ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sanhi ng pagdami ng mahihirap sa Pilipinas tinukoy ng ADB


MANILA – Ang mahinang koleksyon sa buwis, hindi sapat na mga proyektong bayan, at talamak na katiwalian sa pamahalaan ang itinuturong dahilan ng patuloy na pagdami ng mahirap sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank nitong Huwebes. Sa pag-aaral na may titulong “Philippines: Critical Development Constraints," sinabing napag-iwanan ang ekonomiya ng Pilipinas ng mga kalapit na bansa sa East at Southeast Asia sa nakalipas na limang dekada. "The pace of poverty reduction has been slow and income inequality remains stubbornly high," patungkol ng ADB sa Pilipinas. "Governance concerns underline other critical constraints. For instance, corruption undermines tax collection, reduced resources for and quality of infrastructure development. Similarly, the political instability hinders investment and growth and reduces the tax base," idinagdag sa pag-aaral. Binigyan pansin din ADB ang inilabas na talaan ng isang ahensya ng pamahalaan nitong Miyerkules na nagpapakita na 26.9 porsyento ng pamilyang Filipino ang itinuturing na mahirap noong 2006, mas mataas kumpara sa 24.4 porsyento noong 2003. Idinagdag ng ADB na noong 2006, ang sukatan ng kinikita ng mayaman at mahirap sa Pilipinas ay mataas lang ng kaunti sa 0.45 na pinakamataas sa Southeast Asian economies. "While growth has picked up in recent years, with the economy in 2007 posting its highest growth of 7.3 percent in the last three decades, both public and private investment remain sluggish and their share in gross domestic product has continued to decline, raising the question of whether the current economic momentum can be sustained," pahayag ng ADB. Bukod sa laganap na katiwalian, may iba pang nakikitang sagabal ang ADB sa paglago ng ekonomiya at paglutas sa problema ng kahirapan sa susunod na lima hanggang walong taon. Pinuna ng ADB ang mahigpit na paggastos ng pamahalaan upang mabawasan ang budget deficit ng bansa sa pamamagitan ng pagbabawas sa inilalabas na pondo sa mga makabuluhang proyekto, sa halip na pag-ibayuhin ang koleksyon ng buwis upang makamit ang balanced budget. “The Philippines' share of government revenues as a proportion of gross domestic product has been the lowest among major economies in East and Southeast Asia," ayon sa pag-aaral. Sagabal din umano ang mataas na gastusin sa pagtatayo ng negosyo sa bansa, at masamang lagay ng mga imprastraktura kaya iniiwasan ng mga mamumuhunan ang Pilipinas. "Latest available data shows that per capita electricity consumption in the Philippines is roughly one third that of Thailand and one fifth that of Malaysia. Similarly, per capita paved road length for the Philippines is roughly one sixth that of Thailand and one fourth of Malaysia," idinagdag ng ADB. - Fidel Jimenez, GMANews.TV