Mga miyembro ng deaf community, humanga sa representasyon ng 'Green Bones'

By KRISTINE KANG

Puno ng papuri ang netizens sa nakakaantig na istorya ng 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Green Bones. Maliban sa nakakaiyak nitong kuwento, naghandog din ito ng mga mahahalagang aral at usapin tungkol sa hustisya, pag-asa, at sakripisyo na kaugnay sa mga nangyayari ngayon sa bansa.

Isa sa mga tumatak na aspeto ng inspirational-drama film ay ang pagpapakita ng buhay at mga pagsubok ng mga indibidwal mula sa deaf community.

Ang Kapuso child star na si Sienna Stevens ay ginampanan ang papel ng isang batang may kapansanan sa pandinig. Dahil sa kanyang husay sa pag-arte ng kanyang karakter, nanalo siya bilang Best Child Performer sa awards night ng MMFF. Upang maging tapat sa representasyon, natuto ring mag-sign language ang ibang cast ng pelikula tulad nina Dennis Trillo, Mikoy Morales, at Royce Cabrera.

Sa ginanap na block screening, sabay-sabay nanood at natuwa ang ilang miyembro ng deaf community sa Green Bones. Karamihan sa kanila ay humanga at sumaludo sa pelikula, lalo na sa ipinakitang representasyon ng kanilang komunidad.

Isa na rito si Camille Lim, isang netizen na nagpa-cochlear implant upang makarinig nang maayos. Ibinahagi niya ang kanyang pasasalamat sa produksiyon sa pagsama ng deaf community sa istorya. Malaking tulong din daw ang paglagay ng subtitles para mas maunawaan at mapalapit sa puso ng mga manonood ang kuwento.
 
"Without the subtitles I don't think I will understand the movie pero because of the  subtitles and the expressions of the people, I was able to understand it fully," pahayag niya.

Labis din ang tuwa ni Maria, isang deaf individual, na makita ang malinaw na paggamit ng sign language ng mga karakter sa pelikula. Mas na-inspire siya sa representasyong ipinakita ng Green Bones, lalo na sa pagganap ni Dennis Trillo bilang si Domingo Zamora. Ayon kay Maria, nakita niya ang kanyang sarili sa pelikula kaya't mas naantig ang kanyang puso habang pinapanood ito.

"Clear 'yung [sign language] and all. It's really touching [dahil] nandoon kami as a deaf representative. We saw how he (Dennis Trillo) signed and we're really proud of it. Ang ganda ng facial expression niya and wow it's amazing," sabi niya.

Patuloy mapapanood ang Green Bones sa mahigit 180 cinemas, nationwide.

Ang pelikula ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 2024 Metro Manila Film Festival. Idinerehe ito ni Direk Zig Dulay at isinulat nina Ricky Lee at Anj Atienza. Ito rin ay co-produced ng Brightburn Entertainment at kasama sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.

Balikan ang highlights ng Green Bones premiere night, dito: