“I've always been a fan of Lauren Young” – Direk Wincy Ong of Overtime | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Inamin ng director-writer ng pinakabagong pelikula ng GMA Films na 'Overtime' na noon pa man ay taga-hanga na siya ni Kapuso actress Lauren Young. Ayon kay Direk Wincy Ong, unang beses pa lamang niya napanood si Lauren sa isang pelikula ay pinangarap niya nang makatrabaho ito.

“I've always been a fan of Lauren Young” – Direk Wincy Ong of Overtime


Inamin ng director-writer ng pinakabagong pelikula ng GMA Films na Overtime na noon pa man ay taga-hanga na siya ni Kapuso actress Lauren Young. Ayon kay Direk Wincy Ong, unang beses pa lamang niya napanood si Lauren sa isang pelikula ay pinangarap niya nang makatrabaho ito.

Unang napanood ni Direk Wincy si Lauren noong 2011 sa pelikulang Zombadings. Ginampanan ni Lauren ang character ni Hannah na best friend ng bidang si Remington. Ani Direk Wincy, sa Zombadings pa lang ay nakitaan niya na ng galing sa pag-arte si Lauren.

“I've always been a fan of Lauren Young ever since Zombadings pa. I saw Zombadings in Cinemalaya tapos sabi ko, sino 'tong girl na 'to? Ang galing niya,” pahayag ni Direk Wincy.

Isa pang nagpahanga kay Direk Wincy ay ang kakayahang magpatugtog ng piano ni Lauren sa pelikulang ito. Aniya, “’Yun na nga, sabi ko, parang kakaibang artista 'to ah!” Sa mga hindi nakaalam, mahilig sa music instruments si Direk Wincy. Ito ang kanyang pinagkakaabalahan bukod sa pagdidirek.

Kuwento ni Direk Wincy, na-excite daw siya nang malamang isa sa Kapuso stars si Lauren at maaari niya itong makatrabaho sa gagawing pelikula sa GMA Films. “Tapos nalaman ko na lang sa GMA Films na si Lauren pala is one of their talents. Tapos sabi ko, perfect! Game! Lauren, game na 'ko diyan,” anang direktor.

Dagdag pa niya, “Actually unang na-cast si Lauren tapos they gave me Richard (Gutierrez). Tapos sabi ko, wow! Perfect! Si Richard kasi I've always wanted to work with Richard nga. Naisip ko na parang 'yung dynamics ng dalawa. They are really good characters and actors,” saad ni Direk Wincy.

Ayon kay Direk Wincy, nakikita niya raw si Lauren bilang isang romantic lead actress kaya't saktong-sakto raw kay Lauren ang character ni Jodi sa Overtime. Dagdag pa niya, hindi lang daw siya ang na-excite na simulan ang Overtime noon dahil pati si Lauren ay nagustuhan ang istorya ng pelikula.

“Sabi niya, na ito 'yung genre na gusto ko. Ayoko na noong mga pa-tweetums tweetums na date-date. Ang gusto niya raw talaga [ay] 'yung parang suspense-thriller. So sakto,” anang direktor.

Abangan ang pagganap ni Lauren Young sa character ni Jodi sa Overtime, the newest offering of GMA Films, soon on theaters nationwide. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com