Mahigit 100 taxi sa QC, nakagarahe lamang at hindi namamasada dahil sa mahal ng petrolyo
Nakagarahe lamang at hindi nakapapasada ang mahigit sa 100 taxi sa Quezon City dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Biyernes, makikita sa garahe ng isang taxi company ang mga nakatengga lamang na sasakyan dahil sa mahal na presyo ng gasolina.
Sa 175 na rehistrado nilang taxi, 40 hanggang 50 lamang ang nakapapasada.
"'Yung iba umaalis na lang, naghahanap na lang ng ibang matatrabaho gawa ng wala nang kinikita talaga dahil sa laki ng gasolina," sabi ni Jun Tolentino, union president ng MGE Taxi.
Sa kanilang tantiya, nasa 200 nilang mga driver ang umalis na.
Hindi naman tumitigil sa pamamasada si Mang Luciano Gelbolingo para sa dalawa niyang anak na nag-aaral, isang college student at isang Grade 2.
"Mabuti na 'yung mayroon kang maiuwi para sa pamilya kaysa wala talaga. Sipag na lang," sabi ni Gelbolingo.
Idinagdag niya na mula sa dating P2,000, nasa P1,000 na lamang o mababa pa ang naiuuwi niya sa pamilya dahil napupunta ang kita sa gasolina.
Ngayon, P3,000 na ang halaga ng gasolina sa 24 oras na pamamasada kumpara sa dating P1,400.
Pagdating sa boundary, binaba na ito ng kanilang amo sa P1,000 mula sa P1,500, pero hirap pa rin ang mga taxi driver.
Nag-follow-up na raw sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga taxi company para sa subsidiya pero hindi pa sila nakatatanggap ng tugon mula sa tanggapan.
Sinabi ng mga taxi driver na hindi sila pabor na itaas ang flagdown rate sa P60 mula P40 dahil lalo silang mahihirapang makahanap ng pasahero at sila rin ang maaapektuhan kapag ipinatupad ito.—Jamil Santos/AOL, GMA News