Direk Zig Dulay, kabilang sa 10 awardees ng The Outstanding Young Men 2024 | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Congratulations, Direk Zig Dulay!

Direk Zig Dulay, kabilang sa 10 awardees ng The Outstanding Young Men 2024

By KRISTINE KANG

Labis ang tuwa ng Kapuso direktor na si Zig Dulay nang matanggap ang parangal bilang isa sa mga 10 awardees ng The Outstanding Young Men (TOYM) 2024.

Nakatanggap siya ng rekognisyon noong Linggo, December 15, kasama ang iba pang napiling awardee mula sa 100 nominadong indibidwal sa industriya. Dahil sa kanyang natatanging leadership, inobasyon, at serbisyo sa industriya ng sining, napili si Direk Zig sa kategorya ng Arts and Culture sa larangan ng pelikula at telebisyon.

Sa isang panayam sa GMA Integrated News, ipinahayag ni Direk Zig ang kanyang kasiyahan sa pagtanggap ng karangalang ito. Nagsisilbing inspirasyon ito hindi lamang sa filmmakers kung hindi pati na rin sa mga kabataan.

"Importante sa akin 'yung award, hindi lamang para sa akin, kung hindi para sa lahat ng taong nakasama ko sa journey ko bilang isang film maker. Makakatulong ito para sa akin, para mas dumami pa 'yung ma-inspire nating kabataan. Para mas dumami pa ma-inspire nating storytellers," sabi niya.

Nagpasalamat din si Direk Zig sa kanyang parangal sa pamamagitan ng isang Instagram post. Ayon sa Kapuso direktor, itinuturing niyang isa sa pinakamahalagang awards ang natamo at ibinabahagi niya ito sa kanyang mga magulang.
 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Zig Dulay (@zigcarlo)

 

Kilala si Direk Zig Dulay sa kanyang kahusayan sa paggawa ng mga makabuluhang pelikula at programa sa telebisyon. Kabilang sa mga proyekto niyang tumatak sa publiko ay ang GMA Prime series na Widows' War, My Guardian Alien, at Maria Clara at Ibarra. Siya rin ang nasa likod ng 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF) Best Picture winner na Firefly.

Babalik si Direk Zig sa MMFF ngayong taon para sa GMA Pictures at GMA Public Affairs' inspirational-drama film entry na Green Bones. Pinagbibidahan ito nina Kapuso Drama King Dennis Trillo at Primetime Action Hero Ruru Madrid. 

Kasama rin niya sa team ang National Artist Ricky Lee, MMFF 2023 Best Screenplay winner Anj Atienza, at ang kanyang production team sa Firefly.

Mapapanood ang Green Bones ngayong darating na pasko sa mga sinehan, nationwide.