Direk Zig Dulay, humanga kina Dennis Trillo at Ruru Madrid sa 'Green Bones' | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Papuri ni Zig Dulay kina Dennis Trillo at Ruru Madrid: 'Ito ‘yung hihingin mo, pero sobra ‘yung ibibigay nila.'

Direk Zig Dulay, humanga kina Dennis Trillo at Ruru Madrid sa 'Green Bones'

By KRISTINE KANG

Maraming netizens ang humanga kaagad sa versatile acting skills nina Dennis Trillo at Ruru Madrid sa official full trailer ng inspirational drama film na Green Bones. 

Mula sa mga madamdaming eksena hanggang sa nakakapanindig-balahibong moments, mahusay nilang ipinasilip ang mga mabigat na eksena ng kanilang mga karakter na sina Domingo Zamora (Dennis Trillo) at Xavier Gonzaga (Ruru Madrid).

Dahil sa kanilang kahusayan sa pag-arte, umani ng papuri online ang dalawang stars at nag-trend pa sa social media. May ilan din fans na nag-manifest na makukuha raw nina Dennis at Ruru ang Best Actor award sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF).

Sa ginanap na media day ng Green Bones noong December 5, pinuri rin ng award-winning na direktor na si Zig Dulay ang main leads ng pelikula. Kuwento ni Direk Zig, namamangha siya sa bawat eksena nina Dennis at Ruru dahil sa kanilang dedikasyon at imahinasyon bilang mga aktor.

"Na-amaze ako lagi everytime doon sa eksena [nina] Ruru at Dennis na ito ‘yung hihingin mo, pero sobra ‘yung ibibigay nila," pahayag niya. "So naa-amaze ka na parang nag wa-wonder ka paano ‘yung ginagawa nila, ano ‘yung proseso na ginagawa nila, ‘yung parang ganoon."

Dahil sa cast at production team, marami rin natutunan si Direk Zig sa paggawa ng pelikula. 

"Marami akong natutunan hindi lamang tungkol sa aking sarili or sa pag-pepelikula, kung hindi ‘yung mga inaambag nu’ng mga taong nakatrabaho ko," aniya. "So beginner's mind, kahit na pang ilang pelikula ko na ito, laging ang nasa utak ko pa rin ay lagi siyang bago, bago in such a way na marami akong bagong matututunan."

Isa rin si Direk Zig sa mga nagdesisyon sa pagpili ng mga pangunahing aktor ng pelikula. Nakita raw niya ang dedikasyon nina Dennis at Ruru sa Green Bones at sa pagpapahayag ng mensahe nito sa mga manonood.

"Kailangan naniniwala sila sa gustong sabihin or gustong i-embark ng pelikula kasi kung hindi, baka maging mechanical [o] hindi tumagos doon sa tao. Lalong-lalo na ang artista, sila talaga 'yung sinusundan ng mga audience, 'di ba? Sila rin susundan ng mga tao. They draw in nila emotionally, philosophically. So importante na ramdam nila at naniniwala sila sa gustong sabihin ng pelikula," paliwanag ni Direk Zig.

Ipapalabas na ang Green Bones sa mga sinehan ngayong December 25 bilang official entry sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF). Binuo ito ng award-winning team ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment. Isinulat din ito nina National Artist Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay winner Anj Atienza. Kasama rin sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.

Samantala, silipin ang highlights ng 'Green Bones' media day sa gallery na ito: