Filtered By: Topstories
News

Grupo ng mga kalalakihan na inumaga sa inuman sa Maynila, nanugod at nanakit umano ng kapitbahay


Isang grupo ng mga kalalakihan sa Barangay 179, Maynila na inumaga sa inuman ang nanugod at nanakit umano matapos pakiusapan ng kapitbahay dahil sa ingay. Ang mga kalalakihan, sinira pa raw ang kotse ng biktima.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nag-iinuman sa kalsada sa labas ng bahay ni Lourdes Diangson ang ilan niyang kapitbahay noong December 18 ng gabi.

Sa CCTV footage nakitang lumabas ng gate ang manugang ni Diangson at pinuntahan ang grupo ng mga kalalakihan.

Nakiusap daw ito na kung maaari hinaan na ang sound system sa inuman dahil hindi raw makatulog ang mga bata niyang anak.

Pero nang pabalik ng bahay, may humawak sa kanyang balikat na siyang pinalagan nito.

Dito na sinuntok ang manugang ni Diangson na bumawi rin ng suntok bago tumakbo papasok ng bahay.

Pero sumugod papasok ng bahay ang isang lalaki pati na ang ilang mga kasama nito sa inuman.

Sa loob ng bahay napuruhan daw ang bunsong anak ni Diangson na nagtangkang umawat sa mga sumugod na lalaki.

Aniya pa, nasa sala noon ang kanyang tatlong apo at ang pinakabata ay isang buwang sanggol.

“Lahat ng kainuman niya nagsiguran na dito. Nag-force entry sila kaya nasira ang screen door at nabasag nila ‘yung jar… tapos ‘yung mga apo ko na nandito, siyempre nagulat sa pangyayari at lalong nag-iyakan kasi binaba na namin nu’n dahil nga sobrang lakas ng sounds sa itaas,” dagdag pa niya.

Umabot sa 30 minuto matapos mahatak palabas ng bahay ang mga nanugod na kalalakihan.

Ngunit hindi pa nakuntento ang mga ito dahil kotse naman ni Diangson ang kanilang pinagdiskitahan.

Makikita sa CCTV footage na ilang beses na pinagsisipa ng isang lalaki ang side door ng kotse habang hinampas naman ng isang lalaki ang bintana.

Sapul din sa CCTV ang paghampas ng isa pang lalaki sa side mirror ng kotse na ikinabali nito.

Matapos ang ilang minuto, ibang lalaki naman ang lumapit sa kotse at binato ang bintana hanggang sa mabasag.

Maya-maya pa, may lumapit sa CCTV camera at iniyuko ito para hindi na makunan ang kotse.

Pero nakuhanan ng iba pang CCTV camera kung paano binato at binasag ang windshield pati na ang likuran ng kotse.

“May isang taga-roon… tinuro ang kotse ko sabi, ‘yan o, ‘yan ang kotse. Talagang pinag-initan nila, ‘yun ang sinira nila. Hindi lang naman sila humingi ng dispensa eh,” diin ni Diangson.

Ayon sa Barangay 179 Chairman na si Lily Desalesa, dati na raw na may nagrereklamo sa barangay tungkol sa maingay na inuman ng grupo na inaabot hanggang madaling-araw.

Sabi ni Desalesa maraming beses na nilang pinagsabihan ang mga grupo ng kalalakihan.

“Medyo matigas ang ulo kasi nga tuwing may inuman, madalas hanggang madaling-araw. Pero hindi naman po kami nagkulang sa kanila at kinausap na rin namin,” aniya pa.

Dagdag pa niya, may apat rin daw na barangay kagawad na kasama sa inuman at dahil wala raw ginawa para awatin ang inumaga ng party, binigyan na sila ng reprimand.

Samantala, inihahanda na ni Diangson ang ihahaing reklamo laban sa grupo ng mga kalalakihang sumugod sa kanilang bahay at sumira sa kanyang kotse.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kuhanan ng pahayag ang ilan sa mga nakunan sa CCTV pero wala raw sila sa kanilang mga tahanan.

Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang kanilang mga kaanak, ayon pa sa ulat. — Mel Matthew Doctor/BM, GMA Integrated News

Tags: btbmetro