“A movie that teaches us how to survive” – Direk Wincy Ong of 'Overtime'
May 07 2014
Nakapanayam namin si Direk Wincy Ong, ang direktor at writer ng pinakabagong pelikula ng GMA Films, ang Overtime, sa kanilang pictorial at ipinakilala niya sa amin ang hindi ordinaryong genre ng kanyang pelikula.
Ayon kay Direk Wincy, napapansin niya na raw na mayroon na lamang tatlong genre na umiikot sa mainstream cinemas ngayon sa Pilipinas. Ito ay ang romance, comedy at horror. Aniya, naniniwala raw siya na kailangan nang makapanood ng mga Pilipino ng mga bagong istorya na nalalayo sa tatlong genre na ito.
Sa project manifesto na inisulat ni Direk Wincy, inilahad niya ang iba’t-ibang tulong na magagawa ng iba’t-ibang film genres. “Romance teaches us how to love. Comedy teaches us how to laugh. Horror teaches us how to face our fears. A thriller teaches us how to survive.”
Kaya naman ngayon sa Overtime, ibang atake ang ginawa ni Direk Wincy na bihirang mapanood ng viewers. “Nasa isip ko na gumawa ng kakaibang movie naman sa mainstream cinema. Marami kaming sinusubukan kasi dito sa movie na ‘to. It starts out as a romantic comedy or a dramatic comedy tapos slowly it built into suspense-thriller,” anang direktor.
Dagdag pa ni Direk Wincy, ginawa niya raw ang Overtime para magpakaba sa mga manonood. “’Yung parang kinakabahan 'yung viewers na parang sinasabi nilang dali, dali, dali! Parang 'yung naiihi ka at the same time parang nabubuhol 'yung katawan mo habang pinapanood mo 'yung movie,” aniya.
Linaw ni Direk Wincy, iba ang suspense-thriller sa horror. “Thriller naman, meaning hindi mga multo. As in 'yung suspense elements dito [ay] puwedeng mangyari sa 'yo sa totoong buhay,” saad niya.
Itinanong namin kay Direk Wincy kung ano ang dapat i-expect ng mga manonood sa Overtime. “Ito talaga 'yung sisigaw 'yung mga tao sa sinehan habang pinapanood nila, ‘yung hindi nila mahihintay kahit na anong mangyari,” pahayag niya.
Bibigyang buhay nina Lauren Young at Richard Gutierrez ang characters na iikot sa istorya ng pelikula ng GMA Films.
Abangan ang Overtime ng GMA Films, this coming July in theaters nationwide. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com