Filtered By: Topstories
News

Batang walang kamay at hindi pantay ang mga binti, hinahangaan dahil sa determinasyon


Nagsisilbing inspirasyon sa marami ang anim na taong gulang na si Jash Angel Rubio na bagama’t walang kamay at hindi pantay ang mga binti ay masayahin at puno ng sigla.

Ayon sa ulat sa “24 Oras” ni Andrew Bernardo ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog  nitong Lunes, hinahangaan ng marami sa social media ang mga videos ni Jash Angel na nangangarap maging vlogger balang araw.

Bilib rin ang kanyang mga guro dahil determinado siyang makatapos ng pag-aaral at sinisiguradong hindi hadlang ang kanyang pisikal na kakulangan sa kanyang pangarap sa buhay.

Kasalalukuyang Grade 1 pupil si Jash Angel sa Paaralang Elementarya ng Hidalgo sa Tanauan City, Batangas.

“Kahanga-hanga po itong batang ito na talaga pong masasabi po namin na talaga pong magaling at determinado para makatapos siya ng pag-aaral,” ayon kay Christine Briones,  school head.

Ayon naman kay Janet, ina ni Jash Angel, ganito na ang kalagayan ng bata mula nang isilang ngunit hindi ito naging hadlang sa kanya upang maging positibo ang pananaw sa buhay.

"Hindi 'yon nalulungkot sa kalagayan niya. Hindi siya naiinis. Lagi niyang sinasabi sa’kin, 'Okay lang ako, Ma. Masaya ako.’ Kaya 'di kami nagpapakita na kami'y nawawalan ng pag-asa," pahayag ng ina.

"Isa lang ang meron akong paa pero masaya pa rin po ako dahil nakakalakad po ako," sabi naman ni Jash Angel.

Suportado din si Jash Angel ng kanyang mga kamag-aral at sinisiguradong maayos ang lagay niya sa klase.—Sherylin Untalan/AOL, GMA News