18-anyos, nahulihan ng P68K halaga ng shabu sa QC
Sa kulungan ang bagsak ng isang 18-anyos na lalaki matapos umanong mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000 sa Novaliches Proper, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita ang pakikipagtransaksyon ng pulisya bago dinakip ang suspek na si Omar Maman Martes ng gabi.
Nakuha mula sa lalaki ang 10 gramo ng shabu.
Ilang beses umanong sinubukang isagawa ng pulisya ang operasyon pero mailap ang suspek.
Sa tawag lang din nakikipagtransaksyon ang suspek para makipagkita sa iba't ibang lugar sa Novaliches at Fairview.
Nauna nang nahuli ang nakatatanda niyang kapatid na dawit umano sa pagtutulak.
Huli rin ang isang lalaki sa Brgy. San Isidro, Parañaque sa buy-bust operation ng PNP Drug Enforcement Group.
Nakuha sa lalaki ang 100 gramo ng shabu umano na tinatayang P680,000 ang halaga.
Nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek, na walang pahayag.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News