Alessandra de Rossi, bibida sa pelikulang 'Firefly'
September 27 2023
Kakaibang karakter ang gagampanan ng aktres na si Alessandra De Rossi sa pelikula ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na Firefly kung saan makakasama niya ang child star na si Euwenn Mikaell.
Ayon kay Alessandra, tinanggap niya ang karaker ni Elay dahi sa istorya ng Firefly, na umiikot sa paghahanap ng isang bata sa isang isla na puno ng alitaptap.
"'Yung kuwento ng Firefly galing siya sa point of view ng isang bata. Kung ano 'yung naaalala niya, napaka-pure, napaka-inosente na mga kuwento ng kanyang ina," saad ni Alessandra sa interview ni Aubrey Carampel sa 24 Oras.
Kakaiba rin ang pelikulang Firefly para sa director nitong si Zig Dulay, na siya ring nagdirehe sa matagumpay na GMA Telebabad show na Maria Clara at Ibarra.
"Hindi ko ito katulad ng mga mauna kong pelikula na mga socio-political realism. Ito kasi, hindi siya fantasy, pero magical realism siya," pahayag ni Direk Zig.
Award-winning ang ibang pelikula ni Direk Zig katulad ng Bagahe at Paglipay.
Pagpapatuloy niya, "May iba siyang hinihingi na story-telling device."
Kasama rin sa pelikulang Firefly sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Cherry Pie Picache, Epi Quizon, Yayo Aguila, at Max Collins.
May special participation rin sa Firefly si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
Bukod sa istoryang maraming matututunan ang mga kabataan, ipapamalas din ng Firefly ang ganda ng Pilipinas gaya ng tanyag na Mayon Volcano sa Albay.
"Kahit matanda ka na, 'yung parang gusto mong gumawa ng adventure of your life para ma-achieve 'yung ginawa niya," saad ni Alessandra.
Dagdag ni Direk Zig, "Mararamdaman nila kung gaano kahalaga na nandyan pa 'yung mga nanay at tatay nila na magtuturo sa kanila ng values."
"Tulad ng firefly, katulad ng alitaptap, lahat tayong tao ay may dala-dalang ilaw sa pagharap ng buhay."
Mapapanood ang Firefly, malapit na sa mga sinehan!
Comments
comments powered by Disqus