P4 dagdag presyo sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal, hiling ng Philbaking
Humihiling ng P4 dagdag na presyo sa tinapay ang Philippine Baking Industry Group o PhilBaking sa Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, nitong Hunyo pa humirit ng dagdag presyo sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ang grupo subalit nakiusap ang DTI na ipagpaliban ito upang maibsan ang pagtaas ng inflation rate.
Inaasahang isusumite ng PhilBaking sa pangunguna ng pangulo nitong si Johnlu Koa ang kanilang kahilingan sa DTI ngayong Martes.
Sa ngayon ay bumaba na umano ang presyo ng trigo sa pandaigdigang merkado at posibleng maramdaman ito sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.
Sa ngayon ay nagkakahalaga ng P38.50 ang Pinoy Tasty at P23.50 naman ang Pinoy Pandesal.
Ayon naman sa ulat naman ni Joseph Morong sa 24 Oras nitong Martes, pinag-aaralan na ng DTI ang hiling ng Philbaking.
Ayon kay Koa, noong Hunyo pa nila ipinanukala ang request ngunit nakiusap si DTI Secretary Ramon Lopez noon na i-hold off muna upang maibsan ang pagtaas ng inflation rate sa bansa.
“So pinag-usapan namin sa PhilBaking. Mukhang ang mga miyembro sumang-ayon na suportahan yung new government and of course, to mitigate the inflation that is happening. Kaya hindi kami nag-adjust," aniya.
Subalit ngayon ay hindi na raw nila kayang hindi magtaas ng presyo. Bagaman bumababa ang presyo ng trigo sa world market ay posibleng maramdaman pa lamang ito matapos ang tatlo hanggang apat na buwan.
Samantala, umaabot ng P65 hanggang P89 ang presyo ng mga kilalang Tasty brands kung kaya naman ay mas pinipili ngayon ng mga mamimili ang mas murang tinapay tulad ng mamon at cookies.
Ayon naman kay Steven Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, hindi raw masisisi ang mga nagtitinda ng tinapay sa pagtaas ng presyo ng kanilang paninda sapagkat hindi rin nila mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin.
Pahayag naman ni DTI Assistant Secretary Ann Cabochan, patuloy nilang pinag-aaralan ang request ng PhilBaking at maging ang presyo ng mga primary ingredients sa paggawa ng tinapay tulad ng harina at asukal. —Sherylin Untalan/AOL/KG, GMA News