ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Exit point sa Clark at Zambo pinababantayan sa BI


MANILA – Inatasan ni Justice Secretary Raul Gonzalez nitong Miyerkules ang Bureau of Immigration na masusing bantayan ang exit points sa Clark, Pampanga at Zamboanga dahil sa mga ulat na ginagamit ng mga illegal recruiters ang nasabing lugar para magpuslit ng mga Pinay patungo sa ibang bansa. Ang direktiba ay ibinigay ni Gonzalez matapos mailigtas ng anti-illegal recruitment task force (AIRTC) ng DOJ ang isang 18-anyos na Filipina na sinasabing ibinenta sa halagang P50,000 ng recruiter sa may-ari ng prostitution den sa Sabah noong April. Ang biktima ay nailigtas umano sa pangunguna ni AIRTF chief assistant Chief State Prosecutor Severino Gana sa tulong ng Malaysian authorities. Ayon sa biktima, ni-recruit siya ng kaibigan ng kanyang tiyahin noong Abril 21 at pinangakuan na magtatrabaho bilang guest relation officer (GRO) sa isang club sa Sabah, Malaysia. Nang araw din iyon ay inilipat siya patungong Sabah sa pamamagitan ng Diosdado Macapagal International Airport (DMIA) (dating Clark Field). Pagdating sa Sabah, pinagpahinga siya ng isang araw at kasunod nito ay itinulak na siya sa prostitusyon hanggang sa masagip ng awtoridad. Pinipilit umano siya ng kanyang amo na makipagtalik sa dalawa hanggang tatlong kostumer sa isang araw. Sa kabila nito, wala umanong ibinibigay na pera sa kanya ang amo at ikinakandado ang pinto ng apartment na kanilang tinutuluyan. Idinagdag niya na may iba pang Filipina na nakita siya sa prostitution den. Nagawa niyang makapagsumbong sa kanyang mga magulang sa Pilipinas nang bigyan siya ng cellphone ng kanyang amo. Nang malaman ang kalagayan ng biktima, lumapit ang mga magulang nito sa DOJ at kaagad na nakipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Malaysia upang masagip ang Pinay. Nakabalik na sa Pilipinas ang biktima nitong Lunes. Sinabi ni Gana na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga awtoridad sa Malaysia upang masagip ang iba pang Pinay doon. Samantala, tinutugis na umano ang recruiter ng biktima at kasabwat nito. - Fidel Jimenez, GMANews.TV