'Sermon cake,' natanggap ng isang babae sa kaniyang kaarawan
Sa halip na masayang pagbati na "Happy Birthday!" isang sermon na nakasulat sa dedication cake ang natanggap ng isang celebrant mula sa kaniyang mga kapatid sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing tinawag ng netizens ang cake na "sermon flavor" dahil tila may mensahe ito ng pangongonsensiya sa celebrant na si Cy Belle.
Kuwento ng uploader na si Cecille Galong Purog, humiling ang kapatid niyang si Cy Belle na regaluhan ito ng cake para sa kaniyang kaarawan noong Hulyo 10.
Pero nagkataong petsa de peligro kaya kapos ang pamilya sa panghanda.
Gayunman, tinupad pa rin ng magkakapatid ang kahilingan ni Cy Belle pero sermon ang nilagay nila sa dedication.
"Nagpabili ka pa talaga ng cake CYBELLE kita mo ngang wala pa kaming sweldo at enrollment pa ng mga pamangkin mo," saad sa dedication.
Nagtawanan naman ang magkakapatid sa reaksyon ni Cy Belle.
Paglilinaw naman ni Cecille, biro lamang ito, at natural na masayahin ang kanilang pamilya.—Jamil Santos/AOL, GMA News