Filtered By: Topstories
News

Kutsilyong 1 taon nang nakabaon sa katawan ng lalaki sa Kidapawan City, natanggal na


Nabunot na ang limang pulgadang kutsilyo na mahigit isang taon nang nakabaon sa likod ng isang lalaki matapos siyang masaksak sa Kidapawan City.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing Enero ng 2020 nang masaksak si Kent Ryan Tomao habang sakay ng motorsiklo kasama ang kaniyang kaibigan.

Isinugod ang biktima sa ospital subalit hindi na ipina-x-ray pa ng doktor ang kaniyang sugat at tinahi na agad dahil mababaw lang umano ito.

Nadiskubre ang kutsilyo sa likod ni Tomao nang magpa-x-ray siya para mag-apply sa trabaho noong isang buwan.

Naoperahan na nitong Martes si Tomao sa Cotabato Provincial Hospital.

Umabot ng tatlong oras ang operasyon dahil malapit sa baga ng biktima ang patalim.

Kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang bahay si Tomao.—Jamil Santos/AOL, GMA News