Lalaki, patay matapos masagasaan ng trak sa Marikina
Isang lalaki ang namatay matapos masagasaan ng isang 12-wheeler truck na nawalan umano ng preno sa Marikina City nitong Martes.
Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB, sinabi ng mga tauhan ng Rescue 161 sa Marikina na wala nang buhay ang biktima matapos pumailalim sa pinakaunahang gulong ng trak na may kargang backhoe.
FLASH REPORT: Lalaki, patay matapos masagasaan ng isang 12-wheeler truck sa Champaca Street sa Brgy. Marikina Heights, Marikina City. | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/zbXw3jDE8P
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 21, 2021
Pinagtutulungan sa kasalukuyan ng mga rescuer na alisin ang katawan ng hindi pa natutukoy na lalaki.
Ayon sa driver ng 12-wheeler truck na si Roderick Panganilay, nawalan ng preno ang minamaneho niyang sasakyan habang pababa na sa kabahaan ng Champaca Street sa Brgy. Marikina Heights.
Inararo ng trak ang ilang sasakyan, kabilang ang isang kulay puting L300 at isang delivery van na nakaparada sa isang panaderya, dahil na rin sa padausdos ang kalsada.
"Nawalan po ng preno... Nainspeksiyon naman po, kaya lang talaga po sigurong dahil mabigat ang karga," sabi ng driver.
"Tinamaan po ng trak eh, hindi ko na po napansin kung paano. Basta pagtingin ko andiyan na," dagdag ng driver tungkol sa nasagasaang lalaki.
Napaulat din na sugatan ang isang lalaking sakay ng L300.
Patuloy ang imbestigasyon ng Marikina police sa insidente.—Jamil Santos/AOL, GMA News