Ruru Madrid, labis ang pasasalamat sa mainit na suporta ng fans sa 'Green Bones'
November 12 2024
Patuloy na nasasabik ang mga Kapuso sa papalapit na Metro Manila Film Festival 2024 (MMFF) dahil mapapanood nila rito ang pinakahinihintay na official film entry ng GMA Pictures na pinamagatang Green Bones. Sa paglabas ng first look at teaser, dumagsa agad ang mga positibong komento. Nanalo pa ito sa movie review polls bilang isa sa tatlong pelikulang pinakainaabangan ng netizens ngayong holiday season.
Sa isang eksklusibong panayam sa GMANetwork.com, labis na nagpasalamat ang primetime action hero na si Ruru Madrid sa mainit na pagsuporta ng fans sa Green Bones.
"First of all, maraming-maraming salamat po. Base po sa comments section, talagang sobrang nae-enjoy nila at very excited sila sa pelikulang ito," ani Ruru.
Espesyal para kay Ruru ang pelikula dahil ito ang magiging debut film niya sa MMFF. Excited din siya na mapanood ito nang buo dahil kakaiba raw ang istorya at ang kanyang ginampanang karakter bilang prison guard.
"For me it's different, hindi siya 'yung usual na ginagawa kong pelikula o 'yung usual na napapanood natin. So I'm very excited because it's also ground-breaking. You know, I'm sure marami pong magugulat sa pelikula na ito. Kuwento siya ng pag-asa, so parang doon pa lang buong-buo na. Kahit ako na mahilig na manood ng pelikula, I'm very excited sa kung ano [ang] magiging outcome ng project na ito," kuwento ni Ruru.
Balikan ang cinematic first look ng 'Green Bones', dito:
Ang inspirational drama film na Green Bones ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 50th Metro Manila Film Festival. Makakasama ni Ruru ang nag-iisang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo at iba pang kilalang celebrities sa industriya tulad nina Iza Calzado, Alessandra de Rossi, Kylie Padilla, at Sofia Pablo.
Ang Green Bones ay sa ilalim ng direksyon ni Zig Dulay at isinulat nina Ricky Lee at Anj Atienza. Kasama rin sa production ang Brightburn Entertainment at Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Samantala, tingnan dito ang official poster ng pelikulang 'Green Bones':
Comments
comments powered by Disqus