Filtered By: Topstories
News

Shaira Diaz at EA Guzman, engaged na mula pa noong 2021


Inanunsyo nina Shaira Diaz at EA Guzman na engaged na sila!

Inanunsyo nila ito sa Unang Hirit nitong Biyernes, at sinabing Disyembre 25, 2021 pa naganap ang proposal.

"Yes, mga Kapuso and ‘UH’ fam, Shaira and I are engaged,” pag-anunsyo ni EA, habang ipinapakita naman ni Shaira ang kaniyang singsing.

Sa guesting niya sa Unang Hirit, sumalang si EA sa isang game kung saan ipinakita ang ilang silhouette pictures at kailangan niyang hulaan kung anong mga kaganapan ito.

Kabilang rito ang debut ni Shaira, ang trip nila sa New York, at ang kaniyang pagluhod upang mag-propose kay Shaira.

“Alam kong nasa industriya kami ng showbusiness, hindi ‘to sa taping, hindi ‘to eksena ng taping. Ito po ay nangyari sa aktwal na sitwasyon,” ani EA.

At nang tanungin kung bakit isinapribado muna nila ni Shaira ang kanilang engagement, tumugon si EA na, “I respect Shaira a lot.”

“Ni-respect ko lang 'yung time niya. I know ‘pag nag-propose ako, baka mag-no siya sa ‘kin, that’s the truth. Pero naniwala ako sa pagmamahal niya and alam niya ‘pag nag-propose ako sa kaniya, ‘pag nag-yes siya, I’m willing to wait sa right time niya, sa gusto niyang goal namin na pupuntahan, I’ll wait for her,” pagpapatuloy ng aktor.

Emosyonal naman na inilahad ni Shaira na ito na ang tamang panahon para ianunsyo at sinabi niyang “readying-ready na ‘ko.”

“Ready na ‘ko gumawa ng pamilya in the future, [and] makasama siya habang buhay. Sobrang ready na ‘ko, gusto ko nang ipagsigawan sa mundo kung gano kami nagmamahalan, kung gano ko siya ka-mahal,” pagpapatuloy ni Shaira.

Sa isang video presentation sa Unang Hirit, mapapanood ang proposal night kung saan sinurpresa ni EA si Shaira sa isang flower set-up at may neon lights na nakasulat na “Will you marry me?”

“I love you so much and I want to spend the rest of my life with you,” sabi ni EA kay Shaira, bago siya nag-propose.

“Sa harap ng mga mahal natin sa buhay, Shaira Mae Dela Cruz aka Shaira Diaz…” Gayunman, hindi na tinapos ni EA ang kaniyang pangungusap, at binuksan na lamang ang kahon ng engagement ring.

Ipinagdiriwang nina Shaira at EA ang kanilang ika-11 anibersaryo sa Sabado, Pebrero 17.

Una silang nagkita sa isang reality show, hanggang sa ma-develop ang feelings nila sa isa’t isa matapos mag-perform sa isang mall show.

Nauna nang inihayag ni Shaira na gusto niyang pakasalan si EA matapos ang kaniyang college graduation na nakatakda sa Agosto. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News