Filtered By: Topstories
News

Mabigat na trapik sa Maharlika Highway, iniinda ng mga biyaherong tungong Bicol, VisMin


Dalawang araw bago mag-Pasko, matinding trapik sa Maharlika Highway sa Quezon Province ang sinusuong ng mga biyaherong papuntang Bicol, Visayas at Mindanao.

Dahil sa mga road reblocking, inaabot ng limang oras ang biyahe pagdaan sa bayan ng Gumaca imbes na ang dating 15 hanggang 20 minuto lang.

Sa bahagi ng Andaya Highway naman sa Ragay, Camarines Sur, inaabot ng pito hanggang walong oras ang dating 20 minutong travel time dahil din sa mga road repair.

Dagdag pahirap sa mga biyahero't motorista ang nabutas na daan dahil sa mga pag-ulan.

Mabigat na daloy ng trapik, tinitiis ng biyahero sa Maharlika Highway sa Quezon ngayong Sabado bago mag-Pasko. PEEWEE BACUNO

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), walang materyales ang tumatagal dahil sa masamang panahon kung kaya't lupa muna ang ipinangpupuno sa mga butas.

Pinalala pa ang problema sa trapiko ng mga pasaway na motoristang pilit na sumisingit sa mga lane o nagka-counter flow.

Apektado ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang biyahe ng mga pampasaherong bus at mga cargo delivery truck. — Peewee Bacuno/ VDV, GMA Integrated News