New podcast episode: 'Waiting For Your Love' | GMANetwork.com - Radio - Articles

Kabarangay, gaano nga ba talaga kahirap maghintay sa isang bagay na alam ng puso mong di na madudugtungan pa. Hanggang kailan ka nga ba aasang mabibigyan ng katuparan ang isang pangakong iniwan sayo na hanggang ngayon ay inaasahan ng puso mo? Hanggang kailan? Hanggang kailan ka tatambay sa pangako ng nakaraan?

New podcast episode: "Waiting For Your Love"

Dear Papa Dudut,

Nahuli ko na naman syang nakaupo sa bangko at nakaharap sa sirang bakod namin sa likuran. Hapon na noon, kagagaling ko lang sa plasa kasama ang aking mga kaibigan. Madalas ko na syang nakikitang ganito simula noong nagbakasyon ako dito sa aming probinsya sa Quezon.

Tuwing sasapit ang hapon ay madaratnan ko na lamang syang nakatanaw sa bakod na iyon na iyon na tila may hinihintay. Tanging bakanteng lote lamang naman ito na may mga pamatay nang puno ang tanging andun. Sya ang lola ko. Si lola Priscilla. Otsenta anyos na. Hindi ko alam kung ano ang dahilan nito sa paglalagi doon sa likod-bakod. Ni minsan ay di ko sya nagawang tanungin maski si lolo. Walang nakakaalam at walang nangahas na malaman. Bahagya akong lumapit sa kanya, nais tanungin kung kumusta na sya.Tila nga di pa nito napansin ang aking paglapit dahil masyadong napagkit ang kanyang paningin sa bakod na iyon. “Lola, andito na po ako.” Hinawakan ko ito sa kanyang balikat para iparamdam na andun na ako sa kanyang tabi.

Lumingon ito sa akin at ngumiti. Kinuha ang aking kamay at pinisil at ilang saglit pa’y muli na naman itong tumingin sa bakod. Ilang minuto kaming nababad sa katahimikan bago ito tuluyang magsalita. “Hindi na ata sya darating.Bakit nga kaya wala pa sya? Sabi nya..sabi nya dadating sya, kukunin nya ako.” Wala mang luhang pumatak sa kanyang mga mata Papa Dudut ay ramdam ko pa rin ang hapdi sa kanyang pananalita. Sino nga ba ang tinutukoy ni lola? Di ko alam kung ano ang sasabihing susunod sa kanya dahil di ko naman alam ang kanyang pinaghuhugutan. “Lola, sino ho ba ang inyong inaantay?SI lolo ho ba? Baka padating na maya maya lang. Mabuti pa’t pumasok na tayo sa loob dahil maggagabi na, baka sakitin pa kayo nyan.” Akmang tutulungan ko na sana itong tumayo nang pigilan ako nito. “Dito muna tayo apo,konti na lang. Konti na lang.” Napatigil ako at saka sya pinagmasdan.“Lola, sino po ba sya?”Tumingin ito sa akin at saka ngumiti. “Maupo ka Lilet, sasabihin ko sayo ang dahilan ng paghihintay ko dito..sasabihin ko sayo kung sino ang dahilan kung bakit naghihintay ako rito.”

Taong 1963, tag-araw noon nang Makita ni Lola Priscilla ang unang pag-ibig nya. Si Moises. Dayo lamang ang noo’y bente nuebe anyos na lalake upang makisaka sa Quezon. Unang sampa pa lamang nya sa kalupaan ng Quezon ay lubha na itong pinagkaguluhan ng mga kababaihan.Paano ba naman kasi, napakakisig nito at mas lalo pang nagpatingkad sa kanyang kagwapuhan ang Moreno nitong balat at matangos na ilong na aakalain mong isa itong kano. Nasa tabi noon ng tindahan si lola Priscilla nang mapadaan si Moises habang bitbit nito ang malaki nitong tampipi na kinalalagyan ng kanyang damit. Tulad ng ibang babae ay tila nabato-balani rin si lola sa kanya. At bukod ngang pinagpala si lola dahil tila kahitsi Moises ay natulala na rin sa kanyang ganda. Noong kapanahunan kasi ni lola ay madalas na itong maging mutya ng kanilang barangay. Meztisahin ito at mapula pula ang pisngi kahit na madampian lamang ng kaunting sinag ng araw. Mapupungay ang mga matang tila hiniram sa isang Bombay. Sapat lang ang tangos ng ilong nito na bumagay sa istraktura ng kanyang maliit na mukha. Napakaganda ni lola Priscilla, alam iyon ng lahat at alam nyang iyon din ang nasa laman ng isipan ni Moises nang una nya itong Makita. Pero ganun pa man, kahit hayagan na ang pagtitinginan at pagkakagustuhan nilang dalawa ay mas pinili pa rin ni lola na ibaling sa ibang bagay ang paningin nya. At nang ginawa nya iyon ay walang ibang nagawa si Moises kundi ang magpatuloy sa paglalakad patungo sa kanyang titirhang bahay. At nang makalayo na ito ng bahagya ay saka ito muling sinundan ng tingin ni lola Priscilla na umaasang kahit saglit lang ay lumingon sya.

“Naku Priscilla tignan mo yung dayong si Moises aba panay ba ang tingin sayo!Halos lusawin na nya ang mukha mo sa maiinit nitong tingin sayo eh!” Kantyaw ni Lolita kay Lola. Umismid lamang si lola habang pinagpapatuloy ang pagrarasyon ng meryenda sa mga nagsasaka sa kanilang lupa at kabilang na nga doon si Moises. “Magtigil ka nga riyan Lolita,maanong mahiya ka ng kaunti. Naririnig ang boses mo hanggang sa dulo, tila di ka dalagang Pilipina sa asal mo eh.”Pabulong na sabi ni Lola Priscilla kay Lolita. Imbes na masaktan sa taguri ni lola sa kanya ay kinurot pa ni Lolita sa tagiliran si lola na tila kilig na kilig. “Tignan mo naman kasi Priscilla, napakalagkit ng pagkakatingin nya sayo.Talo pa nya ang bikong nirarasyon mo!”Halos patili pa nitong sabi. Kaya naman napilitan na ring lumingon si Lola Priscilla kay Moises at dun nga nya nakumpira na kanina pa nakatitig sa kanya ang binata. Ngumiti pa ito at saka tinanggal ang sombrerosa ulo para magbigay galang sa kanya pero di ito ginantihan ng ngiti ni lola bagkus ay inismiran pa nito ang binata at saka nagpatuloy sa kanyang ginagawa. “Hoy Priscilla nakita ko ang iyong ginawa ah bakit naman ganoon ang iyong pagtrato kay Moises, Ikaw na nga itong bukod na pinagpala sa lahat ng kumpol kumpol na kadalagahan dito sa atin dahil ikaw lang ang pinapansin nyang si Moises tapos ganoon lamang ang iyong ginawa? Nahihibang ka na ata!”Di sumagot noon si lola at kunwari’y masyado itong abala sa kanyang ginagawa perosa totoo lang, sa gilid ng kanyang mga mata ay palihim nitong pinapakiramdaman si Moises at kahit papaano ay nakakaramdam ito ng pagnanais na ngitian ito pabalik pero sa tuwing inaalala nya ang turo sa kanya ng kanyang ina at mga tiyahin na wag basta bastang maghahatid ng ngiti pabalik sa lalake ay babalik ito sa pagsimangot. Ayaw naman sana nyang maging suplada lalo na kay Moises pero ayun na kasi ang nakasanayan ng mga dalaga sa kanilang nayon. Buong magdamag na nasa bukid si lola ay wala itong ibang nasa isip kundi si Moises at ang mga ngiti nitong kay sarap baunin pauwi. Napakagwapo nito kahit saang angulo, ramdam nga ni lola ang pagiging maswerte nya dahil totoo nga naman umano ang sinabi ni Lolita na sya lang ang babaeng nakapukaw ng atensyon ng estrangherong ito.

Pagkauwi ng bahay matapos ang pagkababad ni lola sa bukid ay agad itong nagpainit ng tubig pangbanyos sa kanyang pagurang katawan. Matapos nyang malinisan ang kanyang katawan ay saka ito tumaas sa kanyang kwarto at binuksan ang bintana. Hapon na noon at presko na ang hangin kaya naman dumungaw ito sa malapad nitong bintana at nakapikit na sinasamyo ang hanging humahalik sa kanyang bilugang pisngi. Habang ginagawa niya iyon ay di nya napigilang balikan ang nangyari kanina.Di nya napigilan ang sariling balikan sa kanyang alaala ang matatamis na ngiti ni Moises na nakapagpaganda ng kanyang araw. Yaon bang ngiti na tila mas matamis pa sa bagong pitas na ubas. Dahil nga dito ay di na rin nya napigilang mapangiti habang nakapikit at mas lalong di nya namalayan na kanina pa pala nakatingala mula sa labas si Moises. Nang magmulat ito at mapatingin sa baba ay kitang kita nya ang nakatingala at nakangiting si Moises sa kanya. Di mawari ni lola ang gagawin,nagmukha itong estupida dahil halos di na ito magkandaugaga dahil natataranta na ito lalo na nang Makita nyang di na matanggal ang pagkakatitig sa kanya ng binata. Kaya naman bigla na lamang nitong sinara ang capiz na bintana at saka sumandal dito nang masigurong saradong sarado na ito. Tila nagtatatalon talon ang puso ni lola dahil sa eksenang iyon. Napasapo na lamang sya sa kanyang dibdib sa pagbabakasakaling matigil ito sa pagkabog ng todo. Bakit nga kaya ganito ang epekto ni Moises sa kanya, gayung mas marami pang makikisig na lalake ang nagpaparamdam sa kanya ng intension pero ngayon nya lang naramdaman ang ganitong klaseng pakiramdam. Umiibig nga kaya sya kay Moises? Hindi ito maaari, hindi sya matatanggap ng kanyang mga magulang dahil si Moises ay isang hamak na magsasaka lamang.

Sapat lang ang buhay nina lola Priscilla, may sariling bahay at lupang sinasaka. Mag-isa lamang itong anak dahil di na kaya pang magsilang ng isa pang anak ang kanyang ina dahil may sakit ito sa puso. Kaya naman malaki ang nakaatang na responsibilidad kay lola dahil sya lamang ang puedeng asahan ng kanyang mga magulang. Bente singko na si lola noong mga panahong kinausap sya ng kanyang ina at sinabing hahanapan na sya ng lalakeng mapapangasawa nito.

Alam naman nya dati na balang araw ay ipagkakasundo ito sa isang lalake na may kaya sa buhay at wala syang laban dito pero mula noong nakilala nya si Moises ay tila nag-iba ang lahat. Tila sa isang iglapay nakalimutan nitong darating ang panahon na kailangan na nyang magpakasal sa lalakeng mag-aangat sa kanilang estado sa buhay. “Priscilla anak, balita namin ng iyong ama ay darating na ang kumpadre nito mula sa ibang bansa at kasama na ang binata nitong anak na si Julio, natatandaan mo pa naman sya di ba?Nakalaro mo na iyon minsan bago sila nangibang bansa.” Tumango lamang si Priscilla noon sa sinabi ng kanyang ina. Abala din kasi ito sa pagsusulsi ng punda ng kanilang mga unan kaya di ito makatinginng diretso sa kanyang ina. “Sa pagdating nila,mamanhikan na sila dito sa atin para pormal nang hingin ang iyong kamay.”

Nabigla si lola sa sinabi ng kanyang ina kaya naman ang karayon na pinangsusulsi nito ay nabaon sa kanya hintuturo. Nagulat ito at napatayo nang Makita ang dugo sa kanyang daliri. Agad namang sumaklolo ang kanyang ina sa kanya. Kumuha ito ng panyo sa tokador malapit sa kanila at pinisil ang hintuturo nitong nasugat upang paalpasin ang dugo. “Mag-ingat ka nga Priscilla, ingatan mo lalo ang iyong katawan. Wag na wag kang magpapasugat o magpapakagat man lang sa lamok dahil nakakahiyang Makita iyan ni Julio kapag bumalik na sila dito sa Pilipinas. Di maaaring kapag dumating ang oras na magnininiig na kayo ay puro ka peklat sa iyong katawan. Nakakahiya.” Di na nakapagsalita si lola, alam nyang pinal na ang desisyon ng kanyang ina.Anumang oras na makabalik sa Pilipinas si Julio ay magiging isa na sila. Habang iyon ang kanyang iniisip ay di nya maiwasang masaktan lalo na kapag pasaglitna rumerehistro sa kanyang isipan ang gwapong mukha ni Moises.

“Sapat na ba itong kolorete ko sa mukha Lolita? Mukhang napasobra ata sa mertayolet sa pisngi ko eh.” Panay ang tingin ni lola Priscilla sa bilog nitong salamin para makumpira kung tama lang ang pangpanganda sa kanyang mukha. “Ano ka ba nakapakanipis na ngang tuna yang lipistik at polbos eh pero wagas pa rin ang iyong kagandandahan samantalang ako heto puro basang pulang crepe paper na ang pisngi ko pero di pa rin umaangat ang ganda ko.” Sagot ni Lolita na nakapagpatawa kay Lola Priscilla. “Tara na nga’t magsisimula na ata ang sayawan.” Hinila na ni Lolita si lola patungo sa loob ng balye. Alas syete pa lamang ng gabi noon pero halos puno na ang mga silya ng mga kababaihang halatang pinaghandaan ang besperas ng kasal ng isa nilang kakilala. “Naku Priscilla, napakadaming magaganda dito! Baka magbutas lang ako ng bangko at wala man lang pumiling isayaw ako!” nababahalang sabi ni Lolita habang nakakapit sa braso ni lola. “Ano ka ba maganda ka rin naman tara na dun sa dulo may dalawa pang bakantetng upuan madali ka!” Nagtungo na sila sa kinaroroonan ng nang upuan na iyon na halos pamadali na ang paglalakad para makaupo na kaya naman di nila napansin ang pagbangga nila sa isang lalakeng may matipunong katawan. Pag-angat ng paningin ni lola ay nakita nyang si Moises ito. Muntik na gang matumba si lola sa lakas ng pagkakabunggo nito mabuti na lamang at nasalo sya ng matipunong bisig ni Moises. “Ayos ka lang ba Priscilla?” Nag-aalalang tanong ni Moises. Di nakasagot si lola at tila naestatwa ito sa kanyang kinatatayuan habang si Lolita naman ay paimpit na napatili na tila nakapanood ng nakakakilig na eksena sa sinehan. Halos di na nga narinig ni lola ang pagpapaalam ni Lolita na mauuna na ito sa upuan dahil napagkit na ang kanyang mga mata sa mukha ni Moises na noo’y nakatitig na rin sa kanyang mukha.

“Napakaganda mo ngayon Priscilla.” Ito na lamang ang naging sambit ni Moises upang basagin ang katahimikan sa kanilang dalawa. Di na nakabawi pa ng isasagot si lola hanggang sa pumainlang na lamang ang musikang MOON RIVER ni Andy Williams. Tila silang dalawal lamang ang nasa paligid noon. Tila sa isang iglap nilamon ng kadiliman ang lahat ng andoon. “Maaari ba kitang maisayaw?Kahit saglit lang, kahit ilang minuto lang.. o segundo..kung mararapatin mo aking binibini?” Malamyos na paanyaya ni Moises kay lola at sa ilang segundong pagkatulala ay inabot nito ang kanyang kanang kamay para pahintulutang isayaw sya sa gitna. Kapwa sila nagpakalunod sa saliw ng musika habang walang humpay ang pagkabog ng dibdib nilang pareho habang nagkakatitigan sa mga mata. Ang pinangakong ilang segundong sayaw ni Moises ay di natupad, dahil makalipas ang ilan pang minuto hanggang sa makailang ulit nang nagpalit ng musiko ay di pa rin sila natitinag sa pagsayaw, di pa rin sila natitinag sa paghaplos ng puso ng bawat isa.

“Priscilla.” Medyo may kalakasang pagtawag ni Moises kay lola mula sa likurang bakod. Kasalukuyang nagwawalis noon si lola sa likuran isang umaga. “Moises anong ginagawa mo dyan?Baka masugat ka sa mga tinik tinik dyan.” Nag-aalalang sabi ni lola at saka binitiwan nito ang walis para lapitan si moises. Lumingon lingon pa si lola sa pag-iingat na may makakita sa kanilang dalawa noon. “Ayos lang naman ako Priscilla nais ko lang sanang ikaw ang una kong makita pagkagising ko nitong umaga. Nais kong ang kagandahan mo ang bumungad sa akin.” Matalinghagang sabi ni Moises habang walang humpay ang pagtitig nito sa mukha ni lola na ikinapula ng mukha nito dahilan para umiwas ito ng tingin. “kung papayagan mo ay nais sana kitang makasamang mag-almusal sa bukid. Dala ko ngayon ay binalot na adobong palaka, sinangag na kanin at atsara.” Bahagya nitong iniangat ang dala dala nito para ipakita kay lola. May pag-aalinlangan noon sa mukha ni lola,Nais nyang makasama si Moises pero sa tuwing naiisip nito ang posibleng galit na babalandra sa mukha ng kanyang ina oras na malamang tumakas sya ay bigla na lang itong paghaharian ng takot. “Eh kasi Moises baka hanapin ako ni inang kapag di nya ako madatnan dito.” Nawala ang ngiti sa labi ni Moises pero di ito sumuko. “Naunawaan ko naman iyon.O sya ganito na lang, siguro naman ay papayag kang kahit dito na lamang tayo sa kinatatayuan kong bakod kumain. Sayang naman itong dala ko, eh ikaw lang naman ang nais kong makasalo ngayong umaga sana naman ay di mo ako matanggihan.” Halos pagsusumamong sabi ni Moises. Ngumiti si lola, alam nayang kahinaan nya si moises at kailanman ay mahihirapan talaga ata itong tanggihan ang binata sa mga gusto nito. Bago tumawid si lola sa bakod na iyon ay sumilip pa itong muli sa kanilang bahay para masigurong di sya nakita ng kanyang ina. At doon na. Doon na nagsimula ang lahat sa kanila ni moises, doon na nagsimula ang unawaan nilang dalawa, ang unawaan ng kanilang mga puso na para sila sa isa’t isa at nais nilang magkasama sa bawat paggising ng araw sa umaga.

Bukod sa estado sa buhay ay magkaibang magkaiba rin sina lola at Moises sa ibang bagay. Duwag si lola, duwag sa maraming bagay. Duwag na ipaglaban ang kanyang mumunting boses sa loob ng kanilang tahanan. Duwag ito na sabihin sa kanyang mga magulang ang bawat hinaing nito sa lahat ng gusto nila para sa kanya. Duwag. Yan si lola pero si Moises, ibang iba. Si moises, matapang. Kaya lang ipaglaban ang mga bagay na alam nyang magpapasaya sa kanya. Kaya nga ito nagtungo ng Quezon para makipagsapalaran kahit wala itong alam tungkol sa lugar na iyon. Basta na lang itong sumama sa mga magsasakang dadayo sa lugar na iyon. Tinakasan nito ang kanyang mga magulang na walang ibang nais para sa kanya kundi ang pilitin syang ligawan ang anak ng kanilang Mayor sa probinsya na matindi ang pagkakahumaling sa kanya. Tinanggihan nya ito ng buong tapang dahil naniniwala sya na saka lamang ito sisiping sa ibang babae kapag alam nyang may pag-ibig na sya sa kanyang puso at di nya iyon kailanman nakita sa anak ng kanilang mayor. Kaya upang makatakas sa nais ng mga magulang nya para sa kanya ay nakipagsapalaran ito sa Quezon nang walang kahit na anong armas para makibaka sa panibagong mundong haharapin nya. Matapang si Moises dahil nagawa nitong ipaglaban kung ano ang nasa puso nya,pero si lola, duwag. Di nito maipaglaban ang kanyang puso na sapilitang nagpapaalipin sa nais ng kanyang ina. Kaya nga di mo malubos maisip na isang araw ang dalawang magkaibang taong ito ay magtatagpo at mahuhulog sa bawat isa. Isang matapang, isang duwag. May puwang ba ang mundo ng pag-ibig para sa kanila?

Ilang araw,ilang linggo at ilang buwan na ang nakakalipas na tanging ang bakod ni lola at ang bakanteng lote sa kabila ang naging saksi sa busilak na pagmamahalan nilang dalawa ni Moises. Tuwing sasapit ang umaga ay magkikita sila, pagsasaluhan ang baong binalot ni Moises habang nagtatawanan kahit puno ng kaba ang kanilang mga puso na may makakita sa kanila. Tuwing hapon ay dadayuhin syang muli ni Moises para abutan ng pulang gumamela na ilalagay at iipit nito sa kanyang mahaba at itim na buhok. Tuwing gabi ay nagkukulong si lola sa kanyang kwarto at nagpapanggap na tulog habang ang ilaw mula sa lampara ang syang tumutulong sa kanya para mabasa ang mga tulang ginawa ni moises para sa kanya. Mahal na nila ang isa’t isa. Yun ang alam nila.Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng kakaibang saya at kalayaan si lola mula sa mundo nyang puro rehas at tinik. Ganito pala talaga ang pag-ibig. napakasarap ramdamin lalo na kapag ang iyong piniling mahalin ay kaparehas ng iyong damdamin. Sapat na sa kanila ang mga nakaw na sandaling ito. Wala naman silang ibang magagawa dahil ito ang lang ang nakikita nilang paraan para maibuhos nila ang nararamdaman para sa isa’t isa. Pero hanggang kailan nga kaya,hanggang kailan sila magtatago sa anino ng kanilang mga nararamdaman. “Mahal kita Priscilla, tanging ikaw lang ang babaeng gusto kong iharap sa dambana. Ikaw lang.” Ito ang madamdaming sabi ni moises kay lola nang minsang magtagpo sila sa bakod. Di nakasagot noon si Priscilla kahit alam na nya mismo na pareho lang sila ng nararamdaman. Di ito nakasagot dahil naduwag na naman ito na oras na sabihin nya iyonkay moises ay hilingin nitong ipaglaban sya sa mga magulang nya at iyon ay di nya kaya. Hindi pa nya kaya. Duwag si lola, sana sana balang araw maambunan man lang sya ng tapang ni moises para sa tamang panahon kapag takda na ang lahat, ay magawa na rin nyang ipaglaban si moises sa lahat. “Moises anong ginagawa mo rito?” Gulat na tanong ni lola nang mapagbuksan nito ng pintuan ang binata. “Aakyat ng ligaw,maaari na ba akong pumasok?” Pinagmasdan ito ni lola mula ulo hanggang paa. Todo pomada ito sa kanyang makapal na buhok at ang kamisetang chino nito ay plantsadong plantsado habang ang pang-ibaba nitong pantalon ay bitin pa at halatang hiniram lang sa iba.Nakalpombrang tsinelas ito na di bumagay sa kanyang suot pero nauunawaan naman ito ni lola dahil alam naman nyang salat sa kasuotan ni Moises. “Di ka maaaring pumasok andito si inang, makakagalitan ako.” Halos pamaktol na sabi ni lola na kahit nakakaramdam sya ng ligaya na nakita nya ang pagnanais ni moises na makilala ang mga magulang nya para pormal nang makuha ang biyaya nila para sa kanya. “Kaya nga ako aakyat ng ligaw para makilala at makaharap na sila.” Bago pa man makasagot si lola ay dumating na ang kanyang inang,lumabas ito mula sa kwarto at nakita sila. “Sino yan Priscilla?” Nakakunot noong tanong at tanaw ng kanyang ina. “Si moises ho inang.” Puno ng kabang sagot ni lola. “Ang dayong magsasaka natin?” Lumapit ito sa kanila at saka hinarap si Moises. “May kailangan ba sa bukid hijo at mukhang sinadya mo pa kami dito sa bahay?”Blangkong tanong nito.Sa itsura ni moises ay halatang kabado rin ito pero nagawa nitong sumagot. “Wala naman ho ginang, ah nais ko lang sanang..sanang umakyat ng ligaw sa inyong dalaga.” Lakas loob nitong sagot na nagpapapuyos sa mukha ng ina ni lola. Ilang saglit na napuno ng tensyon sa loob ng kabahayan bago tuluyang nagsalita si inang. “Tumuloy ka.Maupo ka sa sala at ikaw Priscilla sumunod ka sa akin para magprepera ng makakain nya.”Halata ang katarayan sa boses nito at nang tuluyan silang makalayo patungo sa kusina ay saka naglabas ng galit si inang kay lola. “Ayoko sa kanya, sinong nagsabi sayo na may karapatan kang magpaligaw sa isang hampas-lupa? May nakatakda na para sayo Priscilla tandaan mo yan, baka naman puedeng maghintay ka lang ng konting panahon.” Di na nito hinintay pang makasagot si lola at saka tuluyan na syang iniwan sa sala. “Bibigyan kita ng 1 oras para estimahin yang lalakeng yan, maglabas ka lang ng tubig at pandesal na tira dyan. Yan lang naman ang puedeng ipakain sa katulad nya.” Nang makatalikod na si inang ay saka naman dumagsa ang kanina pang pigil na mga luha ni lola. At bago pa man sya lumabas ng kusina pabalik sa sala ay pinunasan nito ang mga bakas ng luha sa kanyang mga mata para di Makita ni moises na nahihirapan na sya

“Priscilla, bumangon ka na. Isuot mo ang bestidang ito.Madali ka.” Nagmamadaling sabi ni inang kay lola. Walang pahintulot itong pumasok sa kanyang kwarto at saka nagbukas ng tokador para kumuha ng salawal ni lola at sandalyas. “Bakit po inang saan ho ba tayo pupunta?” Papungas pungas pa ito habang pilit na binabangon ang katawan sa kama. “Wag nang madaming tanong. Maligo ka na at isuot ang damit na yan at hihintayin ka naming sa baba. Wag mong tagalan.” Tumalikod na si inang at iniwan na si lola para makapag-ayos na ito. HINTAYIN KA NAMIN SA BABA. Namin? SInong namin?Nagtataka man kung sino ang kasama ng kanyang ina ay sinunod na lamang nito ang gusto nyang mag-ayos na. Wala pang isang oras ay natapos na ito. Naligo lang naman at nagbihis at nagpolbo ng kaunti. Nang matapos ito ay bumaba na rin sya para malaman kung sino nga ba ang bisita nila. Pakanta kanta pa si lola noon at walang kaalam alam sa kung anong meron nang araw na iyon. At nang makarating ito sa ibaba ay nadatnan nya ang kanyang ina at ama kasama ang binatang pamilyar syang tunay, isang binatang alam nyang minsan na nyang nakasama sa nakaraan. “Kumusta ka Priscilla?” Ito ang tanong ng lalakeng ito sa akin. Isang lalakeng matipuno, maputla ang balat at may biloy ang magkabilang pisngi. Si Julio, ang aking kababata. Si Julio, na sa akin ay balak ipagkasundo.

Si Julio ang kababata ni lola na kakadating lamang mula sa ibang bansa at nais nang iprepara ang kanilang kasal sa lalong madaling panahon. Iyon kasi ang naging kahilingan ng ama ni Julio dahil nais na nitong magkaroon ng apo. Simpatiko. Ito ang madalas na banggitin ng inang ni lola sa tuwing madadapuan nito ng tingin ang binate. Gwapo naman kasi ito talaga at sa galaw pa lamang ay halatang may pinag-aralan na. Kung ibang babae lamang siguro ay talagang mahuhumaling na sila kay Julio. Pero hindi si lola, hindi nya ito gusto. Habang magkausap nga sila sa hapag-kaininan ay panay ang titig ni Julio kay lola, halatang gandang ganda ito sa kanya. Madalas nya itong iwasan ng tingin. At nang mapag-isa na silang dalawa sa sala ay panay ang papuri ni Julio kay lola at halos sabihin na nito lahat ng plano nya sa kanilang dalawa kapag kinasal na sila. Pilit ang mga ngiti at sagot ni lola sa kanya. Ganun pa man ay di pa rin nawalan ng gana sa kanya si Julio at tila mas lalo pa itongnagpursige na nang araw na iyon ay makuha nya ang puso ni lola pero mukhang Malabo iyong mangyari.Dahil alam ni lola na iisa lang ang lalakeng nagmamay-ari ng puso nya. Alam nya sa sarili nya na habang nagpplano na si Julio ng kinabukasan nilang dalawa ay lumilipad ang utak ni lola patungo sa kinabukasan nilang dalawa ni moises. Si moises ang nais ni lola, si Moises ang lahat lahat sa kanya. PEro paano nga ba nya kakalabanin ang kagustuhan ng kanyang mga magulang para sundin ang dikta ng kanyang puso’t isipan?Duwag sya. Alam nya yun,paano nya ipaglalaban ang pag-ibig na nais nya kung iba na ang nakatakda para sa kanya?

“Priscilla!” Sigaw ni moises nang magkita sila sa bukid. Binilisan ni lola ang paglalakad habang hawak ang bayong na pinaglagyan nito ng ulam ng mga trabahador nila sa bukid. Tila di nila pansin ang pagtawag ni moises sa kanya. Ilang linggo na rin nitong sinubukang iwasan si moises dahil nga sa nalalapit nitong kasal kay Julio. Sinubukan nitong iwasan si moises upang di na lumalim pa ang kanyang nararamdaman at para sa araw mismo ng kasal nila ni Julio ay tuluyan na nyang makalimutan ang binata. “Priscilla bakit mo ba ako iniiwasan? May nagawa ba ako? Sabihin mo lang at itatama ko.” Tila pagsusumamong sabi ni moises sa kanya nang magawa na nitong maharap si lola. Di makatingin si lola sa mga matang nangungulila ni moises, alam nyang kahinaan nya ito. Nagbaba ito ng tingin at ilang saglit pa’y di na napigilan pa ang pagpatak ng kanyang luha. “Moises, tigilan mo na ako.Para mo nang awa.” Halos pabulong na nitong sabi. Inangat ni moises ang mukha ni lola mula sa kanyang baba para tignan ito sa mata. “Ano bang problema Priscilla? Parang awa mo na oh, sabihin mo naman sa akin kung may nagawa ba ako. Ilang araw na akong di makatulog kakaisip kung bakit ka umiiwas sa akin.” Naiiyak na ring sabi ni moises. Di alam ni lola kung sasagutin ba nya ang tanong ni moises pero kailangan na nitong malaman ang totoo. ‘moises, ikakasal na ako. Kaya tantanan mo na ako.” Akmang aalis na si lola noon pero hinablot sya ni moises papalapit sa kanyang bisig at tila nakalas ang mga buto ni lola sa panghihina at tuluyan nang sinubsub ang kanyang mukha sa dibdib ni moises. “Hindi ka puedeng ikasal, akin ka.Ako ang mahal mo at mahal kita.Yun naman ang mahalaga di ba?” kapwa na sila nag-iyakan nang sambitin ito ni moises. “Pero anong gagawin ko moises/ Nakatakda na akong ikasal kay Julio. Wala akong laban alam mo yan.Wala.” Matapos sabihin ito ni lola ay di na nagsalita pa si moises at nang makabawi ito ay nagsabi agad ito ng plano. “Tatakas tayo.”Sabi ng binata. Nag-angat ng tingin si lola at nagtatakang tinignan sa mga mata si moises. “ tatakas tayo Priscilla, malayo rito. Itatakas kita at magsasama tayong dalawa. Kaya mo bang samahan ako sa plano kong ito? Mahal kita, mahal mo ako.Lalaban tayo kahit ano pa ang takot mo, andito ako kasama mo.”At sa unang beses sa buhay ni lola ay nakaramdam sya ng tapang. SUmama sya kay moises nang mismong araw na iyon, dala ang pag-asang di na sila mapaghihiwalay pa ng tadhana. Nagtanan sila sa pag-asang di na hahantong pa sa altar si lola kasama ang lalakeng di naman nya mahal.

“Naku hija kumain ka pa! Marami rami pang dalag dyan at sabayan mo pa ng kamatis.” Pang- eenganyo pang sabi ng tiyuhin ni moises kay lola. Papa Dudut, nagtanan nga sina lola at moises at nakisukob muna panandalian sa bahay ng tiyuhin ni moises sa isang liblib na bayan malayo sa Quezon. Wala ngang kadala dalang damit noon si lola dahil agad itong inaya ni Moises na lisanin na ang kanilang lugar para tuluyan na silang magsamang dalawa. Wala namang pinagsisisihan dito si lola dahil sa unang beses nga sa kanyang buhay ay nagawa na nya ang nais nya, at ito ay ang makasama ang taong pinakamamahal nya. Alam nyang pinaghahanap na sila ng kanyang magulang pero walang pakialam noon si lola dahil nga panatag sya sa piling ni moises. Halos isang linggo na nga rin silang magkasama at walang kapantay ang kanyang ligaya dahil sa kasama na nito ang taong mahal nya at walang araw na di nito pinaramdam sa kanya na di sya mahalaga. “Naku busog na busog na ho ako tiyo Felipe, nakakahiya naman po at baka mamaya eh maubusan na kayo ng makakakain nyan.” Nahihiyang pagtanggi ni lola. Ngumiti lamang si tiyo Felipe at saka binitawan na ang platong may isda at saka nagseryoso. “Eh di naman sa panghihimasok Priscilla, Moises pero ano bang plano nyo matapos nitong pagtatanan nyo? Kailan nyo ba balak harapin ang inyong mga magulang para ipaglaban ang inyong pag- iibigan?Tiyak nag-aalala na ang magulang nitong si Priscilla.”Kapwa walang nakapagsalita sa kanilang dalawa dahil nga wala pa ni isa silang planong kausapin ang kanilang mga magulang tungkoldito, basta ang mahalaga lamang sa kanila noon ay ang makasama ang bawat isa. Iyon lamang.Kaya nga noon sumapit na ang gabi at kapwa sila nasa higaan noon ay di sila madalaw dalaw ng antok dahil paikot ikot lamang sa kanilang isipan ang sinabi ni tiyoFelipe sa kung anong balak nilang dalawa.“Ano nga ba ang susunod nating gagawin Moises?” Tanong ni lola sa kanyang kasintahan. Niyakap lamang sya nito at saka napabuntung-hininga. “Hindi ko rin alam Priscilla, maski ako’y natatakot din pero alam kong makakayanan natin ito basta hawak mo lang ang kamay ko ay panatag akong magagawa nating malagpasan to. Priscilla, ipangako mo na lalaban tayong pareho, ipangako mong ako at ikaw tayong dalawa magsasama kahit na anong sabihin at gustuhin nila.” Hinalikan ni moises sa noo si lola at saka niyakap ito ng mahigpit. DI na kailangan pang sumagot ni lola dahil kampante syang tiwala si moises na tutuparin nito ang pangako nila sa isa’t isa.

“Basta may tutulong at kukuha sa atin oras na makarating tayo sa bundok. Kompleto na ang lahat. Wag ka nang aatras Moises matagal mo naming tong inuungot sayo.” Ito ang narinig ni lola mula sa kasama ni moises. Di na nga nadugtungan pa ang usapan nila nang Makita nila si lola. Kapwa natahimik at agad agad ay nagpaalam na ang lalake sa kanila. Nang makaalis na ang lalake ay nagawa na ring magtanong ni lola. “Sino yun moises at ano yaong inyong pinag- uusapan?” Nagugulumihang tanong ni lola na tila walang balak sagutin ni Moises. Ilang sandaling nagtatalo ang damdamin ni moises sa kung sasabihin ba nito kay lola ang pinag- usapan nila ng lalakeng iyon at sa huli ay wala ring nakuhang sagot si lola. Di na lamang nag- usisa pa si lola at umaasang balang araw ay malalaman nya rin ito mula sa bibig mismo ni moises pero lumipas pa ang ilang araw at linggo, napapadalas ang pagpunta ng lalakeng ito at madalas ay nahuhuli nyang nag-uusap ang mga ito ng isang seryosong usapan . Di nya maintindihan kung ano ang kanilang pinag-uusapan pero isang bagay lang ang sigurado si lola, nagiging mapilit ang lalake na isama si moises sa kung saan at di nga maganda ang kutob dito ni lola pero pinagsasawalang bahala na lamang nito iyon alang alang kay moises. Ayaw nyang makialam at mas lalong ayaw nyang ito ang maging simula ng pagtatalo nila kaya nga pinili na lamang ni lola na manahimik at hintayin ang tamang panahon kung kailan kaya nang sabihin ni moises kung sino ang lalakeng iyon at kung ano ang plano nito sa kanya.

“Lumabas ka Priscilla!” Ang sigaw na ito ang nagpabangon kay lola isang umaga ng linggo. Paa paa nitong tinungo ang bintana sa kanilang kwarto ni moises at nagulantang ito sa kanyang nakita. Si moises ay hawak ng dalawang pulis habang ang inang ni lola at paulit ulit itong sinasampal habang palingon lingon sa paligid at pasigaw sigaw ng pangalan ni lola. Sinubukang magtago ni lola pero huli na nang Makita ito ng kanyang inang. “Priscilla lumabas ka riyan kung ayaw mong latayan ko ang buong katawan ng magaling na lalake na to!” Panduduro ni inang kay moises habang hinahampas hampas nito ang ulo ng binata. Agad napatakbo habang umiiyak palabas si lola upang sagipin si moises pero bago pa man ito makalabas ng pintuan ay nakita nya ang kanyang ama at hinablot ito papalabas ng bahay. Pagkadating nila sa labas ay agad na sinalubong ito ng malutong na sampal mula kay inang. “Ito,ito ba ang dahilan kung bakit kaming mga magulang mo ay natutunan mo nang sawayin?” Muli itong sinampal habang ang ama ni lola at nakatingin lamang sa kanila. “Sasama ka sa amin ngayon din, naghihintay sayo si Julio. Nangako kaming ibabalik ka namin sa kanya anuman ang mangyari. At oras na sumuway ka at tangkang tumakas muli, pasensyahan na lang tayo pero di mo na makikitang buhay ang lalakeng to!” Puno ng pagbabanta si inang noon. Umiiyak na lumuhod si lola kay inang habang nagmamakaawang patakasin na si moises at handa syang sumama anumang oras. Hinablot lamang ito ni inang at bago pa man sya makaladkad ay nagawa pa nitong makaalpas sa matinding pagkakahawak sa kanya ni inang. Yumakap ito ng ilang Segundo kay moises na noon ay nanghihina na rin. “Babalikan kita Priscilla, pangako.” Iyon ang bulong ni moises bago tuluyang habluting muli ni inang si lola at kaladkarin patungo sa sasakyan. Nang makasakay na sila ay kitang kita nya ang walang habas na pangsisikmura ng dalawang pulis kay moises. Muli na naman syang naduwag. Di na naman nya nagawang ipaglaban ang taong mahal nya. “Moises, maghihintay ako.Bumalik ka, maghihintay ako.” Ito ang naging bulong sa kanyang isipan habang lulan ng sasakyan pabalik sa mundong itinakda sa kanya ng kanyang mga magulang.

Araw gabi ay walang ibang ginawa si lola kundi ang umiyak. Halos 2 linggo na ang nakakalipas noong nabawi sya ng kanyang mga magulang mula kay Moises at hanggang ngayon ay wala pa rin itong balita sa kung ano ang nangyari kay Moises. Natatakot syang isipin na wala na ito pero matapang pa rin ang kanyang puso na hanggang ngayon ay umaasa sa huling mga salitang binitawan ni moises na babalikan sya nito at muli silang magsasama.PEro bakit hanggang ngayon ay wala pa rin ito.Araw araw ay nasa bakod si lola umaasa na isang araw ay iluluwa ng bakod na iyon si moises at magsasama silang dalawa. Pero wala.Mula sa pagkakahiga ni lola sa kama ay dumiretso ito sa harapan ng salamin sa kanyang tokador. Kitang kita nya ang bakas ng kapatayan nya sa repleksyong sa salamin. Maiitim ang ibaba ng kanyang mga mata dahil sa magdamagang pag-iyak at pagpupuyat kakahintay na baka anumang oras ay dumating si moises para sagipin sya. Ang labi nitong dati’y kasing pula ng rosas ay ngayon ay tila nababad sa suka dahil tila pinanawan na ito ng dugo dahil sa pamumutla. Habang ang gilid ng kanyang labi ay may pasa maski ang gilid ng kanyang leeg ay mayroon din. Ganun din ang kanyang magkabilang braso na may mga kalmot at pasa. Kagagawan ito ng kanyang ina dahil ilang beses na tinangkang tumakas ni lola pero ilang beses din itong nahuli. Walang nakakaalam sa natural nyang itsura sa ngayon lalong lalo na si Julio dahil oras na bibisita ito sa kanya ay tinatabunan sya ng makakapal na kolorete ng kanyang ina para maitago ang mga pasang dulot ng kanyang mga kamay. Pinagsusuot ito ng makakapal na kasuotan kahit tirik ang araw para lamang maitago ang kapayatan at mga pasa nito sa katawan. Ayaw na nyang mabuhay. Iyon ang nasa kanyang isipan habang pinagmamasdan ang walang buhay nitong mga mata. Hanggang sa muli na namang nabahiran ng luha ang kanyang mga pisngi, at tulad ng mga naunang gabi wala na naman itong humpay sa pag-iyak pero paimpit lahat dahil oras na marinig sya ng kanyang ina paniguradong panibagong pasa na naman ang uusbong sa kanyang pagurang katawan.

“Psst ale, aleng Priscilla.” Kasalukuyang nagwawalis noon si Priscilla sa likod bakod nang marinig nito ang mahinang pagtawag sa kanya ni pepito, ang batang kapitbhay nito. “Pepito, oh anong kailangan mo?” Pilit pinapasigla ni lola ang paos nitong boses. Lumingon lingon pa si pepito bago nagsalita. At nang masiguro marahil na walang sinuman ang makakakita sa kanila ay nilabas nito ang isang papel mula sa kanyang bulsa. Inabot nito iyon kay lola at bago tuluyang umalis ay bumulong pa ito. “MUla po iyan kay kuya moises, at pinapasabi nya na mahal na mahal ka nya.” DI na nito hinintay pa na makapagsalita si lola at agad itong tumakbo papalayo sa bakod na iyon. Nanginginig ang mga kamay ni lola noon, di makapaniwala sa narinig nito. Di makapaniwala na may isang sulat na mula kay moises. Di sya nakalimutan na moises kahit pala halos 2 buwan na ang lumipas na di ito nagparamdam sa kanya. Tumingin tingin muna si lola sa kanyang paligid upang masigurong walang makakakita sa kanya lalo na ang kanyang inang. Nang kampante na itong nag-iisa sya ay naupo sya sa bangkong kahoy at saka binuklat ang kapirasong papel na hawak nito. “Mahal kong Priscilla, aasahan kita ganap na alas tres impunto ng madaling araw ng Miyerkules sa bakod nyo kung saan kita unang nahagkan at nakilala. Mahal ko, patawarin mo ako sa tagal nang ginawa kong pagpapahintay sayo. Mahal ko darating ako pangako. Moises.” Tuluyan nang pumatak ng paulit ulit ang mga luha ni lola habang hawak ang sulat na iyon. ANg mga luhang iyon ay luha ng pangungulila at kasiyahan dahil muli nanyang makikita ang lalakeng minamahal nya. Niyakap nito ang papel at ilang minuto nitong hinayaan ang sariling mababad sa luha ng pinaghalong saya at pangungulila.

Dumating na ang oras ng pagkikita ni lola at moises. Puno ng kaba ang puso ni lola habang dahan dahan itong nagtungo sa bakod kung saan sila magkikita. Para itong pusang di halos marinig ang bawat yapak ng mga paa. Alas tres impunto na. Alam nyang darating si moises.Nasa likod bakod na si lola noon habang nilalamig at tanging balabal na pula ang tinakip nito sa kanyang mga braso. Ilang Segundo pa’y narinig na nya ang mahihinang kaluskus mula sa kanyang likuran at alam nyang dumating na ang lalakeng kanyang hinihintay. “Priscilla!” Pabulong na sabi ni moises kay Priscilla at agad napatakbo si lola papalapit at papatawid sa bakod. Inalalayan sya ni moises upang makasampa palabas ng bakod at doon ay wala silang sinayang na sandali ay kapwa sabik na sabik na niyakap ang bawat isa. Walang salita.Walang gumagalaw. Tanging pagkahumaling lamang sa pagkakayakp ang tanging nais nila ng mga oras na iyon. At nang makuntento na sila sa mga sandaling iyon ay saka sya hinagkan sa noo ni moises. “Bakit ngayon ka lang mahal ko?” Umiiyak na sabi ni lola habang hawak sa magkabilang pisngi si moises. Umiiyak na rin noon si moises. “Patawarin mo ako mahal, di ko sinadyang paghintayin ka ng ganito katagal pero nais kong malaman mo na walang araw na di ka sumagi sa aking isipan at walang araw na di ko ninais na itakbo kang muli papalayo sa lugar na ito. Pero hinintay ko ang tamang panahon para sa ating muling pagkikita.” Nabuhayan ng loob si lola dahil alam nito na makakalayo na silang muli, perpekto na ang panahong iyon na makalayo sila habang tulog pa ang buong mundo. “Halika na moises, handa na ako. Lumayo na tayo parang awa mo na. matagal tagal na akong nangungulila sayo kaya itakas mo na ako sa impyernong buhay ko rito.”Nagsusumamong sabi ni lola. AKala nya ay gagalaw si moises para ipakitang handa na rin itong isama sya papalayo sa lugar na iyon pero tumitig lamang ito sa kanyang mga mata at doon ay naramdaman nya ang bigat ng kanyang nadarama. “Priscilla, hindi ako narito upang itakas ka na. Priscilla, andito ako para Makita ka at sa huling pagkakataon ay magpaalam sayo mahal ko.” Pigil ang iyak na sabi ni moises. Natulala na lamang si lola dahil di na nya alam kung ano ba ang mararamdaman ng mga oras na iyon. “h-hindi kita maintindihan moises, anong.. anong ibig mong sabihin? Bakit ka pa nagbalik kung aalis ka rin?” Di na napigilan pa ni lola ang paghagulgul. “Priscilla, mamumundok na ako. Mamayang alas singko ay tatahakin ko na ang mundo ng mga rebelde kasama ang lalakeng madalas kong nakakausap sa bahay ng tiyuhin maalala mo? Matagal tagal na naming plano iyon pero nang makilala kita ay nagbago ang isip ko at mas piniling manatili sa iyong piling, pero nang ilayo ka nila sa akin at nakita ko ang hirap na dinulot ko sa iyong buhay ay nagbalik loob ako sa pamumundok. Priscilla, ayaw ko nang mahirapan ka pa dahil sa akin, kitang kita ko ngayon ang itsura mo at bakas dito ang bawat sakit at hirap na alam kong dulot ko-“ di na hinintay pa ni lola na matapos sa sinasabi si moises at agad nitong sinampal ang binata at akmang aalis na sana ito pero pinigilan sya ni moises at agad na niyakap. Nagpumilit si lola na makaalpas mula sa yakap na iyon pero nakaramdam sya ng panghihina at sa huli at nagpagupo na lamang ito sa kahinaang iyon. Muli na naman silang nag- iyakan at sa huli ay si moises ang unang naglakas loob na nagsalita. “Hindi ibig sabihin na nagpaalam na ako sayo ngayon ay magpapalaam na rin ako sa kinabukasan natin. Priscilla mahal ko, di ba’t nangako ako sayong babalik akO? Priscilla, hintayin mo ako. Kapag tama na ang panahon kapag hinog na ang mga puso ng iyong mga magulang upang mapatawad na nila tayo ay babalik ako, sa mismong bakod na ito. Sa mismong bakod na ito bago magdapithapon ay muli tayong magkikita. Sa tamang panahon, tutuparin ko ang mga pangako at pangarap nating dalawa. Sa tamang panahon,darating ako. Unawain mo sana na kailangan ko lamang itong gawin pansamantala, kailangan kong lumayo sayo pero asahan mo sa mismong bakod na to, muli tayong magkikita. Kakalabanin ko ang tadhana para tayo ang itakda sa isat isa. Pangako mahal ko, ikaw lang ang laman ng puso ko. Pangako na di ko papalagpasin ang bawat araw na di ka sasaglit sa aking isipan dahil mahal ko, ikaw na ang buhay ko.” Ito ang huling sinabi ni moises bago sya hagkan sa labi sa huling pagkakataon. Isang pangako na naman ang binitawan ni moises. “Moises, maghihintay ako, bumalik ka mahal ko tuparin mo ang pangako mo. Araw araw maghihintay ako sayo sa bakod na to habang hinihintay ang tamang oras ng pagbalik mo, mahal ko tuparin nawa ng Diyos ang pangako mong kakalabanin mo ang tadhana para tayong dalawa ang magsama.” Ito naman ang naging mga salita ni lola bago nito pinulupot ang pulang balabal sa leeg ni moises. “Sa oras na magbalik ka, sana’y bitbit mo pa rin ang balabal na iyan tanda ng pangako mo. Tanda ng pagmamahal ko. Aasahan ko ang iyong pagbabalik mahal ko, at asahan mong di kukupas ang pagmamahal ko sayo.” Sa huling pagkakataon ay muli silang nagyakapan at tanging ang bakod na iyon ang naging saksi sa wagas na pagmamahal at isang pangakong nais mabigyan ng katuparan.

“ Andito ka lang pala Priscilla, kanina ka pa naming hinahanap.” Nag-aalalang sabi ni Lolita nang maabutan nito si lola sa likod bakod. DI umimik si lola noon at patuloy lamang sa pagtitig sa bakod. Nilapitan sya ni Lolita at inayos ang laylayan ng traje de boda nito. “Priscilla, kakapitan ng lupa ang traje de boda mo eh, kulang kulang isang oras ay kailangan ka nang magtungo sa simbahan.” Araw iyon ng kasal ni lola at ni julio, saktong isang taon mula noong umalis si moises. At mula pa nung simula papa dudut ay walang mintis na naghintay bawat araw si lola sa likod bakod upang msigurong dadatnan sya ni moises sakaling bumalik ito maski nga ng mismong araw na ng kasal nit okay Julio ay di pa rin natinig si lola, umaasa sya na baka sakaling ito na ang araw na magkikita sila pero wala papa dudut, walang dumating na moises noong araw na iyon kaya naman si lola napahagulgul na lamang nang mapagtanto nitong kulang isang oras na lamang at tuluyan nang magbabago ang buhay nya sa piling ni Julio. Huli na ba ang lahat tapos na ba ang kanyang paghihintay? “Puede bang maghintay pa ng ilang minuto Lolita? Baka naman makahabol pa si moises at mailayo na nya ako dito.” Umiiyak na sabi ni lola. Lumapit sa kanya si Lolita at saka niyakap. “Priscilla alam kong mahal mo si moises at alam kong nais pa ng iyong puso na maghintay pa, pero kailangan mo nang tapusin to, ikakasal ka na, wala na si moises. Kung nais ka talaga nyang balikan sana noon pa.” Pang-aalo niLolita sa umiiyak na si lola. “Pero nangako kasi sya, sabi nya babalik sya. Naniniwala ako kasi alam ko mahal nya ako. Konting minuto pa Lolita konti pa, parating na sya.” Hinarap sya ni Lolita at pinahiran ang nasirang kolorete nito sa mukha. “Priscilla, tama na. tanggapin mo na lang na wala na sya. Marahil di na darating ang tamang panahon na sinasabi ni moises. Marahil ang pangako nya sayo ay di na madudugtungan pa ng katotohanan. Maawa ka naman sa sarili mo Priscilla. Halika na, naghihintay na sila.” Inakay na nito ang nanghihinang si lola at bago pa man sila tuluyang makalayo sa bakod ay muling lumingon dito si lola at muling nangako sa kanyang sarili na maghihintay pa itong muli, kahit ilang taon pa, ilang dekada o maski siglo. Darating sya, darating si moises, nangako sya..nangako sya.

Ang isang taong paghihintay inabot ng limang taon isang dekada hanggang sa umabot na nga ng mahigit 5 dekada.Mahigit limang dekada nang pabalik balik si lola sa likod bakod upang abangan si moises. Kahit nga kinasal naitokay lolo Julio ay di nawala ang pag-asa nitong balang araw ay babalik si moises bitbit ang pulang balabal nito. Alam ng lahat ang pagtambay tambay ni lola sa likod bakod tuwing sasapit ang umaga at tuwing dapithapon pero ni isa ay walang nakakaalam ng totoong dahilan kung bakit nya to ginagawa. Maski si lolo Julio ay walang ideya sa kung ano ang dahilan ni lola at ni minsan ay di nito nagawang tanungin ito kay lola. Marahil sa takot na makumpira ang katotohanan na si moises ang kanyang hinihintay na bumalik. “Lileth apo, iyan ang aming kwento. Ang kwento ng totoong pag-ibig ko na hanggang ngayon ay umaasa akong bago man lang ako bawiin ng Panginoon ay muli ko syang Makita, mayakap at matanong kung kumusta na sya.” Ito ang nahihirapang sabi ni lola sa akin sa pagtatapos ng kanyang kwento. Hirap man din akong magsalita dahil tila may bikig sa aking lalamunan na kanina pa nakabara mula noong nagsimula itong magkwento sa akin sa kung bakit ito madalas nalalagi sa likod bakod namin.“Lola, paano po? Paano po nyo nakayanang maghintay ng ganito katagal nang wala namang kasiguraduhan sa kung anong petsa sya darating. Paano po?Paano nyo po to nakakayanan?” Sunod sunod kong katanungan sa kanya dahil gusto kong malaman kung paanong nakayanan ng kanyang puso ang ganito katagal na paghihintay. “Apo, kapag mahal mo ang tao, bawat pangako mamumuo sa kanyang labi ay paniniwalaan mo. Kapag mahal mo ang tao, kapag sinabi nyang maghintay ka, maghihintay ka. Wala mang kasiguraduhan kung kailan pero alam ng puso mong dapat kang maghintay kasi mahal mo sya at naniniwala ka sa kanya. Kapag mahal mo ang isang tao, maniniwala ka, maniniwala ka na balang araw kayo pa ring dalawa ang nakatakda para sa isat isa.” Muli na namang tumulala si lola sa bakod na tila muli na namang binabalikan ang nakalipas kung saan una silang nagkakilala ni moises at sa kung paanong ang bakod na ito ang naging saksi ng wagas na pagmamahal na nag- ugat sa matagal na paghihintay.

“Kanina ko pa kayo hinintay sa loob, nakahanda na ang baterol at suman.” Nakangiting sabi ni lolo Julio nang madatnan nya kami ni lola sa likod-bakod. Lumingon ako upang ngitian si lolo Julio. Lumapit ito sa amin at saka hinalikan si lola sa pisngi pero di gumalaw si lola para ipakitang masaya itong nakita sya. Napatingin ako kay lola Julio ay minsan pa, katulad noong mga nakaraang araw ay nabanaag kong muli ang lungkot sa mga mata nya. Alam kong alam nya na kailanman ay di sya inibig ni lola pero kitang kita ko sa kanyang galaw kung gaano nya kamahal si lola. Sa loob ng ilang dekada nilang pagsasama ay ni minsan di sya tinapunan ng kahit isang patak ng pagmamahal ni lola. Mabait si lolo Julio, iyon ang alam ko at alam naming pareho,. Siguro kung sakali mang di pinakilala ng tadhana si moises kay lola ay possible namang mahalin nito si Julio pero may nauna na sa kanyang puso. Bali balita nga sa amin ang wagas na pagmamahal ni lolo Julio kay lola, iyon din ang sabi ni mama sa akin. Mahal na mahal ni lolo Julio si lola at mula simula ay ginawa na nito ang lahat para lang mabaling sa kanya ang atensyon ni lola pero halos papasapit na ang dapithapon ng kanilang buhay ay di pa rin nya nagawang mabingwit ang pusa nya. Marahil ay tinanggap na lamang ni lolo Julio ang tadhana nila ni lola na kahit anong mangyari ay di mapapasakanya si lola. Ako man ay nasasaktan din a tuwing nakikita ko si lolo Julio na paminsan minsan ay lumuluhang mag-isa sa tuwing nababalewala sya ni lola. “Halika na kayo Priscilla, lileth baka lamigin na ng tuluyan ang baterol di na iyon masarap pa kung mangyari iyon.” Inakay na patayo ni lolo Julio si lola at ako man ay nagsabing susunod na lamang. Tumango na lamang si lolo Julio at saka nagpaalam nang mauuna sa akin. Habang naglalakad sila papasok ng bahay ay nilingon ko sila, pinagmasdan. Pareho lang silang nagmahal ng wagas, ang problema mahal ni lolo si lola pero si lola hanggang ngayon mahal pa rin ang iba, hanggang ngayon sa bakod pa rin umaasa na isang araw darating ang lalakeng pinag-iwanan nya ng pulang balabal at sasagipin sya. nAsan na nga kaya sya? Babalikan pa kaya nya si lola?

Habang mag-isa ko sa bakod ay di ko maiwaang balikan ang mga naging kwento ni lola. Habang pinagmamasdan ko ang bakod ay di ko maiwasang pagalawin ang aking imahinasyon sa kung paanong itong bakod na ito ang naging saksi ng pagmamahalan nila ni moises. Bigla ay tila isang pelikulang dumaan sa aking mga mata ang mga eksena sa kwento ni lola. Tila nakita ko ang kabataan ni lola at nakita ko kung paanong una syang sinipolan ni moises sa bakod para ayaing kumain ng binalot hanggang sa kung paanong nagbitaw sila ng mga pangakong maghihintay sa tamang panahon para magkitang muli. Habang iniisip at binabalikan ko lahat ng sinabi ni lola ay naisip ko, kapag mahal mo talaga ang isang tao kaya mo lang maghintay kahit gaano pa yan katagal, kahit walang kasiguraduhan, Pinili mong maghintay, dahil mahal mo sya. Si lola ang patunay ng wagas na pagmamahal. Kung nasaan man si moises ay umaasa akong babalik sya, kahit di na para tuparin pa ang pangako nya kay lola na magsasama sila. Sana bumalik sya para ipaliwanag kung bakit di sya dumating sa mga panahong inaasahan syang sasagipin si lola. Ipaliwanag nya kung bakit di na lamang nya pinaglaban ang pagmamahal nilang dalawa. Para klaro na ang lahat sa kanila, para wala nang nasasaktan at para matuldukan na ang lahat sa bakod na iyon. Ayoko nang Makita si lola na nahihirapan habang punong puno ng masasakit na alaala ang kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang marupok na bakod. Bago ako tuluyang pumasok sa loob ng bahay ay lumapit ako sa bakod na iyon at hinawakan ito, damang dama ko ang bawat alaalala, pighati, saya at pangako sa bakod na iyon. Nilibot ko ang aking mga mata sa kapaligiran na tila naghahanap ng kasagutan sa kung paanong ang maliit na lote at pasirang bakod ay nagdala ng kakaibang kwento ng pagmamahalan sa dalawang nilalang sa aming lugar. Papa Dudut, ito po ang kwento ni Priscilla at ni Moises ang mga taong itinakdang magkakilala pero di itinakdang magsama. Mga taong tinadhana na magkita pero itidhana ring mailayo sa bawat isa. Muli ako si Lileth, at ito ang kwento ng bawat isa sa atin na natutung mangako, makinig at maghintay nang dahil sa pag-ibig.

MORE ON BARANGAY LOVE STORIES:

Barangay Love Story: Perina's Unconditional Love

Barangay Love Stories now on podcast

'Barangay Love Stories' may podcast na!