Full trailer ng 'Green Bones,' tinangkilik ng netizens
December 06 2024
"Trailer palang umiiyak na," "Goose bump grabe," at "Hakot award na naman."
Ito ang ilan sa mga naging komento ng netizens matapos panoorin ang full trailer ng 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Green Bones.
Ang grand reveal ng pelikula ay ginanap kahapon sa isang media day, kung saan nagtipon ang star-studded cast na kinabibilangan nina Dennis Trillo, Ruru Madrid, Alessandra de Rossi, Wendell Ramos, Michael de Mesa, Iza Calzado, at marami pang iba.
Naroroon din ang award-winning creators ng pelikula, kabilang na sina direktor Zig Dulay, National Artist Ricky Lee, MMFF 2023 Best Screenplay winner Anj Atienza, at senior manager ng GMA Public Affairs na si JC Rubio. Dumalo rin sa media conference ang GMA Network officials na sina Senior Vice President for Programming, Talent Management, Legal, Human Resources Development, and Worldwide Group, Atty. Annette M. Gozon-Valdes, at ang Vice President ng Sparkle GMA Artist Center na si Ms. Joy Marcelo.
Kasabay nito, ipinost ang full trailer online. Agad ito nakatanggap ng mga positibong reaksyon sa iba't ibang social media platforms.
Maraming netizens ang na-excite sa ipinakitang cinematography at mahusay na pag-arte nina Dennis at Ruru. May mga nagsabi pa na posible raw makukuha ng Kapuso Drama King ang Best Actor award sa MMFF ngayong taon. Nag-trend pa ang pangalan ni Dennis sa X (dating Twitter) dahil sa mga pagsaludo sa kanyang emosyonal at nakakamanghang eksena sa trailer.
Proud din ang fans ni Ruru sa kanyang mahusay na pagganap. Excited sila dahil unang beses nilang makikita ang Kapuso primetime action hero sa MMFF big screen.
Maliban dito, labis din ang tuwa ng ATIN fans nang marinig ang kanta ng SB19 na ‘Nyebe’ bilang main theme song ng pelikula. Pinuri nila ang epekto ng kantang ito sa mga eksena ng inspirational drama film, na lalo pang nagpalakas ng emosyon.
Photo by: GMA Network YT
Ang Green Bones ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
Binuo ito ng award-winning team mula sa 2023 MMFF entry na Firefly at co-produced ng Brightburn Entertainment. Kasama rin sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Panoorin ang full trailer ng 'Green Bones', dito:
Comments
comments powered by Disqus