Dennis Trillo, co-producer din ng 'Green Bones' | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Masaya si Dennis Trillo na nakasama ang Brightburn Entertainment sa produksyon ng 'Green Bones.'

Dennis Trillo, co-producer din ng 'Green Bones'

By KRISTINE KANG

Malapit na mapanood sa big screen ang hinihintay na inspirational-drama film na Green Bones ngayong darating na 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Sa trailer pa lang, kaabang-abang na ang pelikula dahil sa ipinakitang husay ng mga aktor tulad nina Dennis Trillo at Ruru Madrid. Dapat ding abangan ang kuwento ng Green Bones, na binuo ng award-winning team na nasa likod ng MMFF 2023 Best Picture winner na Firefly. Idinirehe ito ni Zig Dulay at isinulat ng National Artist na si Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay writer Anj Atienza.

Ang Green Bones ay isang malaking proyekto hindi lamang para sa GMA Pictures at GMA Public Affairs, kundi pati na rin sa co-producer nilang Brightburn Entertainment

Ang pelikulang ito ay ang kauna-unahang proyekto ng kompanya na itinayo ng Kapuso couple na sina Dennis at Jennylyn Mercado.

Sa isang panayam sa Unang Hirit, sinabi ng Kapuso Drama King na masuwerte sila na makasama sa produksyon ng Green Bones. Puno raw ng pag-asa ang istorya ng pelikula na tiyak na nakakaantig ng damdamin ng mga manonood. Kaya naman labis ang tuwa nila na ito ang maging unang proyekto ng Brightburn Entertainment.

"So proud dahil talagang naniniwala rin kami dito sa proyekto na ito and sa script pa lang, nabasa lang namin, talagang naapektuhan kami. Napaka- suwerte dahil mapalad kami na mapasama mag-produce ng pelikula na ito. Lalo na sa panahon na kung saan maraming tao talagang nanonood ng sine," pahayag niya.

Dagdag pa niya, "Ang kuwento ng Green Bones ay tungkol siya sa pag-asa na puwede mo siyang makita kahit sa pinakamadilim na lugar."

Nagbahagi rin ng pasasalamat si Jennylyn sa isang post ng Brightburn Entertainment.

Ayon sa Kapuso aktres, “This is such a dream project to be part of. The script was beautifully written. Reading it alone already made us think and made us feel a lot of things. On top of that, GMA Pictures and GMA Public Affairs put together such an amazing team led by Direk Zig Dulay.” 

Nagpasalamat din ang Kapuso couple kay GMA Senior Vice President Annette Gozon-Valdes at GMA Pictures Executive Vice President Nessa Valdellon sa pagpayag nila sa collaboration ng dalawang kompanya sa Green Bones.

“We owe it all to Ms Annette who opened the doors for us. We pitched the idea of co-producing Green Bones and she immediately said yes,” pasalamat ni Dennis.

Dagdag ni Jennylyn, “We also thank Ms Nessa and her team as well for casting Dennis in this project. They have been very collaborative with us despite us being newbie producers and we are learning a lot in the process."

Mapapanood na ang official MMFF entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na Green Bones ngayong December 25 sa mga sinehan nationwide. Mag-iikot din ang cast ng pelikula at makikihalubilo sa fans sa mga piling sinehan.

Malapit na din mag-iikot at makihalubilo sa fans ang cast ng pelikula sa mga piling sinehan. 

Samantala, balikan ang star-studded media day ng Green Bones sa gallery na ito: