Dennis Trillo at Ruru Madrid, masaya makatrabaho muli ang isa't isa sa 'Green Bones'
September 13 2024
Ngayong paparating na Metro Manila Film Festival, mapapanood sa mga sinehan ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na Green Bones. Ang inspirational drama film ay pagbibidahan nina Action Hero Ruru Madrid at Drama King Dennis Trillo, na magbibigay buhay sa kanilang mga karakter na tatalakay sa pag-asa, hustisya, at lakas ng loob para harapin ang mga pagsubok sa buhay.
Siguradong aabangan ang proyektong ito ng mga manonood dahil ito ang unang pagkakataon na magsasama ang dalawang magagaling na Kapuso stars sa isang pelikula. Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, ibinahagi ng nina Dennis at Ruru ang kanilang pananabik na makatrabaho ang isa’t isa sa Green Bones.
Para kay Dennis, labis ang saya niya na makatrabaho sa isang pelikula si Ruru, na nakatrabaho na niya noong baguhan pa lamang sa industriya ang mas batang aktor.
"Ngayon natutuwa ako na makakatrabaho ko na siya ulit lalo na nakita ko na 'yung experience [na napagdaanan] niya, maraming magagandang projects na ginawa, 'yung maturity niya as an actor talagang kumbaga buong-buo na and ito 'yung perfect time na magkita ulit para gumawa ng ganitong proyekto," pahayag ni Dennis.
Isang karangalan naman kay Ruru na makatrabaho ang isa sa kanyang mga iniidolo sa showbiz. Aniya, ang kanyang karanasan bilang artista ngayon ay mas mature na kumpara noong una silang magsama sa isang proyekto.
"Noong bata pa ako parang for me ginagawa natin is parang naglalaro lang ako, nag-e-enjoy lang ako. But right now kasi I guess the passion and 'yung pagmamahal ko sa craft ko ngayon is different na from 10 years ago, 'di ba?" sabi niya.
Dagdag pa niya, "So I just can't wait to work with Kuya Dennis because I know naman marami akong matututunan sa kaniya. Siya nga ang ating Drama King, 'di po ba? So parang napakasarap sa puso na magkaroon ng isang katrabaho na talagang tinitingala ko sa larangan ng pag-arte."
Ang Green Bones ay ididerehe ng award-winning director na si Zig Dulay at Director of Photography Neil Daza. Isinulat ito ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee at Firefly screenwriter na si Anj Atienza. Kamakailan lang, pumirma rin ng kontrata ang GMA Pictures at Columbia Pictures para sa distribution partnership ng Green Bones at KMJS' Gabi ng Lagim: The Movie.
Comments
comments powered by Disqus