ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kongresistang si 'Ka Bel' pumanaw matapos mahulog sa bubong


MANILA – Pumanaw ang militanteng lider at kilalang kritiko ng administrasyong Arroyo na si Anakpawis party-list Rep. Crispin Beltran nitong Martes ng umaga sa isang ospital matapos mahulog sa bubungan ng kanilang bahay sa Bulacan. Isinugod sa Far Eastern University Hospital si Beltran bunga ng matinding pinsala sa ulo sanhi ng pagkakahulog nito. Sa panayam ng media, sinabi ni Dr Arnold Corpuz na idineklarang patay si Beltran dakong 11:48 a.m. "Nagkaroon ng heartbeat but the head injury is very severe, kaya tumitigil ang hinga niya at tibok ng puso," ayon sa duktor. Sinabi ni Corpuz na dalawang oras sinikap ng mga duktor na “ibalik" si Beltran ngunit nagpasya umano ang pamilya ng kongresista na itigil na pagsisikap na buhayin ito na kung saan limang ulit nabigo ang resuscitation effort. Idinagdag ng duktor na comatose si Beltran nang dalhin sa FEU Hospital sa Quezon City dakong 9:42 a.m. Sa panayam sa telepono, sinabi ni Cherry Clemente, Anakpawis partylist secretary general, idineklara umano ng mga duktor na "clinically dead" at "brain dead" na si Beltran bago pa man ito ideklarang pumanaw na. "Fixed na 'yung pupils niya. Wala na siyang pulse. Gamot (na ibinigay kay Beltran) na lang ang nagbibigay ng signal sa monitor," ayon kay Clemente. Ayon sa anak ni Beltran na si Ofelia Beltran-Balleta, limang ulit nagkaroon ng cardiac arrest ang kanyang ama matapos ang insidente. “Naitakbo kaagad siya sa hospital. Pagdating doon sa North Caloocan Doctor’s Hospital, nag-arrest ang puso niya. Ni-revive siya doon at na-revive naman. Mga 10 a.m., napagpasyahan namin na ilipat siya sa FEU Hospital. Along the way from Caloocan, nag-arrest siya uli. Narevive naman uli siya. While here in the hospital, four times siyang nag-arrest," kwento ni Balleta. “Sabi ng doctor… brain dead na rin siya. Humihinga siya kapag sinasaksakan siya ng gamot at nire-resuscitate pero after wards after five minutes, nag-a-arrest siya uli. So this time, mukhang hindi na rin kayang i-revive. Ganun kalala," idinagdag ni Ofelia. Inihayag naman ni Clemente na umakyat umano si Beltran sa bubungan upang kumpunihin ang sira nito. “Medyo mataas yung inakyat niya, nagdilim daw ang paningin tapos bumagsak sa semento." Idinagdag ni Clemente na nakatakda sanang magtungo sa Kamara de Representantes si Beltran para maghain ng panukalang batas upang alisin ang value added tax sa kuryente. Noong 2006 ay dinakip ng pulisya si Beltran kaugnay sa kasong rebelyon at ilang buwan “nakulong" sa Philippine Heart Centers dahil sa sakit nito sa puso. - Fidel Jimenez, GMANews.TV