Filtered By: Topstories
News

2 umano’y holdaper, sugatan nang makipagbarilan sa mga pulis sa CamNorte


Sugatan ang dalawang pinaghihinalaang holdaper habang arestado ang dalawa pa nilang kasama matapos makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis sa Daet, Camarines Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Miyerkoles, tinangkang holdapin ng apat na lalaki ang isang tindahan sa Barangay Gubat.

Ayon sa pulisya, matagal nang minamanmanan ang galaw ng mga suspek dahil sa mga natatanggap na reklamo laban sa mga ito.

Kaya nang magdeklara sila ng holdap sa bantay ng tindahan, agad na rumesponde ang mga pulis.

Pero nauwi ito sa palitan ng putok nang bumunot din baril ang mga suspek.

“Nag-surveillance din sila, kami naka-deploy naman sa area. So noong mag-declare sila ng holdap at bumunot ng baril sinabayan ito ng ating operatiba,” ayon sa team leader ng Camarines Norte Police Intelligence Unit.

Samantala, nadiskubre rin na may dalang pekeng pera ang mga suspek na pinangbayad sa hotel at iba pang transaksyon sa probinsya.

Sa ngayon, inihahanda na ang mga kasong isasampa sa mga laban sa mga suspek, ayon pa sa ulat.—Mel Matthew Doctor/AOL, GMA Integrated News