Barangay Love Story: Perina's Unconditional Love | GMANetwork.com - Radio - Articles

Kabarangay, maikukumpara mo nga kaya ang iyong kwento sa isang taong pinagpala ng magmamahal sa kanya hanggang sa dulo? Gusto mo na bang makilala ang kapareha ng iyong kwento? Heto at makikilala na natin sya dito lamang sa nangungunang 'Barangay Love Stories.'

Barangay Love Story: Perina's Unconditional Love

Minsan ba sa buhay mo ay may nagpakatanga sayo? Yung taong kahit harap harapan mo nang pinapakitaan ng pangbabalewala ay sige pa rin sa pagpaparamdam sayo na ikaw lang ang mahal nya? Yung taong handang bitbitin ang bawat pasan mo sa mundong ito para nang sa ganun ay di ka makuba sa bawat pighati na iyong nararamdaman? Asan na ba sya ngayon, hanggang ngayon ba ay ginagawa pa rin nya lahat ng katangahan maiparamdam lang sa ‘yo na ikaw lang ang itatangi ng puso nyang bulag? Asan na ba sya ngayon, kasama mo pa rin ba o baka sya’y tuluyan nang natauhan at ang piring sa kanyang mga mata ay natanggal na?

Kabarangay, maikukumpara mo nga kaya ang iyong kwento sa isang taong pinagpala ng isang taong magmamahal sa kanya hanggang sa dulo? Gusto mo na bang makilala ang kapareha ng iyong kwento? Heto at makikilala na natin sya dito lamang sa nangungunang Barangay Love Stories.

Dear Papa Dudut,

          Naranasanan nyo na ba yung pakiramdam na busog na busog ka sa pagmamahal mula sa isang taong di mo man lang masuklian ng konting paghirang? Ako. Oo. Naranasanan ko ito at masasabi kong dakila syang tao para ipakita sa akin ang isang klase ng pagmamahal na kailanman ay di ko na mararanasanan pa sa iba. Yung taong handa lang ibigay ang lahat lahat at kung sakali mang wala na syang maibigay pa ay gagawa sya ng paraan para mahatiran pa rin ako ng pagmamahal na kailanman ay mahirap suklian. Hayaan nyong sa aking kwento ay maipakilala ko sa inyo ang isang taong naging malaking bahagi na ng aking buhay, isang taong tila kung bibilangin at sisingilin sa akin bawat hirap nito sa akin ay tuluyan akong mababaon sa pagkakautang dahil lunod na lunod na ako sa bawat kabutihan nito sa akin. Sya si Chino.  Ito ang kanyang kwento. Ako si Perina, ang magkukwento sa inyo.

”May nakaupo ba dito?” Tanong ko sa isang lalakeng patpatin na nasa bandang likuran ng klasroom katabi ng bintana. 1st day of classes noon. 1st year high school ako noon at naghahanap na ako ng makikilala at saktong sya ang una kong nakita na walang kasama at kausap. Umiling ito at saka muling tumingin sa bintana. Naupo na ako sa katabing upuan nito at saka pasimple itong tinitignan. Kahit malaki ang salamin nito sa mata at halata ang kapayatan ay di naman maikukubli dito ang angkin nitong kagwapuhan. Ilang saglit na kaming napuno ng katahimikan habang ang iba naming mga kamag-aral ay kanya kanyang paraan para ipakita kung gaano sila kabibo sa iba. Ako na rin ang bumasag sa katahimikang iyon at inangat ko ang aking kaliwang kamay at saka nagpakilala. “Ako nga pala si Perina, ikaw?” Tumingin ito sa aking kamay at saka inilipat ang tingin sa aking mukha. Matipid itong ngumiti at saka inabot ang aking kamay. “Chino.” Pangalan lamang nito ang kanyang sinabi at saka muling tumingin sa bintana. Mahiyain ito, yun ang napansin ko. PEro di ko hinayaang ito ang maging dahilan para di kami magkakilala at maging magkaibigan. “Ano bang tinitignan mo dyan sa bintana? Mas maganda ba kaysa sa akin?” Lumabas ang pagiging komikera ko ng oras na iyon para lamang mabigyan nya ako ng pansin. TUmingin ito sa akin at saka mahinang tumawa. Di na nito sinagot ang aking tanong pero nagawa nitong mag-umpisang makipag-usap sa akin at unti unti at nawala na ang atensyon nito sa bintana.  Ilang minuto rin kaming nagkwentuhan at nagtawanan na para bang matagal na kaming magkakilala. Kung di lang nagring ang bell at kung di lang pumasok an gaming unang guro sa araw na iyon ay malamang baka kwento pa ng buhay ng mga ninuno naming ay mapag-usapan na rin namin. “Sabay na tayong magrecess mamaya ah?” Pasimple kong bulong sa kanya na sinagot nya ng isang tango. Papa Dudut, ito na po ang simula ng aming kwento ni Chino.

 “Ano Chino, andyan pa ba si Troy?” Nag-aalala kong tanong sa kanya ng makapasok na ito sa aming klasroom. Sinara nito ang pinto at saka naupo sa tabi ko. Kaming dalawa na lamang ang andun sa klasroom at buong eskwelahan dahil nakauwi na lahat. “Kaalis lang.” Kinuha nito ang bag nya na nakasabit sa armchair at saka isinukbit sa kanyang likuran at mukhang handa nang umalis. “Uy teka bago ka umalis sabihin mo muna sa akin kung ano sinabi mo sa kanya?” Kumapit ako sa kanyang braso para di ito makatayo mula sa pagkakaupo. Napabuntung-hininga ito at saka tumingin sa akin. “Sinabi ko lang kung ano yung gusto mong sabihin sa kanya. Na ayaw mo na sa kanya at wag ka na nya guluhin.” Pumalakpak ako sa aking narinig. “Ang galing mo talaga bespren! Buti na lang talaga andyan ka!” Niyakap ko ito pero agad din nitong kinalas ang pagkakayakap ko. Napasimangot ako sa ginawa nito. “Magtigil ka nga Perina tuwang tuwa ka pa! Nakasakit ka  na naman ng lalake ah. Una si Borgy sumunod si Joseph, Mark, Kenneth, Toper at sino na yung tagakabilang eskwelahan.. si.. si Thaniel. Ah meron pa pala si Roel at Jacob tapos ngayon si Troy na wala namang ibang ginawa kundi mahalin ka. Grabe ka talaga at ako pa ang nagsasabi sa kanila na break na kayo, Ang lumalabas tuloy eh ako ang karelasyon ng mga ex mo eh.” Naramdaman ko ang pagkabanas sa boses nito pero dahil kilalang kilala ko na sya at alam kong nadadaan ko lamang sya sa lambing ay ito ang ginawa ko. “Ang sakit mo magsalita ah. OO na kasalanan ko na. Pero di ko naman kasi kasalanan kung sobra sobrang silang nainlove sa akin. Ang ganda ganda ko kasi eh kaya ayan, naglalaway sila sa akin.” Ginatungan ko pa ito ng biro para naman di masyadong seryoso  ang aming usapan. Pigil pa rin itong tumawa kaya naman alam kong nawala na kahit papaano ang galit nya. “Uy sorry na ah? Sorry na bespren. Halika ililibre na lang kita ng  sopdrinks at pisbol. Halika na.” Hinila ko na ito patayo at sumunod naman. Nilock na namin ang aming klasrum at saka sabay nang naglakad. “Perina,hinay hinay ka naman sa pananakit ng damdamin ng lalake. Wag kang mapaglaro sa pag-ibig kasi di mo alam kung gaano kabilis ang karma. 3rd year high school ka pa lang pero parang tinalo mo na ang ibang dalaga dyan sa dami ng mga pinaiyak na lalake. “ Di ako sumagot noon dahil di ko alam kung ano ba ang dapat sabihin sa kanya dahil alam ko namang tama sya. “Wag na lang nating pag-usapan Chino.” Pagtatapos ko sa usapan biro bumira pa itong muli ng isang tanong na kailanman ay di ko ata kayang mabigyan ng sagot.” Bakit nga ba ginagawa mo ito Perina? ANo ba ang dahilan?” Tumingin lang ako sa kanyang mga mata na punong puno ng katanungan. Umiling ako at saka nauna nang naglakad. Sumunod ito at pilit sinasabayan ang bilis ko sa paglalakad at nang maabutan ako nito at inunahan ko na itong magsalita. “Ito na sana ang huling beses na itatanong mo sa akin yan Chino.” At matapos nga nun ay di na namin ito muling napag-usapan pa.

Habang naglalakad pauwi ng bahay ay di ko maiwasang paulit ulit na isipin ang mga naging tanong sa akin ni Chino. Bakit ko nga ba ito ginagawa sa sarili ko? Bata pa lamang ako kung tutuusin para maglaro sa pag-ibig pero heto ako at tila batak na batak na ako sa kakalaro ng apoy. Imbes na umuwi agad ay naupo muna ako sa bakantang waiting shed at dun ay nagmuni muni. Papa Dudut, alam ko po sa sarili ko ang totoong dahilan kung bakit ganito ako sa mga lalake Alam ko sa sarili ko ang totoong dahilan kung bakit tuwang tuwa ako na pinaglalaruan ang puso nila. Nang tinanong ako ni Chino tungkol dito ay di lamang ako sumagot at mas pinili kong wag itong sagutin dahil alam kong di nito kakayanin ang katotohanang ako lamang ang puwedeng makaalalam. Habang iniisip ko ito ay di ko naiwasang ang pagtulo ng mga luha sa aking mga mata. Mabuti na lamang at wala nang gaanong nagdaraan sa waiting shed na iyon. Mabuti na lamang at nag-aagaw na ang dilim at liwanag ng mga oras na iyon para kung sakali mang may dumaan ay di mahahalata ang bakas ng luha sa aking mga malulungkot na mga mata. Isang oras ata akong nakaupo lamang dun bago ako nagpasyang tunguhin na ang daan  patungo sa aming bahay. Mabigat ang loob kong tumayo at nilisan ang waiting shed na iyon. Kung maaari lang, ayaw ko nang umalis pa sa aking pagkakaupo doon dahil pakiramdam ko ay iyon na ang pinakaligtas kong lugar. Ayoko pang umuwi. Ayoko pa. Pero kailangan. Mabibigat ang mga paa kong binabaybay ang daan patungo sa amin at nang makadating na ako at nasa mismong harapan na ng aming bahay ay nag-atubili akong kumatok pero tila nakaramdam ang tao sa loob ng aming bahay at bago pa man ako makapag-angat ng aking kamay ay nagbukas na ito.”Andyan ka na pala. Kanina pa kita hinihintay.” Umakbay ito sa akin papasok sa loob ng bahay at tuluyan nang isinara ang pintuan na tuluyang magkukubli sa totoong nangyayari sa loob ng aming tahanan.

 “Tay wag po. Tama na po.” Nakikiusap kong sabi sa aking ama habang pilit nitong tinatanggal ang aking pang itaas na damit. “Tumigil ka kung ayaw mong masaktan. Hinablot ako nito at tinulak sa kanyang kama. Wala na akong ibang nagawa noon kundi ang humikbi dahil alam kong kahit anong klaseng pakiusap ang Gawin ko ay wala ring mangyayari. Ilang taon na akong nakikiusap na wag nya itong gawin sa akin pero ni isa rito ay wala syang dininig. Opo Papa Dudut, siyam na taon pa lamang ako noon ay pinagasamantalahan na ako ng aking ama. Nagsimula ito mula noong mangibang bansa ang aking ina ay dala marahil ng lungkot ay ako ang kanyang pinagbalingan sa mga bagay na di maibibigay ng aking ina sa kanya. Ayoko ang nangyayari ito sa akin. Ilang ulit ko nang binalak na maglayas at magsumbong pero napupuno ng takot ang aking puso sa kung ano man ang puede nitong gawin sa akin at kung ano man ang puede nitong maidulot sa aking ina na nagpapakahirap sa ibang bansa. Sa tuwing tatawag ang aking ina ay nakabantay lamang si tatay sa akin sa pangambang baka isiwalat ko ang kanyang kahayupang ginagawa sa akin. Wala akong mapagsabihan kahit na sino man sa aking pamilya o mga kaibigan. Sinarili ko ang aking sitwasyon sa pangambang baka di ako maunawaan ng mga taong makakaalam nito. Halos gabi gabi ay nilulunok ko na lamang ang pandidiri sa aking katawan habang binababoy ako ng aking sariling ama. Halos gabi gabi ay nakatulala na lamang ako sa kisame habang minumura sa aking isipan ang aking ama. Hanggang sa isang araw, namanhid na lamang ako at tinanggap na ang aking sitwasyon. Wala na akong kawala dito. Wala na. Alam ko yun kaya para saan pa kung magsasalita ako at lalaban? Sira na ako. Wasak na wasak na ang dangal ko, may puwang pa ba ako sa mundong ito? Ito. Ito ang dahilan kung bakit ako galit sa mga lalake. Ito ang dahilan kung bakit pinaglalaruan ko sila sa aking mga palad dahil kung di man ako makaganti sa aking ama ay makakaganti naman ako sa mga katulad nya. “Bumangon ka na dyan. Magsaing ka na at kakain na tayo.” Ito ang naging linya ng aking ama pagkatapos nya akong pagsamantalahan. Sinuot na nito ang kanyang polo at saka kumuha ng sigarilyo at lumabas ng kwarto habang ako ay naiwang nakahiga sa kama habang muli na namang nagparamdam ang mga luha sa aking mga pagod na mga mata.

 “Nagyoyosi ka na naman. Itigil mo na nga yan.” Nasa bakanteng lote ako noon ng aming unibersidad nang biglang sumulpot si Chino na kagyat na inagaw ang sigarilyo na akin na sanang hihithitin. Napabuntung-hininga na lamang ako. Ganito naman lagi ang senaryo. Sa tuwing mahuhuli ako nitong nagsisigarilyo ay agad lamang nitong kukunin iyon at tatapakan. Ayaw na ayaw nitong nakikita akong may hawak na sigarilyo. Sa totoo lang ay noong high school pa ako nito nakikitang nagsisigarilyo pero sadyang matigas lang ang ulo ko noon kaya naman di ako nagpapakontrol sa kanya pero ngayong nagkolehiyo na kami ay tila wala na akong kawala sa kanya. “Pakialamero ka talaga kahit kailan.” Napailing na lamang ako at akmang lalayo na sa kanya para magsindi pa ng isang yosi nang hilain nito ang aking bag at saka kinuha ang isang pack ng yosi dito. Nakipag-agawan ako rito pero mabilis ang kanyang mga kamay at pinagpuputol putol lahat ng laman nun. Wala na naman akong nagawa kundi maupo sa isang papasirang silya doon. “Heto kumain ka muna. Gawa ni nanay yang lumpiang sariwa nay an. Bigyan daw kita kasi alam nyang di ka na naman kakain.” Nakangiti nitong alok sa nakastyrofoam na lumpia. Tinignan ko lamang ito na parang wala itong ginawang kasalanan sa akin kani kanina lamang. Di ko iyon kinuha at tumalikod upo sa kanya. Galit pa rin ako sa kanya. Tanging ang pagsisigarilyo na nga lamang ang aking paraan para kahit papaano ay kumalma sa aking sitwayon ay pinakealaman pa nito. Di ko naman sya masisisi dahil di naman nito alam ang totoong sitwayon ko. At kahit anong mangyari ay wala akong balak ipaalam ito sa kanya. “Kunin mo na.” Pamimilit nito sa akin. Nakatitig lang ito sa akin at dito ko napagtanto na totoo nga. Totoong umiibig ito sa akin. Di man nito aminin, alam ko mahal nya ako. High school pa lamang kami ay ramdam ko na. Kaya di ko alam kung bakit di nito magawang sabihin sa akin ang tunay nyang nararamdaman.

Tulad ng sinabi ko sa inyo kanina, alam kong gusto ako ni Chino. Hindi lamang ito basta bastang kuro kuro. Nahuli ko. Nalaman ko. Naaalala ko pa noon nung kami’y 4th year high school pa lamang nagtungo ako sa kanyang bahay para magpatulong sa aking assignment. Wala ito noon sa kanilang bahay pero pinaakyat na lamang ako ng mama nya sa kanyang kwarto tulad ng dati. Para na akong anak ng mama ni Chino dahil sa alam nyang kami na ang magbespren simula pa lamang kaya Malaya lang akong nakakalabas-masok sa kanilang maliit na tahanan. “Perina, hintayin mo na lang si Chino sa kwarto nya. Maya maya lang andito na yun may pinadaanan lang ako labada sa kabilang kanto.” Tumango na lamang ako sa ina nito at saka pumasok na sa kanyang kwarto. Nilibot libot ko ang aking mga mata sa kabuuan ng maliit na kwarto na iyon. Pang-isang tao lamang ang puede rito. Halos wala na ngang paglagyan ang ibang gamit nito at tanging isang silya lamang ang pinagpapatungan nya ng kanyang mga gamit sa eskwelahan. Naupo ako sa kanyang kama habang di mawari kung ano ang susunod na gagawin. Di naman ako mahilig makialam ng gamit pero sa pagkakataong iyon ay para bang gusto kong mas makilala si Chino base sa kanyang mga kagamitin. Inuna ko ang kanyang cabinet at nakita ko kung gaano ito kasinop. Sinunod ko ang kanyang mga gamit na nakalagay sa silya. Mga libro ito na maayos na nakasalansan. Mahilig itong magbasa ng libro. Matalino itong tao. Kaya nga madalas sya ang gumagawa ng mga assignment at project ko. Tumingin naman ako sa ilalim ng kanyang kama sa pagnanais na makakita ng kahit na anong dumi dahil napakalinis ng kwarto nito na tila di kwarto ng isang lalake. At ang tangi ko ng nakita ay isang maliit na karton na nakalagay sa pinakadulong parte ng sahig. Nakakatamad itong kunin pero dahil sa kagustuhan kong malaman kung ano yun ay ginapang ko ang sahig makuha lamang iyon at nang makuha na iyon ay agad kong sinara ang pintuan at nagmamadaling binuksan ito. Halo halo ang mga nasa karton. Mga papel na maayos na nakatupi, mga balat ng kendi,resibo dahon at mga litrato. Inuna ko ang mga litrato. Napangiti ako dahil mga larawan namin iyon. Natuwa ako dahil naitago pa pala nya ang mga iyon. Isa isa kong tintignan ang mga iyon hanggang sa naging larawan ko na lamang ang mga andun. Mga larawang di ko maalala na kinuhanan nya. May mga litrato akong nakatingin lang sa kawalan, meron namang habang hinahawakan ang mga bulaklak sa parke, meron din habang tumatawa ako kasama ang ibang mga kaibigan kong babae at meron naman iyong nakasimangot lang ako. Muli kong hinalungkat ang karton at nang Makita ko ang mga resibo na mga andun ay bigla kong naaalala ang mga ito. Resibo ito ng mga pinagkainan naming mga fastfood. Naaalala ko pa ito dahil di naman ito kumakain mag-isa sa mga fastfood dahil wala rin naman itong ekstrang pera kaya ako ang nanlilibre sa kanya. Pati mga resibo ng mga gamit sa eskwelahan na kung saan kasama nya rin ako. Pati ang mga pinagbalatan ng kendi. ALam kong galing din iyon sa akin dahil ang mga kending iyon ay padala sa akin ng aking nanay mula sa ibang bansa at sa tuwing magpapadala ito ay agad kong binibigyan si Chino. Bakit nya itinatago ang mga ito? At ang huli, may nakalagay na 7 sulat na maayos na nakatupi. Binuklat ko ang isa at doon ko nakumpira ang lihim na pagtingin sa akin ni Chino. Sa sulat na iyon ay inilahad nya ang pagkagusto nito sa akin mula pa noong unang araw na tumabi ako sa kanya sa unang araw ng high school. Nakasulat din doon kung gaano nya ako gustong mahalin at protektahan sa lahat dahil alam nya na kahit di ko sabihin ay may pinagdadaanan ako. Bubuksan ko pa sana ang isang sulat pero narinig ko na ang pagdating nito kaya agad kong tinupi ang sulat na huli kong binasa at binalik na ang karton sa ilalim ng kama bago pa man ako nito Makita. Gusto ako ni Chino, pero bakit ako?

 “Happy Graduation bespren!” Masaya kong bati kay Chino. Niyakap ko ito nang mahigpit. “Ikaw din! Sa wakas tapos na tayo sa kolehiyo!” Nakangiti nitong sabi sa akin. Nang bumitiw na kaming pareho sa pagkakayakap ay saka naman dumating ang nanay nito. “Maligayang pagtatapos Perina! Saan ang handaan nyo mamaya?” Nakangiting tanong ng ina ni Chino sa akin. Di ako nakasagot agad dahil wala pa akong plano. Nakapagpadala na si nanay sa akin ng pera pero wala akong balak na maghanda lalo na sa bahay. Ni ang umuwi nga roon ay di ko plano dahil tiyak pagsasamantalahan lamang ako ni tatay. Ayaw kong masira ang espesyal na araw na iyon. “ baka dyan lang sa tabi tita, di naman ako mahilig maghanda eh. Mauna na po ako para makauwi na rin po kayo at makapaghanda na.” Yumakap akong muli kay Chino at ganun din sa kanyang ina. “Kung wala ka namang ibang pupuntahan ay sumama ka na lang sa amin sa bahay. Tutal kaming 2 din lang ni Chino ang magkasama. Halika na.” Pag-aaya ni tita sa akin. Nag-isip pa ako kung sasama peronang hilain na ako ni Chino ay wala na akong ibang nagawa kundi sumama. Nang makarating kami sa kanilang bahay ay agad pinainit ng ina ni Chino ang sopas at lugaw na niluto nya bago magtungo sa aming graduation. Ito lamang ang handa ni Chino. “Saglit lang ah? Bibili lang ako ng tinapay at softdrinks sa tindahan maiwan ko muna kayo dyan.” Pagpapaalam ni tita bago ito tuluyang lumabas para bumili. Mahirap lamang sina Chino. Tanging pageesktra bilang labandera ang trabaho ng kanyang ina at paminsan minsan ay sumasideline ito bilang barker sa paradahan ng jeep sa kanto. Wala nang ama si Chino dahil bata pa lamang ay napasali na sa isang rambolan ang kanyang ama na naging dahilan ng maaga nitong pagpanaw. Sya ang tanging anak kaya naman binuhos ng kanyang ina ang lahat ng pagmamahal at atensyon sa kanya. Kaya siguro lumaking mabuti si Chino dahil napakabuti at napakadakila rin ng ina nya. Di nga dapat ito makakatungtung sa kolehiyo dahil nga sa kahirapan kung di lamang dahil sa angkin nitong talino. Nabigyan ito ng iskolarship sa aming unibersidad at ang isa sa mga naging instructors nito ay nagboluntaryo pang bigyan sya ng allowance sa araw araw kapalit ng pagtulong tulong nito sa kanilang bahay tuwing wala itong pasok. Nairaos nito ang buhay kolehiyo kaya naman sobrang nabilib ako sa kanya dahil napatunayan nya sa akin na di nga hadlang ang kahirapan para maisulat sa diploma ang iyong pangalan. “Naku pasensya ka na Perina sa handa ko ah. Yung naipon ko kasi na dapat panghanda eh napunta sa mga babayaran para sa graduation. Pagtitiisan mo na lang yan.” Nahihiya pero natatawang sabi ni Chino sa akin. Sinuklian ko ito ng isang matipid na ngiti. “Ano ka ba ayos lang to. Ngayon ka pa mahihiya eh matagal na tayong magkakilala. O  Sya saglit lang ha?” Lalabas na ako ng pintuan nang pigilan ako nito. “Oh saan ka pupunta?” tanong nito. Ngumiti ako at saka sumagot. “ Bibili rin ako ng dagdag na handa. Pagsaluhan na natin dito. Dyan ka lang babalik ako.” Bago pa man ito makasagot ay tuluyan na akong nakapara ng tricycle paara makabili ng na handa di para sa akin kundi para sa matalik kong kaibigan.

“Grabe! Akala ko talaga di na tayo matatanggap sa trabaho! Ang daming applicants pero heto tayong dalawa lang yung pinalad! Akala ko talaga di na ako papalarin.” Halos magtititili kong sabi kay Chino nang papalabas na kami ng isang firm na pinasukan naming pareho. “Ano ka ba malaki naman potensyal mo sa trabahong to ah. Wag mo nga masyadong binababa ang sarili mo.” Sagot ni Chino sa akin. Bahagya akong napasimangot dahil di naman ako naniniwala sa kanyang sinabi. “Wag mo na pagaanin ang loob ko. Alam mong mula high school ako kulelat na ako sa lahat. Ikaw nga tong laging nangunguna sa lahat kaya alam ko lang na ikaw lang ang may potensyal sa trabahong to.” Ginulo nito ang buhok ko bago nagsalita. “Sus, sa tingin mo ba matatanggap ka kung di ka nakitaan ng potensyal? Magtigil ka nga dyan. Halika na at pagplanuhan na natin yung mga gagawin natin bukas para sa mga requirements nila.” Nagtungo kami sa malapit na parke at doon ay bumili pa ng sorbetes. Tahimik kaming kumakain at nang bigla ay matanong ko sya sa kung ano ba ang mga plano nito sa buhay. “Ako? Simple lang kapag nakapagsimula na akong magtrabaho eh mag-iipon na ako para maipaayos yung bahay at saka para di na rin magtrabaho si nanay. Matanda na kasi sya at gusto ko makapag-ipon na para makapagpatayo na lang ako ng tindahan o di naman kaya eh kahit na anong negosyo sa palengke na gusto nya. Tapos kapag may matira pa ako sa ipon ko gagamitin ko yun para makapagabroad. Sayang din kasi ang kikitain ko sa ibang bansa di ba? Yun. Yun mga plano ko.” Tinuloy nito ang pagkain sa sorbetes habang ako naman ay may naisip na namang bagong katanungan. “Eh paano naman ang pag-aasawa? Kailan mo balak lumagay sa tahimik? Ay oo nga pala, paano kang lalagay sa tahimik eh ni isang gerlpren wala ka.”Natatawang sabi ko na seryoso naman nitong sinagot. “Nagsalita naman ang may balak lumagay sa tahimik. Eh ikaw nga dapat ang tinatanong ko eh, kailan mo nga ba balak lumagay sa tahimik at magseryoso sa pag-ibig? Nanghiya naman Perina, sa loob ng mahigit sampung taon nating pagkakaibigan kulang ang mga daliri ko sa kamay at sa paa isama mo pa ang sayo sa dami ng mga niloko at pinaiyak mong lalake. O ikaw ang tatanungin ko. Kailan nga ba?” Sana talaga di na lang ako nag-ungkat ng tungkol sa buhay pag-ibig dahil alam kong sa akin din babagsak ang huling katanungan dito. “Basta. Kung dadating yang pag-ibig nay an eh di dumating sya. Pero ingat ingat yang pag-ibig na yan sa akin dahil matigas akong tao. BAka di nya kayanin at sya pa mismo ang sumuko.” Seryoso kong sagot na nagpatahimik sa kanya at ilang minuto pa’y sumundot ulit ng isang litanya si Chino. “Posible naman kasi ang pag-ibig sayo eh. Andyan lang yan kung alam mo lang. Naghihintay din lang sayo.” Tumingin ako sa kanya at di na nya kailangan pang sabihin kung sino ang tinutukoy nito dahil alam kong sya lang naman ang pag-ibig na tinutukoy nya. Alam ko. Bata pa lang kami ay alam kong sya na ang totoong nagmamahal sa akin.Di ko lang sya kinukumpronta tungkol dito dahil alam kong di ko masusuklian ang gabaldeng pagmamahal nito para sa akin.

“Perina bago tayo umuwi mamaya daan muna tayo sa pharmacy kasi bibili ako ng gamot ni nanay.” Sabi ni Chino sa akin nang lumapit ito sa aking mesa. “Di ako makakasabay sayo ngayon eh. Ihahatid akoni Jake mamaya.” Patay malisyang sabi ko sa kanya habang patuloy lamang ako sa pag-aayos ng mga papel sa aking mesa. Napakunot-noo ito. “Si Jake sa kabilang departmento? Bakit ka nya ihahatid?” Naramdaman ko ang sundot ng selos sa kanyang tinig pero binalewala ko lamang iyon. “Eh bakit masama ba na ihatid nya akong gerlpren nya pauwi?” Nakangisi kong sagot habang naglakad patungo sa filing cabinet para isalansan ang mga hawak kong dokumento. “Gerlpren? Kayo na ni jake? Kailan pa? Bakit di ko man lang nabalitaan na niligawan ka nya?” Nagtatakang tanong nito. “Di mo na nga mababalitaan pa kasi kakaligaw nya lang sa akin kanina at di kona pinatagal pa, sinagot ko na agad sya kanina din lang.” Parang tuwang tuwa pa ako sa sinabi ko. Medyo nandilim ang mukha ni Chino sa aking sinabi. “Sa susunod na lang tayo magsabay ah Chino?” Yun ang huli kong sinabi bago ako tuluyang bumalik sa mesa ko para tapusin na ang trabaho ko. Alam kong nakasunod pa rin ito ng tingin sa akin pero di ko na lamang ito pinansin. Alam kong masama ang loob nya at ayaw ko iyong tanungin sa kanya dahil oras na magtanong ako sa kanya ay baka umamin ito ng tunay nyang nararamdaman sa akin. At ayaw kong mangyari iyon dahil wala akong puedeng maisagot sa kanya. Oo, gustong gusto kong paglaruan lahat ng lalake pero hindi kabilang dito sa Chino. Mahalaga ito sa akin dahil ito ang naging sandalan ko sa lahat. Ito ang totoong nagmamahal sa akin higit kaninoman at di ako papayag na masaktan ko ito dahil sa mga issues ko sa buhay. Sa kanya lang ako may tiwala at kahit alam kong may nararamdaman ito para sa akin ay di ko iyon gagawing dahilan para patulan sya dahil ayaw kong isugal ang aming pagkakaibigan sa isang posibleng relasyon na wala namang patutunguhan.

“Iba ka rin talaga Perina, 3 araw pa lamang kayo ni Jake pero hiwalay na kayo agad.” Natatawang pag-iling ni Chino nang mapag-alaman nya ang paghihiwalay naming dalawa ni Jake. Di na lang ako sumagot. “Akala ko naman si Jake na ang lalakeng seseryosohin mo pero parehas lang din pala sya ng kapalaran ng mga lalakeng pinaasa mo nung high school at college tayo.” Dagdag pa nito. Nang makahalata syang wala akong balak sagutin ang mga sinasabi nya ay saka ito nagseryosong nagpayo sa akin. “Kung di mo pa kayang magmahal at magseryoso, ayos lang naman kung pagpapahingain mo muna ang iyong puso. Di naman kailangang laging may bumabakod dyan sa puso mo eh. Oras lang Perina , oras lang.” Napatingin ako sa kanya at sinuklian lamang nya ng ngiti ang tingin kong iyon. “Alam mo Perina, siguro di ka pa nga talaga umiibig ng totoo pero oras na maramdaman mo yun. Oras na pumasok ang totoong pag-ibig sa puso mo, wala ka nang ibang hahanapin pa. May lalakeng magmamahal sayo, yung lalakeng handa lang ialay lahat sayo.Yung lalakeng gagawin ang lahat Makita lang oras oras ang ngii dyan sa labi mo. Yung lalakeng di matutulog sa gabi hangga’t di nya naipaparamdam sayo kung gaano ka kaganda, kahalaga at kamahal. Yun. Yun yung pag-ibig na dapat sayo.” Dagdag pa nito. Sa sinabi nyang iyon ay di ko maiwasang mapatitig sa kanyang seryosong mukha. Gwapo si Chino, matalino, mabait at alam kong mahal nya ako. Pero bakit di ko mapilit ang sarili kong mahalin sya? Lahat ng sinabi nya, gusto ko yun. Pero sa sitwasyon ko kahit ba gaano ako kamahal ng isang lalake ay kaya ba nyang tanggapin ang sekreto ng pagkatao ko?

Pagkauwi ng bahay ay agad kong binagsak ang aking katawan sa kama. Pagod na pagod na ako noon dahil natambakan ako ng trabaho. nagOT pa nga ako ng 2 oras para lamang matapos ko ang aking trabaho. Di na ako nagpalit at naghilamos pa, tanging sapatos ko na lamang ang aking tinanggal para makahiga na. Walang pang ilang minuto ang aking pagkakapikit nang marinig ko ang pag-uwang ng pintuan. Diniinan ko ang aking pagpikit sa pagbabakasakaling ang taong papasok sa aking kwarto ay makaramdam at di na ako gawan pa ng kahit na ano. Pero nagkamali ako. Si tatay, muli na namang gagambalain ang pananahimik ko. Naramdaman ko na lamang ang paghaplos nito sa aking pisngi patungo sa ibang parte ng aking katawan. “Tay, utang na loob pagod ho ako.” Pero tila wala itong narinig at mas pinaigting pa ang pagnanais na makuha ako nito nang gabing yun. “Tay!” Napasigaw ako dala ng matinding galit at pagod at sa kanyang gulat ay bigla ako nitong sinampal at saka sinakal. “Lalaban ka? Purke may trabaho ka na eh ganyan ka na umasta? Ako pa rin ang tatay mo at ako pa rin ang masusunod!” Marahas nya akong inangkinng gabing yun habang ako naman ay parang alipin lamang na sumunod sa lahat ng nais nito. Gabi gabing bangungut na lamang ang aking sinasapit sa poder ng aking ama. Ilang beses ko nang tinangkang lumayo at maghanap ng ibang titirhan pero sa tuwing gagawin koi to ay muli na naman ako nitong sisindakin na pagbabantaan ng kung ano ano. Kaya naman kahit ayaw ko na ay andito pa rin ako sa impyernong bahay namin at hinahayaan lamang na halayin ako ng kampon ng demonyo na ito.

“Perina anong nangyari dyan sa labi mo?” pag-uusisa ni Chino nang madatnan nya ako na nagpapaphotocopy sa labas ng opisina namin. Putok ang labi ko dahil sa lakas ng pagkakasampal ni tatay sa akin kagabi at kahit anong kapal ng make up ang ilagay ko ay lumilitaw pa rin iyon. “W-wala ito. Nadulas ako kagabi sa banyo at tumama to sa..sa pader.” Di ko na pinahaba pa ang usapan at agad agad ay tinapos ko na ang mga pinophotocopy ko para makaiwas na kay Chino pero sinundan ako nito. Hinawakan nito ang mukha ko sabay haplos ng kanyang daliri sa aking labi. “Nagpasa pa ang gilid ng labi mo. Mag-ingat ka sa susunod. Bibilhan kita ng yelo para idampi mo dyan para mawala ang pamamaga.” Tinabig ko ang kanyang kamay at sinabing wag na. pero naging makulit ito tulad ng dati. Nainis ako at nasigawan sya. “ANo ba Chino! Pag sinabi kong wag, wag!” SAnay na ako sa pangungulit ni Chino pero kasi sumabay ang pangungulit nya sa sama ng loob ko kaya nasigawan ko sya. Huli na para bawiin ko iyon.Kaya naman buong araw sa opisina ay nakatingin lamang ito sa akin. Di sya lumalapit. Pero nung uwian ay dahan dahan itong lumapit sa akin sa labas ng opisnan habang naghihintay ng masasakyang jeep. “Pasensya ka na kanina Perina, nag-alala lang kasi ako eh.” Paumpisa nitong sabi. Medyo nag-aalangan pa itokung titingin sa akin at sasalubungin ang malamig kong tingin. Di pa rin ako nagsasalita noon dahil tinatantya ko kung kakausapin ko na ba ito dahil pangit pa rin ang mood ko nung gabing iyon at baka maging malalala lamang ang sitwasyon. “Sige kung sakaling di ka pa handa na kausapin ako, ayos lang. Hihintayin lang kitang makasakay ng jeep bago ako umalis.” Di pa rin ako nagsalita noon. Ilang minuto kaming tahimik at nagpapakiramdaman hanggang sa dumating na lamang ang ang isang jeep na maaari kong sakyan. Sumakay ako rito at nang Makita kong papaalis na sya ay agad ko syang tinawag. “Halika na. Sumabay ka na sa akin.” Pagtawag ko sa kanya at pilit nagpakita ng ngiti para maaya na syang sumama. Agad agad naman ay sumakay na ito ng jeep kasama ko at tila isa itong batang napagbigyan ng hiling dahil sa ngiti na nasilayan ko sa kanyang labi.

Araw araw pinaparamdam sa akin ni Chino na mahalaga ako. Araw araw ako nitong inaalagaan, pinoprotektahan at inaalayaan. Uma-umaga ay lagi itong nagbabaon ng pandesal at pinagtitimpla pa ako ng kape na iiwan nya sa aking mesa. Magpapanggap pa ito na di galing sa kanya pero nung minsan na maaga akong pumasok ay nakita koi tong iniiwan ang pnadesal sa aking mesa. Tuwing babad ako sa trabaho at di ko alam kung paano ito tatapusin ay andyan sya lagi para sumaklolo na kahit na alam nyang may kailangan pa syang tapusing sarili nyang trabaho ay mas pipiliin nitong tulungan muna ako. At sa tuwing nagkakaroon ako ng pagkakamali sa aking mga ginawa sa trabaho ay aakuin nya ito at haharapin ang aming boss at sasabihing sya ang may kasalanan kahit na sa totoo lamang ay wala naman itong kinalaman doon. Gabi gabi ay sasama itong ihatid ako sa bahay namin kahit na alam nyang mapapalayo lamang sya. Akala nya di ko napapansin, akala nya di ko alam. Akala nya bulag ako na di nakikita ang bawat sulyap nya sa akin na may halong paghanga at ngiti. Akala nya bingi ako para di ko marinig ang malakas ng kabog ng kanyang dibdib sa tuwing napapalapit ako sa kanya. Akala nya pipi ako kaya di ako nagsasalita tungkol sa aking mga napapansin sa kanya. Akala nya di ko ramdam na gusto ng gusto nyang hawakan ang aking mga kamay sa tuwing tutulungan nya akong tumawid sa kalsada. Papa Dudut, si Chino lang ang lalakeng nagparamdam sa akin na babae ako. Na isa akong babaeng dapat respetuhin, alagaan at mahalin. Tanging si Chino lamang ang nagsasalba sa akin sa araw araw na pakikipaglaban ko sa mundo. Mula high school ay ramdam ko na iyon. Hanggang kolehiyo ay mas tumindi pa ito at ngayong pareho na kaming may mga trabaho ay mas lalo kong naramdaman ang pagnanais nito sa akin. Kaya ko nga bang isugal ang aming pagkakaibigan? Kaya ko nga bang bigyan sya ng tsansa na mas iparamdam sa akin kung ano ang totoong pakiramdam ng pag-ibig? PAG-IBIG.. handa na nga ba talaga ako sa salitang ito?

“Bakit nga wala ka pang girlfriend?” Pangungulit ko kay Chino nang minsang magkape kami sa cafeteria namin sa trabaho. “Wala. Basta.” Sagot lamang nito. Di ako nakuntento sa kanyang sagot sa akin kaya naman mas inusisa ko pa ito. “Imposibleng walang sagot yan. Anon a dali! Sa akin ka pa maglilihim.” Nang makahanap kami ng mauupan ay saka lamang ito nagsalita. “Gusto ko mang sabihin sayo ang dahilan pero di ko puwede. Basta, wag ka na makulit puwede?” Akala nito siguro ay titigil na ako pero dun sya nagkakamali. “Wala ka bang ibang nagugustuhan? Sa edad mong yan imposibleng wala kang ibang babaeng natipuhan.” Panghuhuli ko sa kanya. Tumingin lang ito sa akin nang seryoso at ako naman ay tila napaso sa malamig nyang tinging iyon kaya naman umiwas ako ng tingin pero nagawa ko pa ring magtanong sa kanya. “Sa tingin mong yan alam kong may nagugustuhan ka. Siguro takot ka lang sabihin sa akin. Sige na umamin ka na. Sino ba sya?” Kahit na alam ko na ang sagot dito ay nais ko pa ring marinig mula sa kanya ang sagot. “bakit ba kailangan mong malaman Perina? ANo bang problema mo at pinapakealaman mo ang buhay pag-ibig ko?” Napangisi na lamang ako sa kanyang sagot. “ikaw nga tong laging nakikialam sa lovelife ko eh tapos ngayon na magtatanong ako tungkol sayo magagalit ka? Di ata patas yun. Dapat di lang ako nagkukwento tungkol sa buhay-pagibig ko dapat ikaw rin.” Pangungulit ko sa kanya. Ilang sandali syang nagtalo kung aamin na ba ito at sa huli ay nagsalita na rin sya. “Di naman ako bato para di makaramdam ng pagmamahal. Wala akong gerlpren alam mo yan. Pero umiibig ako. Hanggang ngayon. AT yung babaeng iniibig ko na yun, bata pa lamang kami eh sa kanya na umiikot ang mundo ko kahit na alam kong imposibleng magustuhan nya ako kasi hanggang kaibigan lang naman ako eh. Yun lang pero masaya naman ako na kahit di masuklian yung pagibig ko sa kanya. Ang importante sa akin maiparamdam ko sa kanya kung gaano kasarap ang mahalin kasi mukhang di nya kayang mahalin kahit sarili nya.” Nakatingin lamang ito sa kanyang kape habang sinasabi ito at sa di inaasahan ay napasambit na lamang ako ng isang katanungan sa kanya na babago sa aming relasyong dalawa. “Chino, alam kong mahal mo akobata pa lang tayo. Nakita ko ang mga sulat mo sa akin na tinago mo sa karton. Di mo gagawin lahat ng hirap na to para sa akin kung di mo ako mahal.. kaya Chino,gusto mo.. tayo na lang?”

Naging kami nga ni Chino Papa Dudut at masasabi kong di ako sigurado kung tama ang naging desisyon ko dahil alam kong nabahiran na ang aming magandang pagkakaibigan. Bahala na. Ito na lamang ang nasabi nang pumayag at Makita kong naligayahan si Chino sa aking naging pasya na maging kami na lamang dalawa. SImula ng araw na iyon ay mas naging Ganado sa araw araw si Chino na iparamdam sa akin na mahal na mahal nya ako. Di lang doble kundi triple ang naramdaman kong pagmamahal sa kanya. Minsan sa totoo lang ay nakokonsensya ako dahil pakiramdam ko ay ako kaparat-dapat sa pag-ibig na pinapakita nya. Mahal ko naman si Chino pero bilang isang kaibigan lamang. Alam kong alam nya yun pero di lang nya magawang kumpirmahin sa akin. “Bukas day off naman natin perina baka gusto mong mamasyal tayo kahit dyan lang sa mall malapit sa atin.” Tuwang paanyaya ni Chino sa akin isang araw. Di ako nakapagbigay ng sagot agad dahil sa totoo lang ay ayaw ko namang gumala kasama sya. “Puedeng sa susunod na lang Chino? Masama kasi pakiramdam ko ngayon eh baka abutin pa to hanggang bukas.” Malamig na pagsisinungaling kong sabi sa kanya. Nakitaan koi to sa mukha nya ng pagkalungkot pero pilit pa rin nitong ikinukubli iyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang ngiti. “Ayos lang marahil sa susunod na lang. May gusto ka bang ipabili sa akin ngayon para gumaan naman ang pakiramdam mo?” Alok nito sa akin. Naglabas ako ng pera at inabot sa kanya. “Pabili na lang ako ng kape at monay sa kabilang kanto. Dun ka lang bibili ng monay ah? Wag dito sa baba. Mas masarap dun sa kabilang kanto.” Halos pautos kong sabi sa kanya. Tumango lang ito at saka nagpaalam para bumili na. Sinundan ko lang ito pababa ng opisina namin. Pahuni huni pa ito na tila nagustuhan ang ginagawa kong pag-utos sa kanya. Ganito lagi. Para ko syang alaalay na inuutus utusan sa lahat ng bagay. Wala akong narinig na reklamo sa kanya ni minsan. Ganito rin lagi. Panay ang tanggi ko sa kanya na magdate kaming dalawa kahit na halos 2 buwan na kaming magkarelasyon ay ni minsan di pa nito nahawakan ang aking kamay sa publiko o naidala sa mga lugar na pinupuntahan ng mga magsising-irog. Ganito lagi. Binabalewala ko sya at pinagmumukhang tanga. Ganito lagi. Na kahit alam nya kung ano talaga ang totoong posisyon nya sa aking buhay ay di sya nagreklamo o nagpakita ng pagkapagod. Ganito lagi. Pinapakitaan nya ako ng pagmamahal habang isinusukli ko naman sa kanya ay pangbabalewala.

“Mag-empake ka na mamaya. Long weekend naman, punta tayo sa beach.” Ito ang sabi ko Chino isang araw bago kami umuwi mula sa opisina. Nagulat ito sa aking sinabi kaya di agad nakasagot. Tinignan koi to at saka inulit ang aking sinabi dahil sa pagaakalang di nito iyon narinig. “Hoy ano na?” Muli kong untag sa kanya nang di pa ito sumagot sa ikalawang pagkakataon na pagbanggit ko sa kanya ng aking plano. “Uhm Perina kasi ano eh wala pa akong pera ngayon. Alam mo namang nagkasakit si nanay kaya kailangan kong unahin ang mga gamot nya saka nasira pa yung bubungan namin.” Nahihiyang sabi ni Chino sa akin. Nakatingin lamang ito sa baba habang sinasabi ito at namumula pa ang kanyang pisngi. Tumingin lang ako sa kanya at saka tumawa. “Ano ka ba sa tingin mo di ko yun alam? Di mo na kailangan pang gumastos kasi ako ang gagastos sa ating dalawa kasi ako ang nag-aya di ba?Wag ka nang mag-inarte dyan mag-empake ka na at magbybyahe tayo ng madaling araw para maabutan natin ang pagsikat ng araw.” Nang maayos ko na lahat ng gamit ko ay saka ko sya hinila para umalis na ng opisina. “Perina,nahihiya na ako sayo. Mula noong naging tayo ikaw na lang lagi ang gumagastos.” Mahina nitong sabi nang makababa kami ng opisina. Papa dudut, oo tama sya ako ang laging gumagastos sa aming dalawa. Ako naman kasi lagi ang may pera at walang gaanong responsibilidad sa buhay di tulad nya. Ayos lang naman to sa akin. Di naman kasi ako katulad ng ibang babae na sila ang ginagastusan. Naiintindihan ko naman kasi si Chino, wala talaga syang pera para sa luho nya kaya naman ako na lang ang gumagastos sa amin. “Sus naman Chino alam ko namang gipit ka kaya wag mo nang intindihin yung gastos. Wag na lang natin pag-usapan ito ulit okay lang ba?” Ito ang pahuli kong sabi at sinagot nya lamang ako ng isang nahihiyang pagtango.

“Grabe ang ganda dito!” Tuwang tuwa akong tumatakbo sa pampang habang nakasunod lamang sa akin si Chino na kontentong pinagmamasdan lamang ako. Nang mapagod ako sa kakatakbo ay napaupo na lamang sabay harap sa papalubog na araw. Kanina pa kaming umaga nakarating dito sa beach at hanggang ngayon ay di pa rin maalis sa isip ko kung gaano kaganda ang lugar na ito. “Alam mo Chino ito ang pinakagusto ko parte ng pagpunta sa beach.. yung paglubog ng araw. Nakakarelaks lang kasi. Alam mo yun.” Ito ang sinabi ko sa kanya nang tumabi ito sa pagkakaupo sa akin. Di ito sumagot at nakisabay lang sa pagsilay sa pababang araw. Wala nang sumunod na mga salita mula sa amin. Nakuntento na lamang kami sa pagtingin sa nagkukulay apoy na karagatan dahil sa paglubog ng araw. Kaming dalawa lamang noon sa parteng iyon ng beach. Tahimik.Payapa. Parang wala kaming dapat intindihin na problema. Hanggang sa unti unti ay ipinatong ko ang aking ulo sa kanyang balikat at napapikit. Naramdaman ko ang mabilis na paghinga nito dahil sa kaba. Tumingin ako sa kanya at kapwa nagsalubong ang aming mga tingin. Muli ko namang nakita ang labis nitong pagmamahal para sa akin base sa lalim ng mga tingin nito. At sa di ko alam na dahilan ay natukso akong halikan ito na sinuklian naman nya. At bago pa man tuluyang magpaalam si haring araw ay nagtungo na kami sa aming kwarto at doon ay may nangyari na sa amin.

Kasabay ng pagbigay ko sa aking katawan kay Chino ay ang pag-amin ko sa kanya ng aking totoong kalagayan. Sya pa lamang ang unang nakaalam ng aking sitwasyon. Di ko alam kung bakit tila nakaramdam ng pagtitiwala sa kanya para ilahad ko ang isang sekretong akala ko ay mag-isa ko lang dadalhin hanggang hukay. Noon una ay natakot ako sa magiging reaksyon nito. Ikinakatakot ko na baka pandirihan ako nito lalo na’t may nangyari na rin sa amin pero nagkamali ako. Buong puso nya akong niyakap ng mahigpit at hinalikan. At sa unang pagkakataon ay naramdaman kong ligtas ako sa bisig nya. Sa una ring pagkakataon ay umiyak ako. Nakakapagod din palang umiyak nang mag-isa at tanging ang iyong unan lamang ang napapaso sa bawat init ng luhang tumutulo sa iyong mga mata. Kay Chino lang ako nakaramdam ng seguridad mula sa mundong ito. At lubos kong nagpapasalamat na naunawaan nya ang aking sitwasyon. “Salamat Chino. Salamat.” Ito ang tangi kong nasambit sa kanya dahil walang ibang salita na nais kumawala sa aking nanginginig na labi. Muli nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa akin para iparamdam na di ako nag-iisa sa sitwasyong kinakaharap ko. “Andito lang ako Perina. Di kita iiwan. Hangga’t kailangan mo ako andito lang ako. Mamahalin kita at saka lang ako titigil kapag sinabi mong tama na.” Di na ako sumagot nun pero sa isip ko, ngayon na nakahanap na ako ng taong aalalay at makakasabayan ko sa bawat indayog ng mundo, magawa ko pa kaya syang pakawalan gayong ang totoong plano ko ay iwan din sya? Opo Papa Dudut, wala akong balak gawing permanente ang relasyon naming dalawa ni Chino pero bakit sa pagkakataong iyon ay tila nais ko ang init ng pagmamahal nito sa akin?

“Ang sarap pala maglakad habang kahawak kamay kita.” Ito na lamang ang nasabi ni Chino habang binabagtas namin ang lugar patungo sa aming bahay. Natawa na lamang ako lalo na nung hinigpitan pa nito ang pagkakahawak sa akin. “Grabe ka naman, para namang mawawala ako sa pagkakahigpit ng hawak mo Chino.” Tumawa lang ito at pagkatapos ay biglang naging seryoso. Napahinto ito ng paglalakad at saka ako hinarap. “Natatakot lang kasi ako na sa oras na bitawan ko ang kamay mo, tuluyan ka nang mawala sa akin.” Nailang ako sa pagkakatitig nito sa akin kaya naman imbes na sagutin ay pinagpatuloy ko ang paglalakad. Di na ako nagsalita pa at ganun din sya. Alam kong naghihintay sya ng sagot mula sa akin pero di ko iyon kayang ibigay sa kanya sa ngayon. Sana ay maunawaan nya. Mabuti na lamang at nakarating na kami sa bahay. “Thank you ah? Naging masaya ako sa bakasyon nating dalawa.” Ito na lamang ang sinabi ko. Tumingin lang ito sa akin at pagkatapos ay hinalikan ako sa aking labi. Di ako tumanggi. Bago ito tuluyang tumalikod ay nagawa pa nitong yakapin ako at pisilin ang aking kamay na tila ayaw nyang magpaalam sa akin. Kung di ko lang ito pinilit na umalis na para makapagpahinga na ay baka inabot na kami ng siyam siyam sa labas ng aking bahay. Nang tumalikod na ito at lumakad na papalayo ay di ko maiwasang mapaisip kung gaano ako kapalad na sa akin pinaambon ng panginoon ang pag-ibig ni Chino. Walang kasing dakila ang pagmamahal nya sa akin pero bakit natatakot pa rin akong suklian ito? Sinundan ko lamang ito ng tingin hanggang sa mawala na pati ang anino nito. SA unang pagkakataon sa buhay ko ay nakaramdam ako ng kakaibang saya at pag-asa. Si Chino nga ba ang dahilan ng lahat ng aking nadarama?
 

Sa araw araw ay mas naging bukas kaming dalawa sa relasyon namin sa lahat. Sa araw araw ay di pa rin ako binibigo ni Chino sa kanyang pagmamahal. Araw araw nitong pinaparamdam sa akin kung gaano kabusilak ang pamamahal nya para sa akin. Pakiramdam ko ay sinasamba na ako nito base sa lahat ng handa nitong iaalay sa akin. Oo at wala namang material na bagay na kayang ibigay sa akin si Chino at dahil dun ay sumasama ang kanyang loob. Kapag ganito na ang kanyang nararamdaman ay agad ko syang yayakapin at sasabihing di ko kailangan ng mga material na bagay na binibigay ng ibang lalake sa kanilang mga karelasyon dahil ibinibigay naman na nito sa akin ang di magawang ibigay ng ibang lalake. Ang pagmamahal na totoo. Alam kong naliligayahan ito sa aking sinasabi pero di pa rin nito maiwasang makaramdam ng pagkababa dahil nga wala itong maibigay kaya naman isang araw nagulat na lamang ako nang may Makita akong karton ng sapatos sa ibabaw ng aking mesa. Ito ang sapatos na matagal ko nang gustong bilhin pero nanghihinayang ako dahil masyadong mahal .  Nang malaman kong sa kanya ito galing ay kahit papaano ay natuwa ako pero kasabay nun ay ang pag-aalala dahil alam kong mahal ang sapatos at alam ko rin na may mga mas importante pa syang bagay na dapat pagkagastusan kaysa doon. “Nung inibig kita, pinangako ko sa sarili ko na lahat ay gagawin ko..lahat ibibigay ko para lang Makita na masaya ka at kuntento.” Ito ang sinabi nya. Dahil dun ay napayakap ako sa kanya nang matagal. Ayaw ko nan gang kumalas sa pagkakayakap sa kanya dahil sa oras na gagawin ko yun ay makikita nito ang tuloy tuloy na pagdaloy ng mga luha sa aking mga mata. Di naman dahil lang sa mamahaling sapatos na iyon kaya ako natuwa at naiyak kundi dahil sa sinabi nito. Di ako yung tipo ng babaeng naghahangad ng mga mamahaling gamit sa mundo pero yung tipong handa nitong paghirapan at pagsakripisyuhan ang isang bagay maialay lamang ito sa akin ay ibang usapan na ito. Mahal na mahal ako ni Chino, yun ang nararamdaman ko. Diyos ko, bakit sa dinami rami ng pagkakasala ko sa inyo ay binigyan nyo pa rin ako ng ganitong klaseng magmamahal sa akin ng lubos?

“Perina! Anong ginagawa mo rito?” Nagulat na tanong ni Chino nang madatnan nya ako sa labas ng kanilang pintuan isang madaling araw. Humikbi akoat yumakap sa kanya at sinabing balak na naman akong halayin ng aking ama kaya bago pa man mangyari iyon ay tumakbo na ako papunta sa kanila. Nagalit ito at handa nan yang sugurin ang aking ama pero pinigilan koi to sa pamamagitan ng mahigpit na pagkapit sa kanyang braso. Unang beses kong nakitang magalit ang kalmadong si Chino. “Puede bang dito muna ako matulog? Kahit ngayong gabi lang. Ayaw ko munang umuwi.” Tumingin ito sa akin na may halong awa. Yumakap ito at hinalikan ang aking noo. Pinapasok ako nito sa kanilang bahay at inayos ang kanyang higaan at dito ay pinahiga na ako. Inaya ko na sya para matulog pero ayaw nito. “Mauna ka na,babantayan kita hanggang makatulog ka na.” Muli ako nitong hinalikan sa aking noon at dinampian nya rin ng halik ang aking basang mga mata dahil sa aking mga luha. Naupo ito sa gilid ng aking kama habang tahimik lang na ako’y pinagmamasdan. Sa unang pagkakataon ay naranasan kong matulog nang payapa at mahimbing. Iyon bang walang pangamba sa puso ko na anumang oras ay dadakmain ako ng aking ama at hahalayin. Naging gwardya ko si Chino nang buong gabing yun, at dahil dun naging panatag ako na walang ibang gagalaw sa akin, na walang ibang mamanakit sa akin dahil protektado nya ako sa ilaw ng kanyang pagmamahal. Napakaswerte ko papa dudut pero bakit habang tumatagal ang relasyon naming iyon ay nakakaramdam ako ng pag-aalinlangan sa aking nararamdaman? Tatakbo na naman ba ako dahil sa takot na di ko magagawang suklian ang pagibig na inaalay ni Chino? Pagod na akong tumakbo, pero bakit pakiramdam ko ay di ako laan sa pag-ibig  nyang ito at wala akong ibang dapat gawin kundi talikuran ang lahat ng ito?

Mula noong gabing iyon ay tuloy tuloy na ang pag-iisip kung tama ba na nasa piling ako pa ako ni Chino? Wala akong ibang kayang ibigay sa kanya. Gulong gulo ang aking nararamdaman. Gusto ko na namang tumakbo papalayo tulad ng ginagawa ko sa ibang mga naging karelasyon ko sa oras na malaman kong mahal na nila ako. Iniwasan ko si Chino sa opisina at alam kong nagtataka sya. Ilang beses akong lumiban sa trabaho at sa tuwing pupunta ito sa aming bahay para kumustahin ako ay nagtatago ako. Alam kong di ito tama pero wala pa akong lakas ng loob na harapin sya lalo na’t gulong gulo pa rin ako para sa nararamdaman ko sa kanya. Sinusubukan nitong lumapit pero ako naman ang lumalayo. Ilang beses itong sumulat  at nagtext sa akin at nagtatanong kung anong nangyayari sa amin pero ni isa rito ay wala akong sagot. Di ko mabilang kung ilang beses itong tumawag  sa akin. Sa totoo lang sa tuwing nakikita ko ang kanyang pangalan sa aking cellphone ay di ko maiwasang mapaiyak lalo na’t alam ko sa sarili ko na nangungulila na ako sa kanya ng labis. Gusto kong tumakbo papalapit sa kanya para muli syang mayakap at mahagkan pero nabakuran na ako ng takot. Nagleave ako sa trabaho ng ilang linggo at nagtungo sa isang beach malayo sa amin. Mag-iisip isip muna ako, magpapakalayo. At kapag handa na ako, haharapin ko na ang totoong mundo namin ni Chino. Dalawang buwan Papa Dudut, dalawang buwan na wala akong ibang ginawa kundi umiwas sa kanya at sa aking paglayo pansamantala ay magninilay nilay ako sa kung ano ba ang nararapat sa aming dalawa. Sana sa aking pagbabalik, andyan pa sya. Sana..

“Nasaan si Chino?” Tanong ko sa isa naming katrabaho nang makabalik ako sa opisina. Napakunot noo na lamang ito bago sumagot.”Nag-immediate resignation na sya noong nakaraang Biyernes sa Maynila na lang daw nya susubukan ang kapalaran nya. Di ba nya sinabi sayo?” Parang nagunaw ang mundo ko sa aking narinig. “Balita ko ngayon sya tutungo sa Maynila. Bakit di ba kayo nakapag-usap na dalawa?” Ito ang huling sinabi sa akin ng aming katrabaho na mas pinili kong wag nang sagutin. Paanong makakapag-usap kaming dalawa gayong iniwasan ko ito ng ilang buwan? Kinabahan ako. Bakit may plano syang lumayo? Kasalanan ko to. Bakit kung kailan nakapagdesisyon na ako na lumagay na sa kanya ay saka naman sya lalayo? Bakit kung kailan nakumpira ko na sa aking sarili na mahal ko sya ay saka naman sya aalis? Tumakbo ako papalabas ng opisina at nagtungo sa bahay nila. Nagbabakasakaling maabutan ko pa sya at baka sakaling sa oras na malaman nya ang aking nararamdaman ay baka di na sya lumayo pa. Nang makarating ako sa kanilang bahay ay di ko na sya nadatnan bagkus ay andun ang kanyang inang umiiyak. “Tita, nasan po si Chino?” Nagpahid pa ito ng luha bago sumagot. “Nagtungo na sa terminal patungong Maynila, di na nga nagpahatid dahil baka mag-iiyak lang daw ako dun. Dyaskeng batang iyon. Biglaang pinlalong magtungo sa Maynila nang di man lang sabihin sa akin ang dahilan.” Umiiyak na pahayag ng kanyang ina. Pati ako ay naiiyak na rin. Ako ba ang dahilan nya ng paglayo? Sabi nya dati wala na syang balak magMaynila dahil sapat na na andito sya kasama ko pero bakit nagbago na ang lahat? Tumakbo ako papalabas ng kanilang bahay at nagtungo sa terminal. Diyos ko, bago man sya makasakay ng bus ay maabutan ko man lang sana sya para sabihin na mahal ko sya.

Hingal-aso akong nakarating sa terminal at hinagilap ng aking lumuluhang mga mata ang kabuuan ng terminal. Asan ka Chino? Ito ang aking nasa isipan. Hanggang sa mapadako ang aking mga mata sa upuan kahoy na kung saan nakita kong nakaupo na payuko si Chino habang bitbit ang kanyang bag. Sobra akong nangulila sa kanya at nang Makita ko ito ay tila nanabik akong muli syang mayakap at mahagkan pero nangangamba ang aking mga paa na lumapit sa kanya para gawin ang lahat ng ito. Dahan dahan akong naglakad papalapit sa kanya at nang tuluyan na akong nakalapit sa kanya ay saka sya nag-angat ng tingin. Nagtama ang aming mga mata na tila kami lamang ang mga tao sa lugar na iyon. “Bakit ka aalis? Akala ko ba walang iwanan?” Ito ang aking sinabi sa kanya nang tumabi ako sa kanya sa upuan. Matagal bago ito sumagot at nang magsalita ito ay napunit ang puso ko. “Matagal kitang pinangarap Perina, matagal akong umasa na balang araw mamahalin mo ako kahit konti lang. kahit alam kong imposible, kumapit ako sa isang isang porsyentong pag-asa na balang araw ako yung pipiliin mo at pinangako ko sa sarili ko na kapag dumating ang araw na iyon, ako na ang magiging pinakamasayang lalake sa mundo. Kaya nga..kaya nga nung oras na sinabi mong tayong dalawa na lang, kahit na alam kong di mo naman talaga ako mahal natuwa ako. Naging sobrang masaya ako Perina kung alam mo lang. Kahit na alam kong di mo masusuklian ang pag-ibig ko sayo ay okay lang kasi ang importante sa akin yung maparamdam sayo yung pagmamahal ko na matagal ko nang itinatago sa puso ko. Kahit nga araw araw nararamdaman ko na imposibleng mapaibig kita ay di ako sumuko. Pero ang hirap pala Perina. ANg hirap hirap. ” Umiyak na ito ng tuluyan at habang tinitignan sya ay para akong sinusuntok ng paulit ulit sa aking sikmura. “ Nung umiwas ka sa akin di ko alam gagawin ko. Magagaya na rin ba ako sa ibang naging karelasyon mo na iiwan mo rin sa ere?Ayoko. ayoko. Kasi gusto ko tayo, gusto ko maging masaya ka sa piling ko. Pero naisip ko, paano nga ba kita mapapanitili sa akin kung di ko naman pag-aari ang puso mo? Perina, mahal na mahal kita at handa kong gawin lahat para sayo. Di ako humihiling ng kapalit alam mo yan dahil sapat na sa akin na Makita kang masaya sa piling ko kaya nga nasasaktan ako sa tuwing nakikita ko sa mga mata mo ang kakulangan sa tuwing makakasama mo ako. Kaya nga naisip ko, kahit mahirap handa na kitang palayain. Alam ko at ramdam ko na di ka makukumpleto sa akin. Di ba sabi sayo balang araw darating yung tamang lalake para sa ‘yo, yung handa kang mahalin ng walang katulad. Akala ko kasi ako nay un eh pero mukhang di pa pala. ” Gusto gusto kong sagutin ang litanya nyang ito sa akin papa Dudut pero tila kinalawang ang aking lalamunan kaya di makapaglabas ng kahit na anong salita na kanina ko pa pinaghahandaan. “Tama na Perina, di ko na ipipilit pa sayo na mahalin at tanggapin mo ako. Dahil mas nasasaktan lang ako sa tuwing nakikita ko na di ako sapat sayo. Malaya ka na, hahayaan na kitang mahanap mo yung tamang lalake para sayo dahil di naman ako yung tamang lalake sayo at ayaw kong ako ang maging dahilan para di mo makilala ang lalakeng iyon. Mahal na mahal kita. Patawarin mo sana ako sa naging pagkukulang ako sayo. Paalam Perina. Salamat at hinayaan mo akong iparamdam sayo na mahal kita.” Matapos nun ay agad na itong tumayo at sumakay sa bus na paalis na. Naiwan akong nakaupo doon na walang ibang nagawa kundi umiyak. Hanggang sa tuluyan nang umalis ang bus at wala akong ibang nagawa kundi sundan ito ng tingin papalayo sa akin. Wala na si Chino. Wala na. Ni hindi ko man lang nasabi sa kanya kung ano ang tunay kong nararamdaman. Sa mga sinabi nya ay gusto ko syang kontrahin at sabihing mali ang inaakala nyang wala syang puwang sa akin dahil papa Dudut, mula noong ako’y nagbalik wala na akong ibang nais gawin kundi iparamdam kung gaano sya kahalaga para sa akin. Pero huli na, tinapos na nya. At sa tingin ko ay wala akong karapatang pigilan sya sa pagkakataong ito dahil alam kong napagod sya. Kasalanan ko. Kasalanan ng takot ko. Sabi ko sa aking sarili na kapag pinlano nan yang bumalik, andito lang ako maghihintay at muli syang yayakapin pero nagkamali ako. Dahil kailanman ay di na sya muling magbabalik dahil ilang oras makalipas ang kanyang byahe ay tuluyang binawi ng panginoon ang buhay ni Chino nang mahulog ang bus na kanyang sinasakyan sa isang bangin.

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima.. pito.. pitong taon na pala mula noong lamunin ng malalim na bangin ang buhay ni Chino. Pitong taon na pala akong umiiyak dahil sa pagkawala nito. Pitong taon, napakatagal nang panahon pero bakit sa tuwing pinipikit ko ang aking mga mata at sariwa ko pa ring nakikita ang huling itsura nito nung huli ko syang Makita sa terminal. Nakaupo sa upuang kahoy habang nakayuko at hawak ang bag. Klarong klaro pa sa akin ang mukha nito habang umiiyak nang sambitin sa akin ang kanyang pagmamahal at pamamaalam. Sariwa pa lahat, hanggang ngayon sariwa pa ang ginawang sugat sa puso ko ng tadhana. Parang kahapon lang masaya kaming dalawa. Parang kahapon lang kasama ko pa sya.Parang kahapon lang hawak ko pa ang kanyang mga kamay pero bakit ngayon parang ni abo ng kanyang anino ay di ko na mahawakan pa? Pitong taon na pala, pitong taon na pala akong nagluluksa dahil sa pinaglagpas kong pagkakataon na mapigilan sya kapag umamin ako sa aking nadarama. Pitong taon na pala, pitong taon na pala akong nakokonsensya. Kung di lamang ako nagpadala sa takot ay marahil kasama ko pa sya at di sya mapapasama sa paglamon ng bangin sa bus na kinalululalan nya.Pitong taon na pala, pitong taon na pero andito pa rin ako at lumuluha pa rin ang aking mga mata. Panginoon, kailan mo nga ba babawiin nag lungkot na naglalaro sa aking diwa? Papa Dudut, gabi gabi ay umaasa akong dadalawin ako ni Chino sa aking panaginip. Umaasa na kahit sa panaginip lang ay masabi ko sa kanya ang mga salitang ninais kong sabihin pitong taon na ang nakakalipas pero wala. Kahit sa aking mga panaginip ay di na sya nagpakita pa. Totoong nilisan na nya ako. Pitong taon na pala, pitong taon na akong umaasa na isang panaginip lamang itong lahat. Pitong taon na pala, pitong taon na akong humihiling na tatapikin nya ako sa mula sa bangungut na ito at sabihing ni minsan ay di nya ako nagawang lisanin. Pitong taon na pala, pitong taon na akong umaasa sa pagbabalik nya. Pitong taon pa pala, pitong taon akong mag-isa.. ang hirap ang sakit… Chino, kailan ka ba babalik para muli akong maging masaya? Mahal ko,sana magbalik ka pa…

Ang pinakamalaking pagsisisi na maaari nating maramdaman ay yaong di masambit kahit isang letra lamang na magbabahagi ng totoong nilalaman ng ating mga puso. Masakit na Makita mo ang isang taong mahalaga sayo na unti unting lumalayo dahil naging pipi ka sa iyong tunay na nararamdaman.  Kung nagawa mo lang lakasan ang iyong loob para masabi sa kanya ang nilalaman ng iyong puso’t isipan siguro ngayon ay hawak mo pa rin ang kanyang kamay. Siguro ngayon ay walang makakasira sa inyong kasiyahan. PEro hindi, hindi mo kinalagan ang iyong dila para masabi sa kanya na mahal mo sya.

Perina, alam naming kung gaano kasakit na isang araw mawala na lamang lahat ng alaala nyong dalawa dahil binakuran mo ang iyong dila para wag sabihin sakanya ang tunay nyang halaga sa iyong buhay. Nawa’y magsilbi itong aral sayo at sa lahat ng nakikinig ngayon na kahit isang Segundo lamang ang binigay sayo ng tadhana para masambit mo kung gaano sya kahalaga sayo ay kunin mo, wag kang mag-alinlangan. Wag kang matakot dahil ang mabigyan ka kahit 1 segundong pagkakataon para maiparamdam mo ang halaga ng isang tao ay sobra sobra na para mabago nang tuluyan ang iyong kapalaran.

Oras na Perina para pakawalan ang takot sa iyong puso. Oras na rin para pakawalan si Chino at pakawalan ang pagsisisi dahil tapos na ang lahat. Marahil para sayo ay hindi pa,pero para sa kanya tapos na. Tapos na ang kabanata nya sa iyong buhay at sana ay magawa mo na syang mapakawalan para magawa mo na ring ilipat ang iyong pahina sa kabilang kabanata ng iyong buhay. Dahil sa oras na gawin mo to, malalaman mo kung ano ang totoong plano sayo ng Panginoon.

Naantig ka ba sa kuwento ni Perina? Pakinggan ang kanyang kuwento sa Barangay Love Stories podcast.