Matapos ang halos pitong taon na pagkakadetine, may pag-asa nang makalaya ng pansamantala si dating Senador Leila De Lima matapos inihayag ng kaniyang abogado na pinayagan na umano ng korte sa Muntinlupa na makapagpiyansa ang kaniyang kliyente.
Sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag ni Atty. Boni Tacarardon, abogado ni De Lima, sinabi nito na inaprubahan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang mosyon ng dating senador na irekonsidera ang nauna nitong pasya at payagan ang kaniyang kliyente na magpiyansa.
“Motion granted,” ani Tacardon.
Pebrero 2017 nang madetine si De Lima sa Camp Crame dahil sa alegasyon na nakinabang siya sa kalakaran ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP) noong kalihim pa lang siya ng Department of Justice (DOJ).
Mariing pinabulaanan ni De Lima ang mga bintang laban sa kaniya.
Sa tatlong isinampang kaso laban sa kaniya, naibasura na ang dalawa sa mga ito. Napawalang-sala siya sa isang kaso noong February 2021 ng Muntinlupa City RTC Branch 205.
Nitong nakaraang May 12, pinawalang sala naman ng Muntinlupa RTC Branch 204 si De Lima at Ronnie Dayan, dati niyang bodyguard, sa isang pang kaso.
Ang nakabinbing kaso na lang sa RTC Branch 206 ang natitira kung saan pinayagan na rin siyang makapagpiyansa.
Dahil dito, maaari nang makalaya pansamantala si De Lima kung wala na siyang ibang kasong kinakaharap sa sandaling mabayaran na niya ang piyansa. —FRJ, GMA Integrated News