Bianca Umali, proud sa bagong milestone ni Ruru Madrid
December 23 2024
Labis ang kasiyahan ng Kapuso aktres na si Bianca Umali para sa bagong achievement ng kanyang real-life partner na si Ruru Madrid.
Ang primetime action hero ay kasali sa 2024 Metro Manila Film Festival sa pamamagitan ng inspirational-drama film na Green Bones.
Ito ang kauna-unahang Metro Manila Film Festival film ni Ruru kaya’t labis ang pasasalamat niya sa pagkakataong makatrabaho ang GMA Pictures at GMA Public Affairs sa malaking proyektong ito.
Bilang suporta, inamin ni Bianca na excited at medyo kinakabahan siya para sa milestone ng aktor.
"Actually, ako pa 'yung kinakabahan para sa kanya. Hindi ako makapaghintay na makita na ng mga tao ano 'yung ipinaglaban ni Ruru. This will be another milestone for him in his career and I'm also excited because I know this is another milestone for GMA Pictures," pahayag ni Bianca sa GMANetwork.com.
Ayon kay Bianca, hindi niya malilimutan kung paano nag-manifest si Ruru para sa proyektong ito. Aniya, sinabi raw ni Ruru sa kanya ang kagustuhang makasali sa MMFF matapos mapanood ang 2023 entry na Firefly.
"'Yung nangyari na ito, noong nalaman niya, umiyak siya kasi alam niyang gumana ang panalangin. Alam niyang narinig siya ng kanyang manifestations din," dagdag pa niya.
Buong suporta rin si Bianca sa premiere night ng pelikula, kung saan kasama niya ang kapatid ni Ruru na si Rere Madrid.
Related content: Silipin ang iba pang celebrities na dumalo sa premiere night ng 'Green Bones':
Mapapanood na sa mga sinehan ang Green Bones ngayong December 25.
Ito ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 50th Metro Manila Film Festival.
Idinerehe ito ng award-winning direktor na si Zig Dulay at isinulat ng National Artist Ricky Lee at 2023 MMFF Best Screenplay writer winner na si Anj Atienza.
Co-produced ito ng Brightburn Entertainment at kasama sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Balikan ang star-studded black carpet ng 'Green Bones' premiere night, dito:
Comments
comments powered by Disqus