Filtered By: Topstories
News

Pulis na nangholdap umano sa gasolinahan sa Trinidad, Bohol, arestado


Arestado ang isang pulis matapos mang-holdap umano ng isang gasolinahan sa bayan ng Trinidad sa Bohol nitong Sabado. Ang suspek, lulong raw sa sabong kaya nagawa ang krimen.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras Weekend, kinilala ang suspek na si Staff Sergeant Conchito Payac, Jr., na nakatalaga bilang desk officer sa police station sa Dauis, Bohol.

Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya nang holdapin ni Payac ang naturang gasonalihan.

Ayon sa Bohol Police Provincial Office (PPO), positibong kinilala ng cashier at pump boys nang hinoldap na gasolinahan si Payac.

Nakuha rin sa suspek ang inisyung baril sa kanya na isang .9mm black pistol at ang P8,000 na tinangay niya umano mula sa gasolinahan.

Sabi ng mga awtoridad, hindi raw ito ang unang beses na ginawa ni Payac ang krimen dahil sangkot din siya sa iba pang robbery incident sa mga bayan ng Alicia at Duero.

Lulong daw sa sabong si payak, dagdag pa ng pulisya.

“I already instructed the special commanders of Duero and Alicia Police Station to access the victims in the filing of appropriate charges as soon as possible time against the suspect,” saad ni PNP Bohol director Police Lieutenant Colonel Lorenzo Batuan.

Tiniyak ng Bohol PPO na pananagutin sa Payac at mahaharap daw siya sa kasong kriminal at administratibo.

Wala pang pahayag ang pulis ukol sa kanyang nagawang krimen. — Mel Matthew Doctor/BM, GMA Integrated News

Tags: crime, news