BLS Podcast Episode 10: 'Dream high' | GMANetwork.com - Radio - Articles

“Habang may buhay, may pag-asa”,   mga katagang pinanghawakan ng isa nating kabarangay.

BLS Podcast Episode 10: "Dream high"

“Habang may buhay, may Pag-Asa”,   mga katagang pinanghawakan ng isa nating kabarangay.

Magandang hapon sa inyong lahat ako si Papa Dudut, isa na naman pong kuwento ng buhay at pag ibig ang tampok dito sa Baranggay Love Stories

Dear Papa Dudut,

Happy blessed Sunday po sa lahat lalo na sa tagapakinig ng inyong napakatanyag na programang Barangay Love Stories. Itago mo na lang po ako sa pangalang RB shortcut po ito ng aking tunay na pangalan. I'm 27 years old, single, di naman po kagwapuhan pero may itsura naman, di po ako matangkad 5'4 ang height ko.

Ako ay isang OFW at kasalukuyang nandito sa bansang South Korea …kung bakit po ako nagdesisyon mag abroad ay hayaan nyo pong isalaysay ko ang kwento ng buhay ko.

May isang araw lang excited ako at maagang nagising dahil sa kauna unahang pagkakataon ay makakapunta ako sa Everland dito sa Korea …ang  Disneyland version ng South Korea. Bago ako umalis napatingin ako sa aming salamin at parang napansin ko lang na nag iba na din ang porma ko, ‘di kasi ako maporma dati noong nasa Pilipinas pa ako.

Alas nueve ng umaga noong makarating kami sa Everland…Napakaganda ng Everland Papa Dudut, ‘di ako makapaniwala na makakarating ako dito kasi pangarap ko lang ang makapunta ng abroad dati. Mabubungaran mo sa gate palang ang napakagagandang bulaklak na iba’t iba ang kulay. Bago pumasok sa entrance ay inabot ko ang phone ko sa kasamahan ko at sinabi kong kuhanan nya ako ng picture …suot ko noon ang simple white t-shirt,black short at nakashade .Katunayan ay makikita nyo po sa aking facebook account ang picture kong iyon.

Napapikit ako noong papasok na kami sa Everland … maraming mga kagaya kong kakikitaan ng ligaya sa mukha…Isang batang lalake ang tuwang tuwa habang pinagmamasdan ang paligid …ng makita ko ang ligaya sa kanyang mga mata ay isang alaala ng kahapon ang nagbalik sa aking alaala….ala la noong nandiyan pa ako sa ‘pinas…nag unahang tumulo ang aking mga luha kasabay ng malalim na buntung hininga.

Ako ay pinanganak sa lungsod ng Cabanatuan probinsya ng Nueva Ecija taong 1987. Bata pa lang ako ay naghiwalay na ang aking mga magulang sa ‘di ko maipaliwanag na dahilan. Dalawa lang kaming magkapatid ako ang bunso at si Ate Lot naman ang panganay… noong maghiwalay ang mga magulang ko ay naging miserable na rin ang buhay naming magkapatid, kay mama ako nasama, si Ate lot naman ay tumira kina lola Nene- tiyahin ni mama.

Musmos pa lamang ako noon pero tandang tanda ko pa hanggang ngayon ang pangakong binitawan ni mama.

“Anak ako ang bahala sa iyo, kahit kelan di kita iiwanan… aalagan kita", sambit niya habang hawak hawak ako sa magkabilang pisngi, umaagos ang luha sa kanyang mga luha habang binabanggit niya ang mga katagang iyon.

Kung saan saan kami napunta ni mama,hanggang sa nakilala niya si tatay Rogelio.Mabait si tatay Rogelio siya na ang itinuring kong tatay mula noon dahil nga sa ‘di ko naman kapiling ang tunay kong ama. Si tatay Rogelio ang nagpaaral at tumayong tumayong ama ko. Mabilis na lumipas ang taon Grade 4 na ako noon nang lisanin namin ang Nueva Ecija at magpunta kami sa Caloocan sa Maynila. Doon na kami nanirahan dahil doon nakabase ang negosyong furniture ni tatay Rogelio… malakas ang negosyo ni tatay noon kaya naibibigay nila lahat ng panangangailangan ko…pero pansamantala lang pala ang lahat dahil makalipas lamang ang dalawang taon ay bumagsak ang furniture shop kasabay ng pagkawasak ng pagmamahalan ng aking ina at tatay Rogelio na kalaunan nauwi na nga sa hiwalayan.

Bumalik kami ni mama sa probinsya, iniwan namin ang wala ng magawa noon na si tatay Rogelio…Kina lola Clarita kami tumira noon, sa probinsiya ko na rin ipinagpatuloy ang pag aaral ko hanggang  makapagtapos ako ng elementary. Marahil sa depresyon ay nalulong si nanay sa droga at kung sino sinong lalaki ang sinasamahan niya. May isip na ako noon kaya hindi ko maiwasang masaktan sa pinaggagawa ni nanay lalo na kung ako mismo ang nakakakita ng kagagahan niya.

Minsan pa ay nadatnan ko siyang nakabulagta sa sa sahig ng kwarto namin lango sa ipinagbabawal na gamot.Kahit alam kong hindi niya ako maririnig ay kinausap ko pa rin siya.

“Nay, akala ko ba hindi mo ako pababayaan ? akala ko ba aalagaan mo ako… Bakit parang nakakalimutan mo na ang pangako mo”, sabi ko sa gitna ng pag iyak. Hindi ko maiwasan ang magkaroon ng hinanakit kay nanay noon.Nahihirapan na kasi ako Papa Dudut, dose anyos pa lang ako noon pero pakiramdam ko pasan ko na ang mundo.Walang ama na gumagabay at walang ina na nag aaruga.

Kahit ganoon ay nangarap pa rin ako ng magandang kinabukasan Papa Dudut kaya noong malaman kong hindi naman ako kayang pag aralin ni nanay at Lola ay lumapit ako sa tiyahin ni nanay na si lola Nene- nag asawa kasi ang ate ko na siyang pinag aaral niya kaya ako na ang pumalit. Kapalit ng pagpapa aral nila sa akin ay ang panunungkulan ko sa kanila. Maglilinis ako ng bahay tuwing Sabado at Lingo...napakalaki ng bahay Papa Dudut, sa 1st floor ay may isang malaking kwarto,malawak na kusina at sala . Sa 2nd floor naman ay may tatlong malalaking kwarto at isa sa mga yon ang naging kwarto ko. Pag walang pasok nililinis ko yun lahat, kailangan kong mapakintab ang mga sahig. Napakabalidoso ni Lola nene, ultimo pinakasulok na bahagi ng bahay niya ay iche-check niya kung walang alikabok. Kapag may makita siyang katiting na kalat ay katakot na takot na sermon ang aabutin ko.

Kahit papaano ay nakakayanan ko namang pagsabayin ang trabaho at pag aaral ko ..4th year highschool na ako noong magkagusto ako a kaklase ko, si Carol. Morena at petit si Carol pero napakaganda ng mukha niya . Isang araw exam namin noon ng manghingi sya sakin ng papel.

“psst, Rb ..Rb may papel ka pa diyan?”, bulong niya. Kasalukuyan na akong sumasagot sa quiz noon. Nagulat ako dahil unang beses akong kakausapin ni Carol kaya hindi ako nakasagot agad.

“Uyy may papel ka diyan, pahiram naman muna oh”, pabulong na sabi niya.

“Ha ah eh..oo meron. Ilan ba?”, nauutal na sabi ko.

“ Isa lang, bayaran ko rin mamaya “, sagot niya. Dali dali akong kumuha sa bag ko ng papel at iniabot ko sa kanya. Muntik pa akong mahulog sa kinauupuan ko noong matanggap ko ang matamis na ngiti ni Carol bilang pasasalamat.

Mula noon ay lagi na kaming nag uusap ni Carol  pero di ako nagpapahalata na may gusto ako sa kanya..Pinili kong itago ang pagtingin ko sa kanya Papa Dudut dahil nahihiya ako sa itsura ko…di kasi ako maporma, lumang luma na ang uniform ko at mga gamit ko sa eskwelahan … wala akong maipagmamalaki dahil nakikitira lang ako at kung mamalabisin ay hamak akong boy sa tahanan ng nagpapaaral sa akin.  Hanggang isang araw ay tuluyan ko ng kinalimutan ang pagtingin ko kay Carol dahil pagmamay ari na siya ng iba. Js Prom yun noon,  kasalukuyan ang sayawan noong mapansin kong nawawala si Carol. Nag aalala ako kaya hinanap ko siya, una kong pinuntahan ang class room namin at doon ko nga natagpuan si Carol… ngunit hindi siya nag iisa. Kasabay ng pumapailanlang na love song ay ang eksenang punong puno ng pagmamahalan… Animo’y sila lang ang tao sa mundo, walang pakiaalam sa nangyayari sa paligid …para akong nanonood ng love story movie …nasa parteng climax na ako na kung saan kasalukuyang nilalasap ng dalawang bida ang tamis ng kanilang pag iibigan …. Napahawak ako sa tapat ng aking naninikip na dibdib ,at bago pa ako makalikha ng ingay ay tumakbo na ako palayo. Habang tumatakbo palabas ng school campus ay tumutulo ang luha ko. Halos hindi ko na makita ang dinadaanan ko noon…. Alam kong wala akong karapatang magselos pero yun ang nararamdaman ko. ngunit wala akong magagawa . Wala akong laban kay  Celso na kaklase din namin. Malayo ang agwat namin  ,gwapo siya, maporma,may kaya sa buhay at higit sa lahat mahal siya ni Carol.

Masakit sa akin ang katotohanan na dahil sa katayuan ko sa buhay ay wala akong karapatang magmahal… Sino nga ba ang babaeng tatanggap sa akin, wala…Kaya mula noon ay inalis ko na sa bokabularyo ko ang pag-ibig. Hindi na ako muling tumingin sa babae, kapag may natitipuhan ako ay itinutuon ko nalang sa ibang bagay ang atensiyon ko.Hanggang sumapit ang graduation… Ako na siguro ang pinaka nakakaawang nilalang noong mga sandaling iyon dahil hindi tulad ng mga kaklase ko ay kasa kasama nila ang kanilang magulang at kamag anak. Ako Solong solo ko ang sarili, mag isang nagmartsa at noong tatanggapin ko ang medalya ko sa pagiging school officer ko  ay nagmagandang loob nalang ang class adviser ko na magsabit .

Pagkatapos ng secondarya ay inaalis ko na sa isipan ko ang makapag aral pa ng college .sino ba naman ang magpapaaral sakin?  Wala naman akong maasahan sa nanay ko nalululong sa masamang bisyo  at kung sinu sinong lalaki na ang sinasamahan niya . Nakikitira lang  ako kina lola Nene… mabait naman si lola Nene may pagka istrikto nga lang . May dalawa siyang anak si Tita Margie  at tito Orlan. Wala akong masabi kay tita margie dahil mabait siya sa akin, ang naging problema ko lang ay si tito Orlan na walang ibang ginawa kundi pasakitan ako.

Isang umaga kinausap ako ni Tita Margie tungkol sa pag aaral ko sa kolehiyo.

“Bakit di ka na lang kaya maghanap ng scholarship mo,matalino ka naman sayang naman  kung di ka makakapag aral”, sabi niya.

“Hindi lang naman yun tita eh, marami pa akong ibang pagkakagastusan sa school”, sagot ko.

“Ah ganito kumuha ka ng scholarship at ako na ang  bahala sa baon mo… ok ba yon?"

"Talaga?  sige po", naluluhang sagot ko, walang mapagsidlan ang ligayang nararamdaman ko noon dahil malaki  ang pag asa kong  makatapos ng Kolehiyo... Inayos ko agad  ang scholarship ko Papa Dudut , kung kani kanino ako lumapit hanggang nagbunga ang pagsisikap ko… Isa ako sa mga pinalad na maging full scholar ng isang congressman sa probinsya namin , nakatulong ang matataas na grades ko para makakuha ng scholarship.

Ipinagako ko sa sarili kong kahit na anong mangyari ay makakamit ko ang mga pangarap ko, giginhawa din ako. Para matupad iyon ay umiiwas ako sa barkada at babae, focus muna ako sa pag aaral ko. Kumuha ako ng kursong Information technolgy dahil ayon sa mga napagtanungan ko ay in demand ang  kursong iyon lalo na sa ibang bansa. Naging maganda naman ang unang taon ko sa kolehiyo.

Second year college na ako noong may  isang pangyayari  sa buhay ko na hinding hindi ko makakalimutan. Wala sina lola Nene at tita Margie noon , dalawa lang kami ni tito Orlan sa bahay. Nagsasaing ako  noon habang nilalabhan ko ang uniform kong gagamitin ko ulit kinabukasan. Nagulat na lamang ako noong biglang nagsisisigaw si tito Orlan sa kusina, sa gulat ko ay napatakbo ako sa kinaroroonan niya. Nakaramdamako ng takot noong naamoy ko ang amoy sunog na kanin.

"Wala ka talagang silbi punyeta ka !!! Palamunin ka na nga  dito malas ka pa….yan na nga lang gagawin mo hindi mo pa magawa ng maayos”, bulyaw niya sa akin.

“Pasensiya na po tito, mag sasaing nalang po ako ulit”, naluluhang sagot ko.

“Dapat lang ,pero huwag na huwag mong itatapon yang sunog na kanin dahil yan ang kakainin mo!”, madiing sabi niya.

Hindi nalang  ako kumibo, kinuha ko nalang ang kaldero para makapag saing ng panibagong kanin pero  hindi pa rin ako tinantanan ni Tito Orlan.

"Umalis ka na kasi dito masyado kang pabigat", sabi niya saba’y tulak sa akin. Sumadsad ako sa lababo, napatingin ako sa kanya ng matalim.

“Aba, parang manlalaban ka pa ah…”, galit na galit na sabi niya sabay amba ng suntok sa mukha ko.Kaso naunahan ko siya, inihagis ko sa kanya ang kaldero kaya tumama iyon sa dibdib niya.

“Gago ka, papatayin kita”,

“Gawin mo! Wala namang kuwenta ang buhay ko eh”, matapang kong sagot sabay lapit sa kanya pero napaatras siya sa ginawa ko.

“Umalis ka dito , wala kang lugar dito. Pabigat ka…bwisit sa buhay”, nanginginig na sabi niya.

"Oo, aalis na'ko dito, hindi mo na ako kailangan ipagtulakan pa…!”,sagot ko habang nanggigilid ang mga luha… Dali dali akong umakyat sa itaas ng bahay at niligpit ko na ang gamit ko habang umiiyak . Palabas na ako ng kwarto noong makasalubong ko si Tito Orlan sa labas ng pinto. Walang sabi sabing  hinablot at kinaladkad niya ako pababa ng hagdan palabas ng bahay… nagkanda sugat sugat at dugo ang tuhod ko sa ginawa nya…humahagulgol na ako noon hindi dahil sa sakit ng mga sugat ko kundi dahil sa awa sa sarili ko.

“Huwag na huwag ka ng babalik dito dahil baka mapatay pa kita…”, sigaw niya bago niya ako initsa nalang ng basta sa lupa.Wala na akong magawa noon kundi umuwi kina nanay, sa bahay ng bago niyang kinakasama.Nataon naman na hindi siya lango sa droga noon kaya nakausap ko siya ng maayos.Niyakap niya ako ng mahigpit noong makita niya ako, para akong basahan sa itsura ko  Papa Dudut .

"Anak pasensya ka na pero kung titira ka sa akin ay walang mangyayari sayo”,sabi niya

“Anong gagawin ko nay, pagod na pagod na ako sa buhay ko. Hanggang kailan ako magiging ganito”, umiiyak na sabi ko.

“Dun ka nalang sa tatay mo, sigurado ako hindi ka niya pababayaan”, napatingin ako sa sinabi ni mama. Sa totoo lang gusto ko talagang makasama ang tatay ko kasi bata palang ako ay di na talaga kami nagkikita . Kaya nagdesisyon na rin akong puntahan siya sa bayan, nagulat pa siya noong makita niya ako. Kunot noo siyang napatingin sa mga gamit ko…

"Ikaw na nga ba yan RB? …anong nangyari bat ka napadpad dito"... gulat niyang tanong

"Pinalayas na'ko dun sa tinitirhan ko Tay,di rin naman ako kayang buhayin ni  nanay" Sandali siyang hindi nakapagsalita, ni hindi ko manlang siya nakitaan ng pag aalala… sa loob ng maraming taong hindi namin pagkikita ay ni hindi ko siya nakitaan ng pagkasabik, ni hindi niya ako niyakap.

“Tuloy ka! “, malamig niyang tugon na sinabayan pa niya ng kamot sa batok, kung may pupuntahan lang akong iba noong mga sandaling iyon ay umalis na ako. Maliit lang ang bahay nila tatay, may dalawa itong kwarto. Kwarto nila ng asawa niya, ang isa naman ay ipinagamit nila sa akin. Wala silang anak dahil hindi na kayang makabuntis ni tatay ayon sa Medical niya, may health problem siya kaya naapektuhan ang kakayahan niyang makabuntis.

Akala ko Papa Dudut kahit papaano ay  gaganda na ang buhay ko pero isang kalbaryo na naman pala ang naghihintay sa akin. Katulad din siya ni tito Orlan, ang tingin sa akin ay pabigat  …si Tita Melba, ang madrasta ko. Siya ang buwisit sa buhay ko Papa Dudut dahil harap harapan niya akong pinapakitaan ng pagkadisgusto.May sarili akong electricfan sa loob ng kwarto ko pero kapag hating gabi na ay namamalayan ko si tita Melba na pumapasok para i- off. Maririnig ko pa siyang magsasalita ng “ sayang ang kuryente, isa ka pang pagkakagastusan..bwisit”… Kapag nasa trabaho naman si tatay ay hindi niya ako pinapakain, itinatago niya sa loob ng kwarto nila ang kanin at ulam. Wala naman akong sariling pera kaya nagtitiis na lang ako sa puro tubig para lang magkalaman ang tiyan ko. Hindi ko rin masabi kay tatay ang ginagawa ng madrasta ko dahil hindi naman niya ako kinakausap. Sa harapan ng bahay nila tatay ay ang bahay ni lola Lileng ang ina ni papa, kapag nakikita niya ako ay tinatawag niya ako sa kanila para kumain.

“Hindi ka na naman pinakain ng hilaw mong madrasta ano?”, sabi niya habang pinapanood niya akong kumain.

“Sanay na ako Lola, mabuti na lamang at nandiyan kayo”,

“Kaya dapat mag aral ka ng mabuti, gugustuhin mo ba na ganyan ka pang habang buhay…”, sabi ni Lola, napatingin ako sa kanya.

“Hindi Lola, makakapagtapos ako. Giginhawa ang buhay ko ‘La, “, sagot ko habang ini imagine ang sarili kong may maginhawang buhay.

“Hayaan mo , ako na ang bahala sayo, ipangako mo lang sa akin na magtatapos ka Rb”, sabi ni Lola.Napatingin ako kay lola dahil alam kong hirap din sila sa buhay at kakaunti lang naman ang kinikita niya sa paglalako ng lutong ulam.

“Pagpasensiyahan mo lang ang kaya kong ibigay apo dahil hindi naman ako mayaman“,

“Salamat lola, tatanawin kong malaking utang na loob ang maitutulong niyo sa akin.”, naiiyak na sabi kong muling nagkaroon ng pag asa.

Ipinagpatuloy ko nga ang pag aaral ko Papa Dudut, ipinagpatuloy ko ang kurso kong Bs information Technology sa Nueva ecija university of science and technology. Mahirap ang mga pinagdaanan ko para makatapos. Kulang na kulang ang perang ibinibigay sa akin ni Lola Lileng, pinagkakasya ko na lamang dahil determinado akong makapagtapos.

Kahit malayo ang bahay sa eskwelahan  ay nilalakad ko na lamang pauwi , hindi ako nagmemeryenda o nananghalian para makatipid. Kung minsan naman ay pinababaunan na lamang ako ni Lola ng kanin at ulam. Kapag bakante ko ay sumasideline ako sa bukid ng mga kapitbahay namin o di kaya’y sumasama ako kay papa sa pagkaka-carpintero. Mahirap Papa Dudut pero kinaya ko hanggang sumapit ang graduation ko taong 2008.

Sa bahay pa lang ay hindi na maitago ang saya ko habang pinagmamasdan ko ang sarili kong nakasuot ng toga. Nakangiti ako sa salamin noong makita ko si Papa na pumasok sa pintuan ng kwarto ay umupo sa kama. Hindi ako nag abalang lingunin siya pero mula sa salamin ay tumingin  ako sa kanya ng may pagmamalaki…

“Ayan, magmamartsa ka na, hindi man halata pero proud ako sa’yo anak…”, mahinang sabi niya. Hindi ako nakaimik, paulit ulit na umalingawngaw sa pandinig ko ang salitang “Anak”. Sa kauna unahang pagkakataon ay tinawag ako ng tatay kong “ anak”.  Imbes na sumagot ay pinili kong yumuko dahil ayaw kong makita niya ang pagtulo ng luha ko. Naramdaman ko pa siyang tumayo  palapit sa akin at walang anumang tinapik ako sa balikat bago lumabas ng kwarto.

Sa ginawa niyang iyon ay napahagulgol ako, kahit na hindi kami nag uusap ay sandali kong naramdaman ang pagmamahal ng isang ama. Kahit wala siyang naitulong ni piso sa pag aaral , isa pa rin siya sa mga dahilan kung bakit ako nagsikap. Sapat na ang dahilang ama ko siya at wala ako sa mundong ito kung hindi dahil sa kanya.

Matapos ang graduation ay nagsimula ng maging exciting ang buhay ko ,nag apply apply nako ng ng work pero hindi pala ganun kadali ang lahat dahil naging mailap naman sa akin ang suwerte. Habang naghihintay ng tawag tungkol sa trabaho ay naging abala ako sa pag eensayo ng sayaw. Niyaya kasi ako ng pinsan kong si Dominick na sumali sa contest ng sayaw para sa pista namin. Isang araw matapos ang maghapong praktis ay nagkayayaan ang lahat sa bahay ng kagrupo namin, kaarawan kasi niya.

Kasarapan ng inuman at kuwentuhan noong may dumating na dalawang babae.Papasok pa lamang sila sa bakuran ng bahay noon ay nakaramdam na ako ng kakaiba sa isa sa kanila.

"Insan meet Janet & Maybelle …mababait yang mga yan magaganda pa", pakilala ng pinsan ko dahil ako lang ang bago sa grupo.Nahihiya pa ako noon dahil amoy pawis ako sa maghapon na praktis, ganun pa man ay inabot ko ang kamay ko.

"Rb po pala", una kong kinamayan si Janet.

“Nice to meet you”, sagot niya, sunod kong kinamayan si Maybel.

"Nice to meet you Rb", sagot niya, napatitig ako sa mukha niya , may kung anong pumitik na ugat sa aking puso. Napakaganda ni Maybel Papa Dudut  maputi at makinis ang kanyang balat , napakaganda ng mahaba at itim na itim niyang buhok. Habang kumakain ay hindi ko mapigilang mapalingon sa kanya, ang sarap niyang pagmasdan at napakasarap sa pandinig ang tunog ng tawa niya.May mga pagkakataon na nagtatama ang mga mata namin, kahit nahihiya ay nginingitian ko na lang siya na susuklian naman niya ng kanyang matamis ding ngiti.

Dis oras na ng gabi noong magdesisyon kaming umuwi pero hindi ko pinalampas ang gabing iyon na hindi makausap si Maybel Papa Dudut. Lakas loob ko siyang nilapitan at kinausap.

“Maybel pwede bang makuha no. Mo?", lakas loob kong tanong.

 "Oo naman yun lang pala eh " sabi niyang nakangiti habang idini dictate sa akin ang number niya.

Pagkauwing pagkauwi ko sa bahay ay tinext ko agad si Maybel …

"Hi ganda”,

“Sino to”, reply niya

“Rb to…alam mo Maybel ang ganda mo una palang kitang nakita ay nakaramdam na agad ako sayo ng pagmamahal”

“Naku, akala ko pa naman mahiyain ka….

“Oo sa personal, nahihiya nga ako kanina sa’yo eh… Maybel may bf ka na ba?

“Wala pa naman Rb…” sagot niya, halos maglulundag ako sa sobrang saya. Pinili Kong kaibiganin muna si Maybel bago ko siya ligawan para hindi siya mabigla. Mula noon halos oras oras na kaming magkateks at noong magkapalagayan na kami ng loob ay nagtapat na ako sa kanya.

"Ok lang ba na manligaw ako sayo Maybel" .text ko.

"Bahala ka …actuallly Rb una palang din kitang nakita ay parang ang gaan na ng loob ko sayo", reply niya, nakaramdam ako ng  labis na kaligayahan dahil ramdam kong may pag asa ako sa kanya.Linigawan ko nga si Maybel Papa Dudut, at isang araw dalawang magandang balita bang natanggap ko. Una ay ang pagsagot sa akin ni Maybel na sobrang ikinaligaya ko , pangalawa ay ang pagkatanggap ko sa isang Network broadband contractor bilang office staff. Masayang masaya ako noon at wala ng mahihiling pa. May nobya akong maganda at may trabaho na kahit mababa lang ang sahod ay puwede na rin. Hindi na rin natuloy ang pagsali ko sa sayaw dahil busy na ako sa trabaho.

Tuwing walang pasok ay dumadalaw ako sa bahay nina Maybel, di kalayuan sa baryo namin. Gamit ko ang bisikleta ni  tatay…medyo masungit ang nanay niya kasi laging nakasimangot at hindi ako kinikibo. Tatlo silang magkakapatid pangalawa siya, tulad ko ay kabilang din siya sa broken family. tanging ang nanay niya lamang ang kasama nya sa bahay nila at ang bunso niyang kapatid, ang kuya niya kasi ay nagtatrabaho na sa maynila.

Estudyante pa lamang si Maybel noon kumukuha siya ng kursong computer secretarial. Isang araw ay nagkukuwentuhan kami ni Maybel sa sala nila, wala noon ang mama niya kaya nasasabi ko lahat ng gusto ko.

"Mahal, mahal na mahal kita sana ganun ka din sakin" sabi ko habang nakahiga sa kanyang mga hita. Mahilig kasi akong mahiga sa hita nya habang ang kamay naman nya ay hinahagod ang buhok ko.

“ Mahal na mahal din kita mahal…. “, malambing niyang sagot.

“Kapag tayo ang nagkatuluyan sana matanggap mo ang aking ina mahal na mahal ko yun at pag nag asawa ako gusto ko kasama ko sya"...

 "Oo naman mahal ok lang naman sakin" sabi nyang may ngiti pa sa labi nya. Panatag ang kalooban ko kay Maybel Papa Dudut dahil iyon ang hinahanap ko sa isang babae ang kayang tanggapin ako at hindi tumitingin sa family background .

"Oh siya gumagabi na mahal uuwi na ako" , sabi ko saba’y tayo.

"ingat ka mahal" sabi nya...

"Kiss ko asan?" Paglalambing ko habang nakahawak pa din sa kamay niya. Ngumiti si Maybel at walang anu anong inilapit niya ang mukha niya sa akin, kinabahan ako noon dahil hindi pa ako nakakahalik sa tanang buhay ko. Mabuti na lamang at hindi napansin ni Maybel ang panginginig ko, napapikit na lamang ako habang inilalapit ang mukha ko sa kanya. Ilang saglit pa’y magkalapat na ang aming mga labi.

Napakasarap ng halik na iyon Papa Dudut , napakalambot ng kanyang mga labi na hanggang ngayon ay ramdam ko pa. Maligayang maligaya ako kay Maybel,halos araw araw ay kasama ko siya. Wala na akong ibang hinahanap pa noon, siya na ang babaeng gusto kong makapiling habang buhay. Ang gusto kong maging ina ng mga anak ko at makakasama ko hanggang pagtanda.  May isang gabi noon ng isama ko si Maybel saamin , ipinakilala ko siya kay Lola Lileng.

"Rb siya ba ang g.f mo?", nakangiting tanong ni Lola noong mabungaran niya kami sa bakuran niya.

"Ppo ‘la si Maybel po".

"Aba maganda ah. Bagay na bagay kayo apo", puri ni Lola,nakangiti namang nagmano si Maybel.

"Maybel itong apo ko mabait na bata yan, huwag mu sanang sasaktan ah" sabi ng lola ko.

"Opo, mahal ko po ang apo niyo Lola", sagot naman ni Maybel,  matagal pang nagkuwentuhan si lola at Maybel noon. Marami silang pinag usapan tungkol sa amin, pinaalalahanan pa niya kami na huwag magmadali dahil bata pa kami pareho.

Isang umaga nasa terrace ako ng bahay ng kausapin ako ng pinsan ko.

"Kuya Rb kayo pa ba ni ate Maybel?”, tanong niya.

“ Oo pinsan , bakit mo natanong?”, kunot noong tanong ko

“ Eh kasi kuya nakita namin si ate Maybel sa bayan… eh may nakaakbay sa kanyang lalaki eh ",sabi niya, nagulat ako sa sinabi ng pinsan ko , nakaramdam ako ng galit kay Maybel. Tinawagan ko siya agad…ilang ring pa lang ay sumagot na siya.

“Hello mahal….”, malambing na sagot niya.

"Ayoko sa lahat yung niloloko ako" , madiing sabi ko.

"'Di kita maintindihan" sabi niya

"Sino yung lalaking kasama mo sa bayan… at nakaakbay pa sayo ah”,

"Ano ka ba RB, kaibigan ko lang yun"sabi nya

"Kaibigan? Inaakbayan ka …kaibigan!? Sa tingin mo maniniwala ako" 

"Ok bahala ka kung ayaw mung maniwala"

“Di talaga ako maniniwala ayoko sa lahat yung niloloko ako"

"Kung ayaw mung maniwala sige ako na magsasabi… break na tayo magkanya kanya na tayo"

Nagulat ako sa sinabi niyang iyon… magsasalita pa sana ako pero pinutol na ni Maybel ang linya. Hindi ko napigilang mapaiyak, ang sakit sakit para sa akin ang pakikipaghiwalay ni Maybel Papa Dudut. Pero nangibabaw ang pride ko, hindi ko sinuyo si Maybel. Nanahimik na lamang ako at nagfocus sa trabaho.

Kahit papaano ay nakatulong ang pagiging busy ko para makalimutan si Maybel. Isang araw ay nakatanggap ako ng text galing sa sa kanya.  Ang sabi niya ay kahit maging magkaibigan na lamang kami dahil sayang naman ang pinagsamahan namin. Pumayag naman ako, hindi ko maitatanggi sa sarili kong mahal ko pa rin siya noon Papa Dudut at umaasa akong muli kaming magkakabalikan. Niyaya din niya akong mamasyal sa bahay nila noon, pero hanggang pagkakaibigan na lamang talaga ang namagitan sa amin. Isangaraw nagyaya sila ng bestfriend niyang si Janet na pumunta sa lamay. Dahil wala naman akong pinagkakaabalahan noon ay pumayag nalang ako. Sa kabilang barrio ang lamay ng isang kakakilala nina Maybel ,mabuti na lamang at may sarili na akong motorsiklo noon na hinuhulog hulugan ko. Pagdating doon ay pumasok agad sila sa loob ng bahay, nagpaiwan na lamang ako sa labas dahil takot akong makakita ng patay. Napapanaginipan ko kasi at ilang araw din akong hindi makakatulog ng maayos. Ilang minuto din ang nakaraan bago lumabas si Maybel at Janet, nakangiti akong sumalubong sa kanila ng mapansin ko ang isang lalake na nakahawak sa kamay ni Maybel.

"Rb si Fernan nga pala boyfriend ko", pakilala niya sa lalakeng humawak sa beywang niya.Gwapo si fernan Papa Dudut,  matangkad at maporma...walang wala ako sa kanya.

“Kamusta pare? “, bati sa akin ng lalake sabay abot ng kamay niya.

“Ayos lang pare”,

“Pasok ka muna sa loob”,

“Dito muna ako sa labas pare, sige lang…”,sagot ko

“Sure ka RB ah, sa loob muna kami then.”, singit ni Maybel.

Tumango lang ako, tuluyan na nga silang pumasok sa loob .Hindi maalis ala ala ko ang nakangiting mukha ni Maybel habang pinapakilala niya ang boyfriend niya. Dahil na rin sa sama ng loob ay nagdesisyon na akong umuwi , hindi ko na kakayanin pang makita ulit si Maybel at ang bf niya. Pagdating ko sa bahay ay agad akong nagtext kay Maybel.

"May  bf  ka na pala di mo manlang  sinabi?"

"Ayoko kasing masaktan ka RB… mabait si Fernan at mahal ko siya. ..masaya ako sa kanya Rb, sana maging masaya ka na rin. " reply nya

 "Gusto ko sanang makipagbalikan sau kaya lang may b.f ka na pala…mahal pa rin  kita hanggang ngayon Maybel"

 "Mas mabuti na maging magkaibigan na lang tayo Rb ,sorry pero mahal ko si Fernan", reply niya. Umiiyak na ako noon Papa Dudut, muling bumalik sa ala ala ko ang mga masayang pinagsamahan namin ni Maybel. Ang mga pangako namin sa isa’t , ang pagmamahalan namin. Wala na talaga, wala ng pag asa pang bumalik lahat ng yun.

Taong 2010 noong magdesisyon akong magresign na lang sa trabaho ko, nawalan ako ng gana dahil wala na akong inspirasyon .  Isa pa wala namang nangyayari sa sahod ko ko, napupunta lang sa bayad ng motor kaya pinahatak ko na lang. Sumasama na lang ako kay tatay sa furniture shop ,naging assistant  niya ako sa mga ginagawa nyang mga cabinet at upuan.  Tumutulong ako sa pagkakatam at paglalagari ng mga kahoy , naaawa na nga ako sa sarili ko noon kasi college graduate ako pero nasa furniture shop ako. Nilalait na din ako ng mga pinsan ko at tito ko noon. Kesyo daw nag aral aral pa ako eh pagkakarpintero din naman pala ang bagsak ko. Dahil na rin sa depresyon ay natuto akong uminom, gabi gabi ay nag iinuman kami ng mga katropa ko na gaya ko ay wala ding matinong trabaho. Kung saan saang beerhouse kami sa Cabanatuan nagpupunta ,kung sino sinong babae ang nakikilala namin. Iba’t ibang uri, ang mga katropa ko ay talagang gumagamit pero ako ayoko… kahit kailan ay hindi ako gumamit ng ganung klaseng babae .

Isang araw nadaanan ko ang madrasta kong nakikipagsugal sa kapitbahay namin. Sana’y na akong lagi siyang ganun, mula umaga hanggang bago magdilim ay nasa sugalan siya. Kung minsan ay si tatay pa ang magsasaing pagdating galing trabaho dahil nasa sugalan pa si Tita Melba. Tiningnan ko lng siya ng masama tsaka ako tuloy tuloy na naglakad pauwi ng bahay, pero ilang metro pa lang ang layo ko ay narinig kong nagsalita si Mario, isa sa malimit kasugal ni Tita Melba.

“Akala ko ba nakapagtapos yan, eh bakit pa extra extra lang..palamunin ata ah”, sabi niya.

“Oo nga, pabigat nga yan eh… dina nahiya sa asawa ko”,sagot ng madrasta ko.nagpanting ang tenga ko sa narinig ko kaya hindi ko napigilan ang sarili kong sumagot.

“ Ikaw ang pabigat… Wala ka ng ibang ginawa maghapon kung hindi makipagsugal. . . “, sigaw ko.

“ Hoy!!! Wala kang pakialam sa kung ano ang gusto kong gawin….”, sigaw niya

“Puwes wala ka din pakialam sa akin, hindi kita kaanu ano kaya huwag mo akong pakikialaman.” Singhal ko bago ko sila tuluyang iwan.

Marami pa akong narinig noon na pangungutya, pati sa mga tito at tita ko ay nakakarinig na din ako ng masasakit na salita. Binabalewala ko nalang , kilala ko ang sarili ko kaya hindi dapat  ako magpaapekto. Lumipas pa ang mga araw hanggang isang balita ang gumulantang sa amin lalo na sa tatay ko…. Buntis  ang madrasta ko Papa Dudut… Malaking katanungan kung paano nangyari iyon dahil hindi naman na pwedeng makabuntis si tatay. Galit na galit ako noon dahil kahit papaano ayaw ko namang paglaruan ni Tita Melba si tatay lalo na at walang ibang ginawa ang huli kundi maghanap buhay para sa kanya.Pati mga kamag anak namin noon ay galit kay tita Melba pero ipinagtatanggol siya ni Tatay . Ipinipilit niya na sa kanya ang bata, baka daw bumalik na ang kakayahan niyang makabuntis.

 Isang hapon lasing akong umuwi ng mabungaran ko si tatay na sala habang nanonood ng T.v. wala noon ang madrasta ko. Papasok na sana ako noon sa kwarto ko ng magsalita si tatay.

 "Lasing ka na naman kelan ka ba titino RB?" ,mahinang sabi niya.

" Mas okay na yun para makalimutan ko lahat ng problema ko…. Eh ikaw tay, hanggang kailan ka magbubulag bulagan?”, sagot kong ang tinutumbok ko ay ang pagbubuntis ni tita Melba.

“ Ano banag sinasabi mong nagbubulag bulagan ha? “;

“ Naku naman ‘tay…. Maliwanag pa sa sikat ng araw, niloloko ka ng magaling niyong asawa …Hanggang kailan ka magpapakatanga.

"Wala kang karapatang pagsalitaan ako ng ganyan RB… anak lang kita" sabi nya

" Tama tay ! anak mo ako, eh yung pinagbubuntis niya sigurado ka bang anak mo yun..wala tay naloko ka na..”,palatak ko

“ anak ko ang batang iyon RB...at tatanggapin ko siya kahit anu pa ang sabihin nila.

“ Huh, mabuti pa pala sa batang yun tay magpapaka ama ka. Eh sa akin bakit hindi mo nagawa “,  sumbat ko. Hindi siya nagsalita …

“Ilang taon din akong nangulila sa pagmamahal mo tay, pero noong sa wakas ay kasama na kita sa iisang bubong pakiramdam ko anlayo pa rin natin sa isa’t isa. Ni hindi ko narinig na sinabi mong mahal mo ako, na nag aalala ka sa akin, na sinusuportahan mo ako sa mga pangarap ko…wala yun lahat ‘tay…tapos sasabihin mo sa akin ngayon na tatanggapin mo ang batang iyon bilang anak mo tay? Sa akin nga di na sapat ang pagiging tatay mo magdadagdag ka pa…”, mahabang litanya ko, hindi ko na napigilan noon ang umiyak. Bago ako tinalikuran ni tatay ay nakita ko pang tumulo ang luha niya. Tumuloy siya sa paglabas naiwan akong umiiyak sa sala.

Iilang buwan pa ang lumipas ay ipinanganak na ng step mother ko ang batang pinaniniwalaan naming hindi galing kay tatay.Wala manlang akong maramdamang lukso ng dugo , ang nararamdaman ko ay galit. Lalo na kapag nakikita ko si tatay na nakikipaglaro sa kanya.Nagseselos ako dahil hindi ko manlang na experience yun sa tatay ko, wala akong maalalang nakipaglaro siya sa akin noong bata pa ako. Ni hindi ko maalala kung kinarga ba niya ako noon o niyakap man lang. kahit isang beses man lang sana ng pagiging ama niya sa akin ay hindi ko naranasan…samantalang sa batang hindi naman siya siguradong sa kanya ay binibigyan niya ng atensiyon at pag aaruga.

Galit ako noon sa tatay ko pero hindi ko nalang inungkat ang bagay na iyon para walang gulo. Isang umaga kinausap ako niya ako, kasalukuyan kaming nagkakatam noon sa furniture shop.

"walang magandang mangyayari sa buhay mo dito sa probinsya RB , ano kaya kung magpunta ka nalang sa Maynila?", sabi niya, napatingin ako kay tatay noon.

 "Wala akong kakilala sa Maynila tay.”, sabi ko.

"May pinsan ako doon , mababait naman sila. Bibigyan kita ng pera" sabi nya. Napangiti ako sa tatay ko noon dahil noon ko lang na naramdaman na may concern din pala sya sakin.

“ Sige tay, mabuti pa nga pumunta na lang ako sa Maynila baka doon nga ang swerte ko.”, sabi ko.

March 2011 noong napadesisyunan kong sa Maynila na nga maghahanap ng trabaho. Binigyan ako ni Tatay ng sapat na perang pang allowance habang naghahanap ng trabaho. Bago magtungo sa terminal ay nagpunta muna ko ng kapilya para magdasal na huwag Niya akong pababayaan sa pupuntahan ko.

 Bago magdilim ay narating ko na ang inuupahan nina tita Alona sa North Signal Taguig City. Maliit lang ang tirahan sila ng kanyang asawa at dalawang anak. Isang maliit na kwarto , disappointed ako noon pero wala naman akong mapupuntahan. Magtitiis na lang muna ako habang wala pa akong trabaho.Kinaumagahan ay maaga akong nagising para sa unang araw klo sa pag aapply ng trabaho. Kung saan saan ako napadpad, isang kakilala ang nagsabing pumunta ako sa kahabaan ng ayala avenue sa Makati .Ang sabi niya ay madaming agencies doon na naghahanap ng mga trabahador, di na kasi uso noon ang direct hiring… mas priority ng mga company na kumuha na lang ng mga tauhan sa agency dahil makakatipid nga naman sila sa mga benefits..

Bago matapos ang araw ay isang agency ang nag aproved ng apliaction ko. Pinababalik nila ako para sa interview at exam sa isang sikat na Telecommunication company bilang technical Assistant. Kinabukasan ay yun nga ang ginaw ko Papa Dudut, mahirap ang interview lalo na ang exam… ang ilang doon ay hindi ko na maalala sa tagal na din ng panahon…pero pinagbuti ko pa rin …Lima kaming lahat na nag exam Papa Dudut pero isa lang ang kukunin, at sa awa ng Diyos ako Papa Dudut ang pinalad na makuha. Halos maiyak ako noong kausapin ako ng supervisor tungkol sa kontrata ko at documents na kailangan kong ipasa.

“ Kapag nakumpleto mo na ang mga requirements, pwede ka ng magsimula agad “, nakangiting balita sa akin ng supervisor ko.

“ Sige po, maraming salamat”, nakangiting sagot ko. Noong araw ding iyon ay nilakad ko na ang  medical ko yun na lang kasi ang kulang dahil bago ako lumuwas ay inihanda ko na lahat ang ibang papeles ko. Bago natapos ang araw na iyon ay naayos ko na lahat ang mga requirements ko.

Kinabukasan ay nagsimula na ako sa trabaho, nahirapan ako noong una pero hindi nagtagal ay nasanay na din ako sa trabaho. Marami akong magagandang katrabaho noon Papa Dudut pero hindi ko nalang pinansin ang paghanga ko sa kanila dahil malayo ang itsura nila sa akin. Napakasososyal nilang tingnan kaya malamang hindi ako papasa sa kanila. Isang buwan pa lamang ako sa trabaho noong lumipat ako ng tirahan sa bahay ng isa pang pinsan ni tatay. Talagang masikip na rin kasi noon sa kasera nina Tita Alona at nakakahiya naman na makikisingit pa ako. Sa bahay nina Tito Dante ako lumipat, maliit din ang bahay nila pero mas maayos sa tirahan nina tita Alona. Napakabait ni Tito Dante ganun din ng kanyang asawa na si Tita Karen. Kasundo ko rin ang limang anak nila kaya wala akong naging problema sa pagtira ko doon.Kapag sumasahod ako ay nagbibigay ako ng kaunting panggastos sa bahay ang iba ay iniiwan ko sa bangko. Kahit medyo nakakaluwag na rin ako noon Papa Dudut ay nanatili pa rin akong simple. May pinag iipunan kasi ako, gusto kong mag abroad para mas makaipon ako para sa kinabukasan ko at sa pamilya ko. Tumatanda na rin kasi si tatay noon, malabo ang mga mata niya kaya hirap siyang magtrabaho. Wala namang maitutulong ang madrasta ko sa kanya dahil madalas pa rin ito sa sugalan noon.Gusto ko ring matulungan si Lola Lileng na siyang nagpaaral sa akin, ang nag iisang naniwala sa kakayahan ko. Sakitin na siya noon dahil na rin sa katandaan.

October 2012 higit isang taon nako sa Maynila noon ng mag ring ang cell phone ko. Nasa trabaho ako noon at kasalukuyang gumagawa ng report tungkol sa isang technical error. Pangalan ni tatay ang nakaregister sa screen ng cell phone ko at siyang tumatawag.

“ Hello Tay”,sagot ko.

"Rb…wala na ang  lola lileng mo…”, malungkot na sagot ni tatay.

“ Anong ibig mong sabihin tay”, tanong ko pero tumutulo na ang luha ko.

“ patay nasiya anak,wala na ang lola mo…" , kumpirmadong sabi ni tatay. Hindi na ako nakapagsalita, umiyak na lng ako ng umiyak. Nagfile agad ako ng leave sa kumpanya para sa makadalaw sa lamay ni lola. Habang nasa biyahe ay iyak ako ng iyak…naalala ko noong pinapakain ako ni Lola Lileng sa tuwing tinataguan ako ni Tita Melba ng pagkain. Naakadakila ni Lola, kahit alam kong walang wala siya ay pinilit niya pa rin pag aralin ako. Siya ang dahilan kung bakit ako nakapagtapos… hindi ko manlang nasuklian ang kabutihan niya.

Kung dati ay hindi ako tumitingin sa patay , kay lola Lileng ay naglakas loob ako. Huling pagkakataon na yun na makita ko siya. Sa tabi ng kabaong niya ay nangako ako, na giginhawa ang buhay ko. Na lahat ng pangarap niya para sa akin ay tutuparin ko, alam kong sa pamamagitan nun ay masusuklian ko lahat ng sakripisyo niya sa akin.Matapos  ang burol ay dumalaw ako sa mga barkada ko na kabarrio namin. Kasalukuyan kaming nag iinuman noong nagtanong ako kay Jay-ar, isa sa mga barkada ko.

"May balita ka ba kay Maybel?" , walang anumang tanong ko

“Naku huwag ka ng umasa dun , may asawa’t anak na siya" sabi niya di ako kumibo noon pero nakaramdam ako ng sama ng loob. May natitira pa kasi akong pagmamahal noon kay Maybel.

Mabilis na lumipas ang araw, marami akong nakilalang mga babae pero hindi ako nagkaroon ng matinong relasyon. Nagfocus na lang ako sa work noon at sa church na kinabibilingan ko. April 4, 2013 ng matapos ang kontrata ko sa Telecommunication Network, noon ko na ding naisipang mag abroad kahit hindi ko pa alam kung saan ako pupunta noon ay kumuha na ako ng passport . Nagpunta ako sa Ermita Manila dahil doon madaming agencies papuntang abroad, sinubukan kong mag apply papuntang Taiwan kaya lang di kasi ako pumasa dahil kulang ako sa height.. Maghapon akong nagpasa ng resume at nagpainterview pero wala akong napala. Kinagabihan ay nagfacebook ako,  isang kaibigan ko ang nagmessage sa akin . Tinatanong niya kung gusto kong pumunta sa south Korea.

"Paano naman?" tanong ko.

 "Mag aaral ka ng korean language pare,pwede din naman self study lang kaya lang mas maganda kung mag aaral ka para madali mung maipasa ang exam sa poea.”

“Mahirap naman ata yan Pare…

“Madali lang Pre, nandito na nga ako sa Korea diba…. ano payag ka?" Reply niya, Nacurius  ako sinasabi niya Papa Dudut lalo na noong makita ko ang mga pictures niya sa Korea.Tinanong ko nga kung paano ako makakapunta , ang sabi niya ay mag aral muna ko sa Tesda ng Korean Language pagkatapos nun ay kukuha ako ng exam kapag naipasa ko yun sigurado na ang buhay ko sa Korea.

Kinaumagahan ay nagpunta ako sa tesda taguig para mag inquire, dala dala ko na noon ang mga papales na sinabi ng kaibigan ko. May pera naman akong naipon noon, higit kumulang trenta mil kaya wala akong masyadong problema sa gastos . Nakiusap na lamang ako kina tito  tito Dante na kung maaari ay di muna ako makakapagbigay sa kanila ng pera kasi nga mag aaral ,mabuti na lamang at naiintindihan nila ako. Unang araw ng klase ay talagang nakakabobo Papa Dudut,  para akong bumalik sa grade 1. Ang iba kong mga kaklase ay sumuko na dahil wala talagang silang naiintindiham , pero hindi ako sumuko…. kapag wala kaming pasok ay nagbabasa ako at nanonood ng mga Korean movies para masanay sa pananalita nila. Gabi gabi din ako nag rereview, talagang pinagtiyagaan kong aralin ang lenguawahe nila. Umabot ng halos dalawang buwan ang pag aaral ko Papa Dudut hanggang dumating ang araw ng Korean Language Test registration. Madami akong katulad na umaasa rin ng magandang kapalaran sa Korea .Napakahaba ng pila pero hindi ko inintindi , determinado akong makapasa kaya tiniis ko lahat ng pagod.Matapos ang registration ay tumuloy ako sa kapilya para magdasal.  

"Ama kau na po sana ang bahala sakin alam niyo po ang kalagayan ko sana wag niyo naman po ako pabayaan. Maawa po kau sakin napakadami kong pinagdaaanan na hirap …ibigay niyo po sana ang inaasam ko ginhawa. Sana bukas ipagkaloob niyo ang nararapat na talino para sakin,kayo na po sana ang bahala sakin" , dasal ko,pagtapos kong manalangin ay lumabas akong payapa ang kalooban… bitbit ko ang pag asang makakapasa ako.

August 11, 2013 ay idinaos ang exam sa Korean Language sa buong Pilipinas .. Davao, Cebu, Baguio, La union at siyempre sa Manila.. Sa san sebastian college Manila ako naassign na mag exm exam. Kabado ako noon Papa Dudut… 50 items ang exam, 25 items sa reading at 25 items naman sa listening..bago magsimula ang exam ay muli akong umusal ng dasal. Napakahirap ng exam Papa Dudut pero lumabas ako ng pintuan na masaya dahil tiwala ako sa sarili ko na makakapasa ako.Isang lingo ang hihintayin namin bago lumabas ang result…buong Lingo akong walang ibang ginawa kundi magdasal…hanggang isang balitang bumago sa aking buhay ang natanggap ko.

 Dali dali akong tumakbo sa isang interner shop, nanginginig pa ang mga kamay ko noong buksan ko ang website ng POEA….pigil ang hininga ko habang iniisa isa ko ang mga pumasa … Kasabay ng pagsinghap ko ay ang pagtulo ng aking luha…dahil maliwanag na maliwanag na Papa Dudut isa ako sa mga mapalad na nakapasa.

….mula sa 19,000 na kumuha ng exam sa buong Pilipinas ay 3,911 lang kaming pumasa Papa Dudut. Lahat ng pumasa ay sigurado na ang buhay sa South Korea. Kinaumagahan ay inayos na namin ang mga documents namin,  kasama ko noon ang mga kaklase ko sa tesda kasama kong nakapasa…. nagpamedical na din kami agad noon at ipinasa sa poea. Ilang buwan pa ang hihintayin namin bago kami unti unting paaalisin papuntang South Korea. Noong matanggap ko ang visa at flight schedule ko ay umuwi ako sa bahay nina nanay para makapagpaalam , una ko ng naiabalita sa kaya sa telepono ang magandang balita ko.

 “ Ako na ang bahala sa’yo nay”, umiiyak na sabi ko habang yakap yakap si nanay noon. “ Ako ang nagsabi sayo niyan dati anak, pero hindi ko natupad. Pasensiya ka na anak ah….”, sagot niya.“ Wala sa akin yun Nay, ang importante pamilya pa rin tayo…sagot kong lalong hinigpitan ang yakap sa nanay ko.

Nagpalipas lang ako ng isang gabi kina nanay, kinaumagahan ay sa bahay na ako tumuloy. Nag one on one kaming dalawa sa inuman,halata kay tatay na tumatanda na siya.Sa totoo lang Papa Dudut kahit hindi kami close ni tatay, mahal na mahal ko pa rin siya at naaawa ako sa kanya.

" Pag nasa abroad nako ako pa din ang bahala sa inyo".sabi ko matapos akong tumungga. Nakita ko ang pagkislap ng mga mata ni papa na parang naluluha.

"Salamat anak …patawarin mo sana ako sa mga nagawa ko sa’yo  dati" sabi niyang napayuko

"Ok lang yon tay nakalimutan ko na ang lahat di naman ako nagtatanim ng sama ng loob sayo, dahil tatay pa din naman kita" sagot ko.

Araw ng flight ko ay hinatid ako ni nanay at tatay sa terminal ng Cabanatuan. medyo nagkakailangan pa talaga sila noon.

 "Oh pano ba yan nanay at tatay aalis nako, tatawagan ko kayo pagdating ko ng Korea" sabi kong medyo naiiyak na hindi dahil aalis na ako kundi dahil  noon ko lang nakita na magkasama ulit ang nanay at tatay ko. Naiisip ko nga noon ang sarap siguro kung di sila nagkahiwalay pero alam kong lahat ng nangyayari ay may dahilan.Yumakap ako kay nanay at tatay ng mahigpit.

Pasakay na ako ng eroplano noon ngiting ngiti pa rin ako… pati ang mga kasama ko ay ganoon din.Pakyat na ako ng hagdan ng eroplano noong hindi ko na mapigilan ang pagpatak ng luha ko hanggang ilang saglit pa ay umaangat na sa ere ang sinasakyan ko.Mula sa bintana ng erolno ay nakadungaw ako …unti unting lumiliit ang mga kabahayan sa lupa hanggang ang nakikita ko nalang ay mga ulap…pakiramdam ko noon palang nakakaangat na ako …Ang mababang uri ng pamumuhay ko ay unti unting itinaas ng eroplano.. . Napapikit ako sa isiping iyon…parang kailan lang nilalait ako ng mga pinsan ko, mga tito ko… di daw ako aasenso,…parang kailan lang noong sabihan  akong palamunin ng kapitbahay naming si Mario na pabigat…parang kailan lang noong kaladkarin ako ni Tito Orlan palabas ng bahay dahil pabigat ako sa kanila…parang kailan lang noong danasin kong magutom dahil tinataguan ako ni tita Melba ng pagkain…parang kailan lang noong takot akong manligaw dahil wala naman akong maipagmamalaki... lahat ng iyon ay naging inspirasyon ko para itaas ang buhay ko at para gumanda din ang buhay ko.....

Matapos kong sariwain sa isip ko ang mga iyon ay napangiti ako kasabay ng unti unting pagbukas mga mata ko….“ RB, tara na kanina ka pa nakatulala diyan" , sabi ng kasamahan ko sa trabaho. Natawa na alang ako dahil napasarap pala ang paglalakbay ko sa nakaraan. Wala na pala ako sa Pilipinas at kasalukuyangg nakatayo sa harap ng EVERLAND. Hinila na nga nila ako papasok sa loob Papa Dudut. Natulala ako sa ganda ng lugar…may ibat ibang rides ang t-express roller coaster, adventures of columbus, safari world, lost valley, ang amazon river at kung ano ano pa. Lahat ng yun sinakyan namin ng mga katrabaho ko….

Sa ngayon Papa Dudut  ay nagtratrabaho ako sa isang factory ng mga cosmetics… wala pa akong girlfriend pero masasabi kong happy ending ang story ko. Alam kong balang araw ay ipagkakaloob ng Diyos ang babaeng nararapat para sakin ang babaeng mamahalin ako at babaeng tatanggapin ako ng buong buo. Kahit papaano ay nakakapag ipon na ako Papa Dudut . Tulad ng pangako ko, hindi ko pinabayaan si nanay at tatay... natutulungan ko na din si ate kasi hirap din sila sa buhay naibili ko sila ng tricycle at yun ang pinasasada ng asawa nya. Nabibili ko na rin lahat ng gusto ko ngayon Papa Dudut, masaya at kuntento na ako sa buhay ko ngayon. Mahirap dito sa abroad pero kapag naaalala ko ang buhay ko diyan sa Pilipinas noon ay napapangiti  na lamang ako. Hanggang dito na lang po sana ay mabigyang buhay nyo din ang kwento ng buhay ko. Sana ay lumawig pa ang inyong napakagandang programa. Matatagalan  pa ako dito sa South Korea Papa Dudut , aabutin din ng higit apat na taon .

Alam kong gasgas na ang linyang ito pero ito ang kinapitan ko noong mga panahong nasa baba ako. Ang mga katagang “ Habang may buhay , May Pag-Asa”. Muli maraming salamat.

MORE ON BARANGAY LOVE STORIES:

Barangay Love Story: Perina's Unconditional Love

Barangay Love Stories now on podcast

'Barangay Love Stories' may podcast na!