Ruru Madrid, na-manifest ang MMFF project na 'Green Bones'
December 18 2024
Labis ang excitement at pasasalamat ng Kapuso actor na si Ruru Madrid na makasama sa official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na Green Bones.
Ito raw ang kanyang pinakahinihintay na debut sa kilalang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Kuwento ni Ruru, hindi niya akalain na nagkatotoo ang kanyang na-manifest noong pinanood niya ang 2023 MMFF entry na Firefly.
"Na-manifest ko lang ito, e. Last year I was watching Firefly. Noong nasa end credits sabi ko, 'Feeling ko may MMFF ako next year.' Naramdaman ko sinabi ko kagad kay Bianca (Umali), 'Feeling ko may MMFF ako next year.' Then biglang binigay sa akin. Nagkataon na biglang may Green Bones," pahayag niya.
Ayon kay Ruru, matindi ang kanyang paghahanda para gampanan ang kanyang karakter na si Xavier Gonzaga. Maliban sa pagkakaiba ng pag-arte sa pelikula at telebisyon, napasabak daw ang primetime action hero na gampanan mismo ang kanyang role bilang prison guard.
"Most of my scenes hindi ako nagsasalita, e. Karamihan nagmamasid ako. Most of the time parang inaaral ko what's happening," paliwanag niya.
Sobra rin daw ang iba nito sa mga karakter na ginampanan niya noon.
"Different siya in a way na kung paano niya tingnan 'yung mundo, kung ano 'yung perspective niya, ano 'yung pamumuhay niya. This is actually the first time na gumawa ako ng character na isang correctional officer at hindi madali na maging isang correctional officer dahil napapaligiran ka nga ng tingin mo na masama because nakagawa sila ng krimen. So parang kailangan nilang ipakita na strong sila or kailangan nila ipakita na hindi sila vulnerable because pwede 'yun gamitin sa kanila 'di ba? So ibang iba siya sa mga nagagawa kong teleserye," ani Ruru.
Ang inspirational-drama film na Green Bones ay mapapanood na sa mga sinehan simula ngayong December 25.
Ito ay idinerehe ni Direk Zig Dulay at isinulat ni Ricki Lee at Anj Atienza.
Co-produced ng Brightburn Entertainment ang pelikula at ipapamahagi ito ng Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Habang hinihintay ang Green Bones premiere, balikan ang highlights ng star-studded media day, dito:
Comments
comments powered by Disqus