Filtered by: Topstories
News

Obispo at pari, nagkapisikalan sa loob ng isang simbahan sa Tondo


Nahuli-cam sa CCTV camera sa loob ng isang parokya sa Gagalangin, Tondo sa Maynila ang kaguluhan na sangkot ang isang obispo at isang pari. Ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), sinabing nagkaroon lang ng hindi pagkakaunawaan sa dalawa.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GTV Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa St. Joseph Parish sa Gagalingan, Tondo.

Ayon kay Fr. Alfonso Valeza, tinangka siyang sakalin ni Novaliches Bishop Antonio Tobias hanggang sa matumba siya.

Hinala niya, napag-initan siya at pinapaalis sa parokya dahil sa ginawa niyang akusasyon tungkol sa katiwalian ng ibang pari.

“Nabigla ako kasi talagang sinakal ako dito na napakahigpit,” ani Valeza.

“Sabi nya sa 'kin, ‘Hindi may decision na, lumayas ka na dito’,” sabi pa ni Valeza. “Parang mayroong nag-petition letter laban sa akin kaya sabi ko bigay niyo sa amin yung petition letter, because it is our right.”

Sa CCTV footage, isang babae ang tila namagitan sa gulo pero itinulak siya ni Tobias.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ni Tobias, pero ang tagapagsalita ng Archdiocese of Manila ang nagbigay ng pahayag para sa obispo.

Hindi umano nagkaroon ng tamang turover ng parokya na naging ugat ng hindi pagkakaunawaan.
Sinusubukan lang umano ni Tobias na pakalmahin si Valeza at wala itong intensyon na manakit.

“Ayun na nga parang nagwawala si Father Al. Parang hindi naman siya sinakal, parang pina-pacify siya ni Bishop,  pero the interpretation was sinasakal,” paliwanag ni Fr. Reginald Malicdem, Vicar General, Archdiocese of Manila.

Inalis umano si Valeza sa parokya dahil sa hindi pagsunod sa utos ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula na sumailalim sa counseling dahil sa kaniyang "unstable personality".

“Meron kasing history of defiance si Father Al. Before in-assign ni Cardinal si Father Al doon sa parish, may kondisyon na binigay si Cardinal, you have to undergo some renewal program to help his personality,” ayon kay Malicdem, na sinabing hindi ito tungkol sa umano'y katiwalian.—FRJ, GMA Integrated News