Alice Guo, kinuwestiyon ng NBI tungkol sa abogadong nagnotaryo, lookalike, NBI clearance
Bago siya ibinalik sa bansa, kinuwestiyon ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) si Alice Guo sa Indonesia tungkol sa abogadong nagnotaryo sa isa sa kanyang mga dokumento, pati na ang tungkol sa kanyang kamukha at NBI clearance.
Nitong Setyembre 5, habang inaantay ang pagre-release ng Indonesian Immigration clearance para sa dismissed na alkalde ng Bamban, Tarlac, ang huling requirement para makabalik siya sa Pilipinas, sinamantala ng mga agents ng NBI ang ilang minutong kasama nila si Guo para makakuha ng impormasyon.
Unang tinanong ni Atty. Joselito Valle ng NBI Special Task Force si Alice Guo kung may kilala itong abogado. Ang sagot ni Guo, “Marami”.
Sunod na tinanong ni Valle ay kung may kilala itong “Atty. Galicia”.
Tugon ng alkalde, “'Yung nagnotaryo? Oo, kilala ko,” habang nakangiti.
Nang tanungin ng NBI agent kung kailan sila huling nagharap, humirit agad si Guo na hindi muna siya sasagot.
Pero bakas sa mukha at kilos ng alkalde ang pagbabago sa kanyang mukha. Biglang nawala ang ngiti, tila hindi komportable sa narinig niyang tanong.
Need a wellness break? Sign up for The Boost!
Stay up-to-date with the latest health and wellness reads.
Please enter a valid email address
Your email is safe with us
Sunod na nagtanong si Atty. Lito Magno, assistant director for Investigation Service ng NBI.
Tanong ni Magno kay Guo: “Ikaw ito?” habang ipinapakita ang isang larawan sa kanyang cellphone.
Umiling ang alkalde.
Tanong ulit ng NBI: “Sino ito?”
Tugon ni Alice Guo: “Si.. ano po.. tao ko po 'yan.”
Hirit ni Atty. Yehlen Agus, hepe ng NBI Violence Against Women and Children Division: “Kamukha mo ah.”
Sagot ni Alice Guo: “Lahat halos ng tao ko, [may] long hair.”
Nang sabihan ulit na kamukha niya ito, sagot ng alkalde: “Slimmer version,” sabay ngiti.
Ang litratong ipinakita ng NBI ang umano’y “doppelganger” o kamukha ni Guo.
Ayon sa isang source, naniniwala silang may pinakikilos na mga doppelganger ang alkalde at pinasasakay sa kanyang mga sasakyan para magsilbing “decoy” at mailigaw ang mga humahabol na law enforcement groups sa kanya tulad ng Bureau of Immigration, NBI at Philippine National Police.
Muling nagtanong si Valle kung kumuha na ba ng NBI clearance ang alkalde.
Sagot ni Guo, mukhang nakakuha siya ng NBI clearance bago siya naging mayor.
Sa isang pahayag ni NBI Director Jimmy Santiago at ng Dactyloscopy Unit ng NBI, sinabi nilang nakakuha sila ng fingerprints sa NBI clearance ng isang “Alice Guo”.
Nang ikumpara sa nakuha naman nilang fingerprints ng isang “Guo Hua Ping”, nagtugma ito.
Ang fingerprints ni Guo sa NBI clearance ang isa sa ginamit na basehan para ideklara ng NBI na si Alice Guo at Guo Hua Ping ay iisa.
Nitong Miyerkoles ng madaling araw ay nadakip ng Indonesian Police si Guo sa Tangeray City.
Nai-turn over siya sa mga awtoridad ng Pilipinas noong Huwebes at naibalik sa Pilipinas noong Biyernes ng madaling araw.
Nahaharap sa ilang mga kaso si Guo, gaya ng pagkakasangkot niya diumano sa mga operasyon ng isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban.
Ang 33-anyos na sinibak na alkalde ay inutusang arestuhin ng Senado noong Hulyo nang paulit-ulit na hindi dumalo sa imbestigasyon nito tungkol sa ni-raid na POGO hub sa kaniyang bayan. Itinanggi niya ang mga akusasyon laban sa kaniya, kabilang ang pagiging isang Chinese citizen.
May mga reklamo rin sa kanya para sa umano'y human trafficking, tax evasion, at money laundering. —KG, GMA News
Need a wellness break? Sign up for The Boost!
Stay up-to-date with the latest health and wellness reads.
Please enter a valid email address
Your email is safe with us