Filtered By: Topstories
News

Gobyerno dapat sisihin din sa krisis sa bigas – solon


MANILA – May kasalanan din ang pamahalaan sa nagaganap na krisis sa bigas, ayon sa isang kongresista na kaalyado ng administrasyon na nagsasagawa ng konsultasyon sa mga magsasaka. Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Palawan Rep. Abraham Mitra, pinuno ng House Agriculture Committee, na batay sa paunang konsultasyon sa mga magsasaka sa Palayan City, Nueva Ecija noong Lunes ay nakumpirma na ang problema sa bigas ay hindi bunga ng kakulangan ng produkto kung hindi suporta sa mga magsasaka. Inilahad umano ng mga magsasaka na libu-libong tonelada ng palay ang nasasayang dahil sa mataas na gastusin sa post-harvest production gaya ng pagpapatuyo ng palay at pagiling. Ayon kay Mitra, karaniwang reklamo ng mga magsasaka ay ang hindi pagbili ng National Food Authority sa kanilang produkto dahil higit na pinapaboran nito ang importasyon ng bigas. Inireklamo rin nila ang mataas na gastusin sa abono, binhi at patubig kaya maraming magsasaka ang naghahanap na lamang ng ibang pagkakakitaan. "We have a situation where our farmers would rather do something else other than tilling their farms for food production because they cannot afford the high cost of farm inputs and post-harvest expenses. Others take the risk only to be frustrated because nobody is buying their produce," pahayag ng kongresista. Ang iba pang usapin sa pagsasaka ay ang matagal na pagpapalabas ng subsidiya sa mga magsasaka at pahirapan sa pag-utang sa bangko at iba pang institusyon. Ilan sa mga magsasaka ang nangungutang umano sa mga miller na siya na ring bumibili ng kanilang palay kahit hindi na kumita. "There is really a need to support our farmers and avert a situation where there's no more farmer to support," ayon sa kongresista. Pagkatapos ng konsultasyon sa Palayan City, magtutungo ang komite ni Mitra sa Trese Martires sa Cavite; Tagaytay City at Batangas City. Kasunod nito ang Cebu, Bohol, Davao at iba pang regional centers sa bansa. - GMANews.TV