Pagtanggal ng kalyo at kulugo gamit ang dagta ng kasuy sa palengke, ligtas nga ba?
Sa murang halaga, maaari nang magpatanggal ng pinoproblemang mga kalyo at kulugo at iba pang sakit sa balat gamit lamang ang langis mula sa kasuy na nabibili sa ilang mga palengke. Gaano naman kaya ito kaligtas, at nirerekomenda ba ito ng mga eksperto?
Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” isa ang pwesto ni Charlie De Castro sa mga pinupuntahan ng mga maysakit sa balat dahil sa gamot na kanilang ibinibenta na nangangako diumano na mag-aalis ng kahit anong sakit sa balat.
“Pagka gulugo, five minutes, pagka kalyo, 15 minutes, nagtatanggal kami nang libre, kahit wala silang bayaran. Diyan mo makikita kung mabisa talaga ‘yung produkto. Kasi unang una, hindi ka naman siguro bibili kung hindi mo naman nakikitang epektibo ang produkto,” sabi ni De Castro, na gumagamit ng dagta ng kasuy.
Ang naglilinis ng aircon na si Patrick Boquiren, sumubok ng langis ng kasuy nang magkaroon ng kulugo ang gitnang daliri sa kanan niyang kamay.
Nang ibuhos ang gamot sa bulak saka itinakip sa daliri ni Boquiren, sumama na apat na kulugo makalipas lamang ang ilang minuto.
Dumugo ang daliri ni Boquiren, pero pagkatapos ng tatlong araw, magaling at tuyo na ito.
Mabibili ang gamot sa halagang P120 hanggang P450, at halos 30 taon nang ibinibenta ni De Castro. Nakuha niya ang gamot mula pa sa kaniyang mga lolo.
“‘Yung kasuy kasi ang primary component niyan kung bakit siya nakakapag-peel ng skin is ‘yung anacardic acid. Napi-peel off ang mga virus ng kulugo,” paliwanag ng licensed chemist na si Shea Tan, RCh.
“To verify it, siyempre kailangan malaman ‘yung origin. Marami kasing harmful component ang isang cashew shell. So it takes a lot of effort para ma-extract ‘yon,” paalala ni Tan.
Nagpaalala rin si Dr. Grace Carole Beltran na hindi ligtas ang pagtanggal ng kulugo gamit ang langis ng kasuy.
“Kung sa palengke ginawa ‘yun, sobrang daming dumi. Infectious ‘yung wart, puwde ring mahawa ‘yung nagtatanggal nu’n. Meron ka pang bacterial contamination. ‘Yung area kung saan nakapatong ‘yung mga gagamitin niya, dapat sterile rin para ma-prevent ‘yung other complications,” sabi ni Dra. Beltran.
Natuklasan din ng team ng KMJS na hindi pa sumailalim sa clinical tests ang gamit na gamot, at hindi rin aprubado ng Food and Drugs Administration.
Ayon naman sa business owner na si Catherine Regondon, nasa proseso na sila para magkaroon ng FDA approval para maging lehitimo ang kanilang produktong dagta ng kasuy. —LBG, GMA Integrated News