Cesar Montano, emosyonal matapos muling panoorin ang 'Jose Rizal' | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Emosyonal ang aktor na si Cesar Montano matapos panoorin ang digitally restored at remastered version ng pelikula niyang 'Jose Rizal.'

Cesar Montano, emosyonal matapos muling panoorin ang 'Jose Rizal'

By AARON BRENNT EUSEBIO

Hindi napigilan ng batikang aktor na si Cesar Montano na maluha matapos panoorin ang digitally restored and remastered version ng  Jose Rizal, ang pelikulang pinagbidahan niya noong 1998 sa makasaysayang Manila Metropolitan Theatre.

"This movie was released about 26 years ago, hindi ko akalain na mapapaiyak pa rin ako, e. Sobra, sobrang ganda. Magaling 'yung pagkakagawa, napaka-genius talaga ng pagkaka-direct nitong movie," saad niya.

"Ako, natutuwa ako because of this newly-restored movie na 'Jose Rizal.' Nalulungkot din ako dahil sana nandito si Direk Marilou na na-witness niya 'tong restoration na 'to. It's really a great honor to be part of this movie."

Bago magsimula ang pagpapalabas sa pelikula, binalikan ni Cesar kung paano nila pinaghandaan ang pagganap bilang Jose Rizal.

"Nung time na 'yun, 1998, ang nasa isip ko lang ay paggawa ng action films, puro action films po ginagawa ko. At ito pong ating mahal na direktor, eh siya po ang dream ng halos lahat ng aktor sa Pilipinas na makatrabaho dahil napakagaling po talaga nito ni Direk Marilou Diaz-Abaya, biglang in-offer sa'kin ang 'Jose Rizal,' pagbabalik-tanaw ni Cesar.

"Sabi ko pa, parang ito na lang 'yung maaalala sa'king pelikula 'pag wala na ako bakit hindi ko tatanggapin itong 'Jose Rizal.' At tinanggap ko naman, sabi ko naman, siguro madali itong gawin.

"Eh kasama ko pa po puro mga National Artist. Ginawa ko po, hindi ko naman alam na napaka-perfectionist pala ng nanay nito ni Marc Abaya. Pinag-aral po ako ng Espanyol ng pitong buwan."

RELATED GALLERY: Mga aktor na gumanap bilang Jose Rizal:

Pagbibiro ni Cesar, hindi niya pinasukan ang Spanish subject niya sa eskwelahan noon pero hindi niya alam na kailangan niyang pag-aralan ito para sa isang pelikula.

"Eh napilitan po, I was compelled to study Spanish kaya ang ginawa ko, unang-una, lahat ng picture ni Jose Rizal na matitisod ko, e, pina-print ko nang malaki at idinikit ko sa lahat ng pader ng bahay ko, buti binata pa ako noon walang makikielam sa akin.

"At ang TV sa bahay, naka-on sa Spanish channel habang nandoon ako, kahit natutulog ako."

Bukod rito, may mga araw din na pupunta sila sa bahay ng batikang direktor para lang magbasa ng libro at mga sulat noong panahon ni Rizal.

"'Yung lamesa niya for dining, punong-puno ng libro galing sa Ateneo, sa UST, at sa Madrid. Halos malaglag na 'yung libro sa dami. Pupunta ka don, uupo ka, magbabasa ka, at ise-share mo 'yung nabasa mo.

"Mula umaga hanggang gabi, ganun lang po ang gagawin ninyo. 'Yung mga libro na ito ay about our history, not only about Jose Rizal. Victorean era pa, bago pa dumating si Jose Rizal, inaaral na namin."

Sa huli, walang pagsisisi si Cesar na pumayag siyang gampanan ang bayani sa pelikulang itinuturing bilang isa sa mga masterpiece ni Direk Marilou.

"Wala po akong regret dito. Actually, isa pong malaking karangalan at pasasalamat sa akin, umangat po ang aking pananaw bilang actor mula nang makatrabaho ko siya dito sa 'Jose Rizal,' 'Muro Ami,' at 'Bagong Buwan.' Nag-iba po ang aking pananaw."

Samantala, silipin ang naganap na gala screening ng Jose Rizal kamakailan sa gallery na ito: