Suspek sa murder, natunton sa Bulacan matapos ang 4 taong pagtatago
Arestado ang isang lalaking suspek sa kasong murder matapos ang apat na taong pagtatago nang matunton siya ng pulisya sa Hagonoy, Bulacan.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, makikitang sumakay pa sa speedboat ang mga pulis para marating ang Barangay Pugad na pinagtataguan ng subject ng warrant of arrest na si Mervin Salamat.
Pahirapan bago nahanap ang bahay ni Salamat.
Subject din ng arrest warrant ang kaniyang nakababatang kapatid subalit hindi ito inabutan.
Noong Disyembre 2018, nagtalo sa inuman ang biktima at ang nakababatang kapatid ni Salamat.
Rumesponde si Salamat sa away ng dalawa at sinaksak ang biktima.
Nagtago dahil sa sobrang takot si Salamat na umamin sa krimen.
"Pagdating ko nag-away na sila doon, nagkagulo na po. Nag-agawan kami sa kutsilyo, natusok ko sa kaniya. Noong matusok ko, umalis na po ako eh," anang suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News