Tikoy at mga pampaswerte, taas presyo na rin ngayong Chinese New Year
Tumaas na rin ang presyo ng tikoy at mga mabibiling pampaswerte para sa nalalapit na pagdiriwang ng Chinese New Year.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing tumaas ang presyo ng tikoy dahil tumaas din ang presyo ng asukal.
Umaaray ang mga tindero at tindera sa Binondo dahil sa pagdoble ng presyo ng tikoy.
Mula sa dating P100 para sa tatlo na kalahating kilo ng tikoy, naging P80 ang kada piraso.
Halagang P150 na ngayon ang isang kilo na dating P70, at P280 na ang dalawang kilo na P190 noon.
Nagkakahalaga naman ng P150 ang pampaswerte na pinyang pinaikutan ng dalanghita. Ang gabi naman na tila may mga anak o buklod buklod na pamilya, nasa halagang P150 hanggang P500.
Mabibili sa halagang P400 ang malaking pinya na dinikitan ng maliliit na pinya sa gilid.
Sa halagang P100 naman para sa tatlong piraso ang palay na isinasabit sa pinto.
Mahal sa halagang P15,000 ang kiat-kiat tree na may katumalan ang benta.
Bago magpandemya, nahihirapan ang mga tindero at tindera sa dagsa ng mga mamimili sa isang hilera sa Binondo, ngunit ngayon, halos walang bumibili.
Sa ulat naman ni Oscar Oida sa Balitanghali, sinabing inilalako na rin sa mga bangketa ang lucky charms gaya ng amulet coins, wind charms, dragon money catcher o Pi Yao, lucky bracelets, at iba pang pampaswerte.
Gayunman, nagmahal na rin ang presyo ng lucky charms.
Mula sa dating P100, P150 na ngayon ang mga bracelet. Ang wind charms na dating P250, P300 na ngayon ang presyo.
Mula naman sa dating P100, P120 hanggang P150 na ang amulet coins.
Kung kapos pa rin sa budget, maaaring bumili ng mga Tai Sui card at isang lucky coin sa halagang P50.
Dagsaan na rin sa tindahan ng mga tikoy ang mga tao na nagkukumahog para makabili ng paborito nilang pampaswerte.
Hindi bababa sa 16 klase ng tikoy ang pwedeng pagpilian, mula sa tradisyunal na tikoy white hanggang sa mga bagong klase na salted duck at mango tikoy.
Mabibili ang mga ito sa halagang P150 hanggang P408, depende sa laki at klase.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News