXCLUSIVE: Mang Tani, hindi makapaniwala na darating ang panahon na magiging anchor sa DZBB
July 05 2017
Makakasama na ng mga Kapuso radio listeners ang resident meteorologist na si Nathaniel ‘Mang Tani’ Cruz tuwing Sabado ng umaga, 10am-11am, sa kaniyang bagong radio show na 'I M Ready sa Dobol B.'
Sa one-on-one interview ni Mang Tani sa GMANetwork.com, sinabi niya na hindi raw siya makapaniwala na isa na siyang anchor sa number one at mas pinagkakatiwalaan na AM radio station ng bansa na DZBB.
Ani Mang Tani, “’Yung feeling talagang ibang-iba, bakit? Kasi nung ako’y isang forecaster hanggang ngayon na ako ay resident meteorologist ng GMA, tuwing pupunta ako sa radio station, ako ‘yung iniinterview.”
Dagdag niya, “Eh ngayon ibang-iba na ha, ako na ‘yung nakaupo, ako na ‘yung nagko-kontrol at ako na ‘yung magtatanong. So, talagang bagong-bago ang pakiramdam na ito sa akin and hindi ko inisip ni sa panaginip na darating ang panahon na ako pala ay magiging isang anchor o announcer ng DZBB.”
Nagpapasalamat rin siya na todo ang suporta ng mga katrabaho niya sa GMA News at ng mga resident anchors ng DZBB sa bago niyang programa. Binigyan daw siya ng mga ito ng payo at kung ano-ano ang mga dapat niyang tandaan kapag nagho-host siya ng kaniyang programa.
"Natutuwa naman ako dahil si Susan [Enriquez], si Mang Mike Enriquez at ‘yung mga ibang mga batikan na nating [anchors], si Ali Sotto, sila Fernan ‘yan, si Joel [Reyes Zobel], sila na ‘yung nagpapayo sa akin kung ano dapat kong gawin.”
Madalas din daw niya makausap ang 'Unang Hirit' host na si Arnold Clavio para humingi ng karagdagan payo sa pagiging radio anchor.
“'Yung mga importanteng dapat tandaan habang ikaw ay umeere, yun ‘yung mga pinapayo niya sa akin."
Sa huli, tila hindi pa rin makaniwala si Mang Tani na may sarili na siyang programa sa radyo.
"Nakakatuwa naman na ito ‘yung kauna-unahang pagkakataon na ako’y pupunta sa DZBB bilang anchor at hindi bilang bisita.”
More on DZBB:
WATCH: Kapuso meteorologist Mang Tani may bagong show sa DZBB!
'READ: Ali Sotto, bakit mas pinili maging anchor sa DZBB kesa bumalik sa pag-arte?
Comments
comments powered by Disqus