Filtered By: Topstories
News

Kaso ng 3 inaresto na nagpanggap umanong staff ng isang senador, ibinasura ng korte


Ibinasura ng korte ang kasong estafa laban sa ilang indibidwal na nagpanggap umanong staff ni Senador Sherwin "Win" Gatchalian.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkules, nagpasya ang Pasay City Regional Trial Court Branch 115 na walang sapat na batayan ang isinampang kaso laban kina Dina Joson Castro, Ma. Luisa Barlan at isa pang inaresto.

Inutusan na ng korte ang National Bureau of Investigation (NBI) na palayain ang tatlo, habang itutuloy ang kaso laban kay Ryan Lester Dino at isa pang suspek.

Matatandaang dinakip ang ilang katao nitong Nobyembre nang ireklamo sila ng panghihingi ng bayad kapalit umano ng kontrata para maging supplier sa mga reclamation project sa Pasay City.

Sa ulat ni John Consulta sa "Balitanghali" nitong Nobyembre, nahuli si Dino na may hawak na identification card na nakasaad na nagtatrabaho siya sa opisina ng senador.

Ayon sa isang lalaking itinago sa pangalang "Jhun," pinagbayad siya umano ng mga suspek ng P500,000 kapalit ng landfill supply contract para sa isang reclamation project. Isa pang lalaki ang lumantad at sinabing nanghingi umano ang mga suspek ng bayad na P700,000.

Naunang kinondena ni Gatchalian ang insidente, pati ang pagpapanggap umano na kabilang ng kanyang opisina para sa aniya'y mga kriminal na aktibidad. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News