Mistulang nagpakita ng pagmamahal ang pangulo ng United Arab Emirates (UAE) matapos niyang bigyan ng pardon ang 143 na Pilipino na nakagawa ng kasalanan sa kanilang bansa.
Inanunsyo ito ni Pangulong Ferdinand ' Bongbong' Marcos Jr. nitong Martes, makaraan silang magkausap sa telepono ni UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed nitong Lunes.
“I expressed my gratitude for the kindness extended to them, particularly their generous pardon of 143 Filipinos, which has brought relief to many families,” ayon kay Marcos.
Hindi nagbigay ng iba pang detalye ang pangulo tungkol sa pardon, pero sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, na kadalasang ibinibigay ang pardon tuwing Eid'l Adha sa buwan ng Hunyo.
Mga nakagagawa rin lang umano ng minor offenses ang pinagkakalooban ng pardon.
"We were formally informed of this by the UAE Embassy last August, and the Philippines appreciates this kind gesture of our friends from the United Arab Emirates," ani De Vega.
Kasabay nito, pinasalamatan din ni Marcos ang mga lider ng UAE dahil sa tulong na ipinagkaloob nito sa Pilipinas nang tumama ang nagdaang bagyo.
“I extended to him my heartfelt thanks for the UAE’s humanitarian aid in the wake of the recent typhoons and floods that struck the Philippines,” anang pangulo.
Dagdag pa niya, "it is always inspiring to hear how our Filipino workers continue to excel and make a positive contribution in the UAE."—mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News